PAGLAPIT SA DIYOS
Sa isang sinaunang korte sa Silangan, makalalapit lamang ang isang indibiduwal sa harap ng monarka alinsunod sa itinakdang mga tuntunin at kung may pahintulot ng monarka. Karaniwan na, isang tagapamagitan ang nagsisilbing kinatawan ng mga nais makipag-usap sa tagapamahala, anupat siya ang nagpapakilala sa kanila at gumagarantiya na tunay ang kanilang mga kredensiyal. Ang pagpasok sa pinakaloob na looban ng Persianong si Haring Ahasuero, kung ang isa’y hindi ipinatawag, ay nangangahulugan ng kamatayan; ngunit bagaman isinapanganib ni Reyna Esther ang kaniyang buhay nang pumaroon siya sa harap ng hari, natamo niya ang pagsang-ayon nito. (Es 4:11, 16; 5:1-3) Ipinakikita ng mga pagkilos at mga salita ng mga kapatid ni Jose kung gaanong pag-iingat ang kailangan upang hindi magalit ang hari, sapagkat sinabi ni Juda kay Jose: “Kung paano sa iyo ay gayundin kay Paraon.” (Gen 42:6; 43:15-26; 44:14, 18) Kaya ang paglapit sa harap ng isang makalupang tagapamahala, bagaman isa lamang siyang taong di-sakdal, ay kadalasan nang isang bagay na napakahirap gawin at isang pambihirang pribilehiyo.
Kabanalan ng Presensiya ng Diyos. Bagaman sinabi ni Pablo sa Atenas na ang Diyos ay ‘hindi malayo sa bawat isa sa atin’ (Gaw 17:27), at ipinakikita sa buong Bibliya na madaling lapitan ang Diyos, ang isa na lalapit sa kaniya ay kailangan pa ring makatugon sa tiyak na mga kahilingan at magtamo ng kaniyang pahintulot o pagsang-ayon. Sa pangitain ni Daniel tungkol sa maringal at makalangit na hukuman ng “Sinauna sa mga Araw,” na sa kaniya ay “nakaparoon” ang “anak ng tao” anupat “inilapit [ang anak ng tao] sa harap ng Isang iyon,” ay makikita ang dangal, paggalang, at kaayusan na nauugnay sa presensiya ng Soberanong Tagapamahala ng sansinukob. (Dan 7:9, 10, 13, 14; ihambing ang Jer 30:21.) Ipinahihiwatig ng ulat sa Job 1:6 at 2:1 na sa itinakdang mga panahon ay inaanyayahan ding lumapit ang anghelikong mga anak ng Diyos sa kaniya mismong presensiya, at tiyak na nakaparoon din si Satanas dahil lamang sa pahintulot ng Soberanong Diyos.
Yamang ginawa ang tao ayon sa larawan at wangis ng kaniyang Maylalang anupat pinagkalooban siya ng kakayahang magpamalas ng mga katangian ng Diyos at yamang pananagutan niyang alagaan ang planetang Lupa at ang mga nilalang na hayop na naririto, kailangan niya ang pakikipagtalastasan sa kaniyang Diyos at Ama. (Gen 1:26, 27) Inilalarawan sa Genesis 1:28-30; 2:16, 17 ang gayong pagtatalastasan.
Bilang sakdal na mga nilalang, sa gayo’y walang pagkakasala o kamalayan sa kasalanan, sina Adan at Eva ay maaaring lumapit sa Diyos, sa pamamagitan ng pakikipag-usap, nang hindi nadarama na kailangang may mamagitan sa kanila at sa kanilang Maylalang, anupat nakalalapit sila sa kaniya gaya ng mga anak sa kanilang ama. (Gen 1:31; 2:25) Gayunman, naiwala nila ang kaugnayang iyon dahil sa kanilang pagkakasala at paghihimagsik, na nagbunga naman ng hatol na kamatayan. (Gen 3:16-24) Hindi sinasabi kung gumawa sila ng anumang pagsisikap na makalapit sa Diyos nang dakong huli.
Sa Pamamagitan ng Pananampalataya, Matuwid na mga Gawa, at mga Hain. Ipinakikita ng ulat hinggil sa paglapit ni Cain at ni Abel sa Diyos salig sa mga handog na ang pananampalataya at matuwid na mga gawa ay kahilingan sa paglapit sa Diyos. Dahil dito, hindi maaaring tanggapin ng Diyos si Cain malibang ito’y ‘gumawa ng mabuti.’ (Gen 4:5-9; 1Ju 3:12; Heb 11:4) Nang maglaon, noong panahon ni Enos, lumilitaw na ang pinasimulang “pagtawag sa pangalan ni Jehova” ay hindi ginagawa nang may kataimtiman (Gen 4:26), yamang ang taong may pananampalataya na binanggit pagkatapos ni Abel ay hindi si Enos kundi si Enoc, anupat ipinakikita ng kaniyang ‘paglakad na kasama ng Diyos’ na sinang-ayunan ang kaniyang paglapit. (Gen 5:24; Heb 11:5) Gayunman, ipinakikita ng hula ni Enoc, na nakaulat sa Judas 14, 15, na laganap ang kawalang-galang sa Diyos noong kaniyang mga araw.—Tingnan ang ENOS.
Dahil sa matuwid at walang-pagkukulang na landasin ni Noe sa gitna ng kaniyang mga kapanahon, naging posible na siya’y makalapit sa Diyos at maligtas. (Gen 6:9-19) Pagkaraan ng Baha, lumapit siya sa Diyos salig sa isang hain, gaya ng ginawa ni Abel; pinagpala siya at sinabi sa kaniya ang karagdagang mga kahilingan upang makamit ang pagsang-ayon ng Diyos, gayundin ang hinggil sa tipan ng Diyos sa lahat ng laman na gumagarantiyang hindi na muling magkakaroon ng pangglobong delubyo. (Gen 8:20, 21; 9:1-11) Waring ipinahihiwatig naman ng pananalitang “si Jehova, ang Diyos ni Sem,” na ang anak na ito ni Noe ay higit na pinaboran ng Diyos kaysa sa kaniyang dalawang kapatid.—Gen 9:26, 27.
Ang pagkasaserdote ni Melquisedec. Bagaman si Noe ang naghandog sa altar para sa kaniyang pamilya, walang espesipikong binanggit na “saserdote” na kumatawan sa mga tao sa paglapit nila sa Diyos hanggang noong sumapit ang panahon ni Melquisedec. Ang pagkasaserdote ni Melquisedec ay kinilala ni Abraham, na ‘nagbigay sa kaniya ng ikasampu ng lahat ng bagay.’ (Gen 14:18-20) Sa Hebreo 7:1-3, 15-17, 25, tinutukoy si Melquisedec bilang isang makahulang larawan ni Kristo Jesus.
Paglapit ng ibang mga patriyarka. Dahil sa kaugnayan ni Abraham sa Diyos, naging kuwalipikado siya na tawaging ‘kaibigan ng Diyos’ (Isa 41:8; 2Cr 20:7; San 2:23), at ang kaniyang pananampalataya at pagkamasunurin, lakip ang kaniyang magalang na paglapit sa pamamagitan ng mga altar at mga handog, ay idiniriin bilang siyang saligan nito. (Gen 18:18, 19; 26:3-6; Heb 11:8-10, 17-19) Nakipagtipan ang Diyos sa kaniya. (Gen 12:1-3, 7; 15:1, 5-21; 17:1-8) Ibinigay ang pagtutuli bilang tanda ng pakikipagtipang iyon, anupat sa loob ng ilang panahon ay naging kahilingan ito upang ang isa’y tanggapin ng Diyos. (Gen 17:9-14; Ro 4:11) Dahil sa gayong katayuan ni Abraham, naging kuwalipikado pa nga siya na magsumamo alang-alang sa iba (Gen 20:7), gayunma’y hindi kailanman nawala ang kaniyang matinding paggalang sa harap ng presensiya ni Jehova o ng Kaniyang kinatawan. (Gen 17:3; 18:23-33) Si Job, na malayong kamag-anak ni Abraham, ay naglingkod bilang saserdote para sa kaniyang pamilya, anupat naghandog siya ng mga haing sinusunog para sa kanila (Job 1:5); nagsumamo rin siya alang-alang sa kaniyang tatlong “kasamahan,” at “tinanggap ni Jehova ang mukha ni Job.”—Job 42:7-9.
Sina Isaac at Jacob, na mga tagapagmana ng pangako kay Abraham, ay lumapit sa Diyos sa pamamagitan ng pagtawag sa “pangalan ni Jehova” taglay ang pananampalataya, at sa pamamagitan ng pagtatayo ng mga altar at paghahain ng mga handog.—Heb 11:9, 20, 21; Gen 26:25; 31:54; 33:20.
Si Moises ay tinagubilinan ng anghel ng Diyos na huwag lumapit sa nagniningas na palumpong at inutusang hubarin ang kaniyang mga sandalyas sapagkat nakatayo siya sa “banal na lupa.” (Exo 3:5) Bilang inatasang kinatawan ng Diyos sa bansang Israel, si Moises ay nakalapit sa presensiya ni Jehova sa pantanging paraan noong siya’y nabubuhay, yamang nagsalita si Jehova sa kaniya nang “bibig sa bibig.” (Bil 12:6-13; Exo 24:1, 2, 12-18; 34:30-35) Tulad ni Melquisedec, si Moises ay nagsilbi ring isang makahulang larawan ni Kristo Jesus.—Deu 18:15; Gaw 3:20-23.
Idiniin ang kahalagahan ng sinang-ayunang paglapit. Bago ibinigay ang tipang Kautusan, tinagubilinan ni Jehova ang buong bansang Israel na pabanalin ang kanilang sarili sa loob ng tatlong araw at labhan ang kanilang mga damit. Itinakda ang mga hanggahan sa paglapit at walang tao o hayop ang maaaring humipo sa bundok ng Sinai upang hindi sila tumanggap ng parusang kamatayan. (Exo 19:10-15) Pagkatapos ay “inilabas . . . ni Moises ang bayan mula sa kampo upang salubungin ang tunay na Diyos,” anupat pinatayo niya sila sa paanan ng bundok, at umakyat siya sa bundok upang tanggapin ang mga kundisyon ng tipan sa gitna ng mga kulog at kidlat, usok at apoy, at mga tunog ng trumpeta. (Exo 19:16-20) Inutusan si Moises na huwag pahintulutang “ang mga saserdote at ang bayan ay . . . lumampas upang umahon patungo kay Jehova, upang hindi siya lumabas laban sa kanila.” (Exo 19:21-25) Malamang na ang “mga saserdote” na binanggit dito ay ang pangunahing lalaki ng bawat pamilya sa Israel, yamang sa gayong katayuan ay ‘palagian silang lumalapit kay Jehova’ para sa kani-kanilang pamilya, gaya ni Job.
Sa Ilalim ng Tipang Kautusan. Sa pamamagitan ng tipang Kautusan, itinatag ang isang kaayusan na may probisyon na doo’y makalalapit sa Diyos ang mga indibiduwal at ang buong bansa sa pamamagitan ng itinalagang pagkasaserdote at ng mga haing itinakda ng Kautusan, kaugnay ng isang sagradong tabernakulo at, nang maglaon, ng isang templo. Ang mga anak ni Aaron na Levita ang naglingkod bilang mga saserdote para sa bayan. Ngunit kung mangangahas ang iba, maging ang mga Levita na hindi mula sa linya ni Aaron, na lumapit sa altar o sa banal na mga kagamitan upang magsagawa ng gayong paglilingkod, sila ay mamamatay. (Lev 2:8; Bil 3:10; 16:40; 17:12, 13; 18:2-4, 7) Kailangang matugunan ng mga saserdote ang mahihigpit na kahilingan may kinalaman sa pisikal at seremonyal na kalinisan, at kailangan nilang isuot ang itinakdang kagayakan kapag lumalapit sila sa altar o “sa dakong banal.” (Exo 28:40-43; 30:18-21; 40:32; Lev 22:2, 3) Ang anumang kawalang-galang o paglabag sa mga tagubilin ng Soberanong Diyos hinggil sa paglapit sa kaniya ay magdudulot ng parusang kamatayan, gaya ng nangyari sa dalawang anak mismo ni Aaron. (Lev 10:1-3, 8-11; 16:1) Sa buong bansa, tanging si Aaron, at ang mga humalili sa kaniya bilang mataas na saserdote, ang makapapasok sa Kabanal-banalan sa harap ng kaban ng tipan, na iniuugnay sa presensiya ni Jehova; gayunman, makapapasok lamang siya roon sa isang araw sa bawat taon, sa Araw ng Pagbabayad-Sala. (Lev 16:2, 17) Sa ganitong natatanging posisyon, si Aaron ay patiunang lumarawan kay Kristo Jesus bilang ang Mataas na Saserdote ng Diyos.—Heb 8:1-6; 9:6, 7, 24.
Noong ialay ang templo sa Jerusalem, lumapit si Haring Solomon kay Jehova para sa bansa. Ipinanalangin niya na madilat nawa ang mga mata ni Jehova araw at gabi tungo sa bahay na iyon na doo’y inilagay Niya ang Kaniyang pangalan at na pakinggan Niya nawa ang mga pamamanhik ng hari, ng bansa, at pati ng mga banyagang sumama sa Israel, ng sinumang ‘mananalangin tungo sa bahay na ito.’ Sa gayong paraan, ang lahat ay makalalapit kay Jehova, mula sa hari hanggang sa pinakamababang tao sa bansa.—2Cr 6:19-42.
Sa Israel, ang paglapit sa Diyos hinggil sa mga bagay na nakaaapekto sa buong bansa ay isinasagawa ng hari, saserdote, at propeta. Sa ilang pagkakataon, ginagamit ang Urim at Tumim ng mataas na saserdote upang alamin ang patnubay ng Diyos. (1Sa 8:21, 22; 14:36-41; 1Ha 18:36-45; Jer 42:1-3) Ang paglabag sa kautusan ni Jehova hinggil sa wastong paraan ng paglapit sa kaniya ay magdudulot ng kaparusahan, gaya ng nangyari kay Uzias (2Cr 26:16-20), at maaari rin itong maging dahilan upang tuluyang putulin ni Jehova ang pakikipagtalastasan sa isa, gaya ng nangyari kay Saul. (1Sa 28:6; 1Cr 10:13) Hindi pahihintulutan ni Jehova ang anumang pagwawalang-bahala sa kaniyang Soberanong Presensiya at sa mga bagay na nauugnay roon, at makikita ito sa nangyari sa anak ni Abinadab na si Uzah, na sumunggab sa kaban ng tipan upang pigilan ito ngunit “lumagablab ang galit ni Jehova laban kay Uzah at pinabagsak siya roon ng tunay na Diyos dahil sa walang-pitagang pagkilos.”—2Sa 6:3-7.
Hindi sapat ang ritwal at paghahain. Bagaman sinasabi ng iba na ang pagsamba kay Jehova ay sumulong lamang mula sa pagsambang puro ritwal at paghahain tungo sa isa na may moral na mga kahilingan, ibang-iba naman ang ipinakikita ng mga ebidensiya. Ang ritwal at paghahain ay hindi kailanman naging sapat sa ganang sarili kundi naglaan lamang ng makasagisag na legal na saligan para sa paglapit sa Diyos. (Heb 9:9, 10) Sa katapus-tapusan, si Jehova mismo ang nagpapasiya kung sino ang kaniyang tatanggapin; kaya naman sinasabi sa Awit 65:4: “Maligaya siya na iyong pinipili at pinalalapit, upang tumahan siya sa iyong mga looban.” Ang pananampalataya, katuwiran, katarungan, pagiging malaya sa pagkakasala sa dugo, pagkamatapat, at pagkamasunurin sa ipinahayag na kalooban ng Diyos ay laging idiniriin bilang mga kredensiyal na kailangan upang makalapit sa Diyos, anupat ang makaaakyat sa bundok ni Jehova ay hindi yaong basta nagdadala ng mga kaloob sa Soberano ng Sansinukob kundi yaong “walang-sala ang mga kamay at malinis ang puso.” (Aw 15:1-4; 24:3-6; 50:7-23; 119:169-171; Kaw 3:32; 21:3; Os 6:6; Mik 6:6-8) Kapag hindi taglay ng isa ang mga katangiang ito, ang kaniyang mga hain, pag-aayuno, at maging ang kaniyang mga panalangin ay karima-rimarim at walang kabuluhan sa paningin ng Diyos. (Isa 1:11-17; 58:1-9; 29:13; Kaw 15:8) Kapag nakagawa ng pagkakasala ang isang tao, kailangan muna siyang magpamalas ng wasak na espiritu at durog na puso upang sang-ayunan ang kaniyang paglapit. (Aw 51:16, 17) Ang paglilingkod ng mga saserdote ay hindi makatutulong sa isa sa paglapit sa Diyos kung hinahamak ng gayong mga saserdote ang Kaniyang pangalan at naghahandog sila ng di-kaayaayang mga hain.—Mal 1:6-9.
Ang paglapit sa Diyos ay tinutukoy rin bilang pagharap sa isang hukuman at pagparoon sa harap ng hukom para sa paghatol. (Exo 22:8; Bil 5:16; Job 31:35-37; Isa 50:8) Sa Isaias 41:1, 21, 22, sinasabi ni Jehova sa mga liping pambansa na lumapit at iharap ang kanilang usaping ipinakikipagtalo at mga argumento para sa kaniyang paghatol.
Saligan Para sa Paglapit sa Diyos sa Ilalim ng Bagong Tipan. Bilang makalarawang legal na saligan, ang kaayusan ng tipang Kautusan, lakip ang mga haing hayop nito, ay umakay ng pansin tungo sa isang nakahihigit na saligan para sa paglapit sa Diyos. (Heb 9:8-10; 10:1) Dumating ito sa pamamagitan ng bagong tipan na magsisilbing paraan upang ang lahat ay ‘makakilala kay Jehova, mula sa pinakamababa at maging hanggang sa pinakadakila.’ (Jer 31:31-34; Heb 7:19; 8:10-13) Bilang ang kaisa-isang Tagapamagitan ng bagong tipang iyon, si Kristo Jesus ang naging “daan.” Sinabi niya, “Walang sinumang makaparoroon sa Ama kundi sa pamamagitan ko.” (Ju 14:6, 13, 14) Sa pamamagitan ng kamatayan ni Kristo, inalis ang harang na naghihiwalay sa mga Judio mula sa di-tuling mga bansang Gentil na nasa labas ng pambansang tipan ng Diyos sa Israel, upang “sa pamamagitan niya tayo, ang dalawang bayan, ay may paglapit sa Ama sa pamamagitan ng isang espiritu.” (Efe 2:11-19; Gaw 10:35) Kailangan ang pananampalataya sa Diyos bilang ang “tagapagbigay-gantimpala doon sa mga may-pananabik na humahanap sa kaniya,” gayundin sa pantubos, upang ang isa ay mapayapang makalapit sa Diyos at may-kabaitan Niyang tanggapin sa pamamagitan ni Jesu-Kristo. (Heb 11:6; 1Pe 3:18) Alam niyaong mga lumalapit sa Diyos sa pamamagitan ni Kristo Jesus bilang kanilang Mataas na Saserdote at Tagapamagitan na “siya ay laging buháy upang makiusap para sa kanila” (Heb 7:25), at sila’y may-pagtitiwalang ‘makalalapit sila nang may kalayaan sa pagsasalita sa trono ng di-sana-nararapat na kabaitan.’ (Heb 4:14-16; Efe 3:12) Hindi sila lumalapit taglay ang takot na baka sila hatulan. (Ro 8:33, 34) Gayunpaman, nagpapamalas pa rin sila ng makadiyos na takot at sindak na angkop sa gayong paglapit sa Diyos na “Hukom ng lahat.”—Heb 12:18-24, 28, 29.
Ang paglapit ng isang Kristiyano sa Diyos ay dapat lakipan ng espirituwal na mga hain at mga handog. (1Pe 2:4, 5; Heb 13:15; Ro 12:1) Ipinakikita ng Kasulatan na ang materyal na mga templo at ang mga imaheng ginto, pilak, at bato ay walang maitutulong sa paglapit sa tunay na Diyos. (Gaw 7:47-50; 17:24-29; ihambing ang Efe 2:20-22.) Ang mga kaibigan ng sanlibutan ay mga kaaway ng Diyos; sinasalansang niya ang mga palalo, ngunit ang mga mapagpakumbaba na may ‘malilinis na kamay’ at ‘dalisay na puso’ ay maaaring ‘lumapit sa Diyos, at lalapit siya sa kanila.’—San 4:4-8.
Ang mga pinahirang Kristiyano na tinawag sa makalangit na pag-asa ay may “daang papasók sa dakong banal sa pamamagitan ng dugo ni Jesus,” at, yamang lubusan nilang nakikilala ang “dakilang saserdote sa bahay ng Diyos,” maaari silang “lumapit . . . na may tapat na mga puso sa lubos na katiyakan ng pananampalataya.”—Heb 10:19-22.
Ang kahalagahan ng paglapit sa Diyos nang may pagtitiwala ay tumpak na binuod ng salmista sa pagsasabi: “Sapagkat, narito! sila mismong lumalayo sa iyo ay malilipol. Tiyak na patatahimikin mo ang lahat ng humihiwalay sa iyo sa imoral na paraan. Ngunit kung tungkol sa akin, ang paglapit sa Diyos ay mabuti para sa akin. Ang Soberanong Panginoong Jehova ang ginawa kong aking kanlungan, upang ipahayag ang lahat ng iyong mga gawa.”—Aw 73:27, 28; tingnan ang PANALANGIN.