Genesis
8 Pero binigyang-pansin* ng Diyos si Noe at ang lahat ng maiilap na hayop at maaamong hayop na kasama niya sa arka,+ at ang Diyos ay nagpahihip ng hangin sa ibabaw ng lupa, at nagsimulang humupa ang tubig. 2 Nagsara ang mga bukal ng tubig sa langit at ang mga pintuan ng tubig ng langit, kaya huminto ang pagbuhos ng ulan.+ 3 At ang tubig sa lupa ay unti-unting bumaba. Sa pagtatapos ng 150 araw, humupa na ang tubig. 4 Noong ika-17 araw ng ikapitong buwan, ang arka ay sumadsad sa mga bundok ng Ararat. 5 At ang tubig ay tuloy-tuloy sa pagbaba hanggang sa ika-10 buwan. Noong unang araw ng ika-10 buwan, lumitaw ang taluktok ng mga bundok.+
6 Kaya sa pagtatapos ng 40 araw, binuksan ni Noe ang ginawa niyang bintana+ ng arka, 7 at nagpalipad siya ng isang uwak; nagpabalik-balik ito sa arka hanggang sa matuyo ang tubig sa lupa.
8 Nang maglaon, nagpalipad siya ng isang kalapati para malaman kung bumaba na ang tubig sa ibabaw ng lupa. 9 Walang nakitang madadapuan ang kalapati, kaya bumalik ito sa kaniya dahil natatakpan pa ng tubig ang buong lupa.+ Kaya iniunat ni Noe ang kamay niya at ipinasok ang kalapati sa arka. 10 Naghintay pa siya nang pitong araw, at muli niyang pinalipad ang kalapati. 11 Nang bumalik sa kaniya ang kalapati nang papagabi na, nakita niyang may bagong-pitas na dahon ng olibo sa tuka nito! Kaya nalaman ni Noe na humupa na ang tubig sa lupa.+ 12 Naghintay pa ulit siya ng pitong araw. Pagkatapos ay pinalipad niya ang kalapati, pero hindi na ito bumalik sa kaniya.
13 At nang ika-601 taon,+ noong unang araw ng unang buwan, wala nang baha sa lupa; at inalis ni Noe ang isang bahagi ng bubong* ng arka at nakita niya na natutuyo na ang ibabaw ng lupa. 14 Noong ika-27 araw ng ikalawang buwan, natuyo na ang lupa.
15 Sinabi ngayon ng Diyos kay Noe: 16 “Lumabas ka sa arka, ikaw, ang asawa mo, ang mga anak mo, at ang asawa ng mga anak mo.+ 17 Ilabas mo rin ang lahat ng buháy na nilalang,+ ang iba’t ibang uri ng lumilipad na mga nilalang, mga hayop, at lahat ng gumagapang na hayop sa lupa, para magpalaanakin sila sa lupa at magpakarami.”+
18 Kaya lumabas si Noe, kasama ang mga anak niya,+ ang asawa niya, at ang mga asawa ng mga anak niya. 19 Bawat buháy na nilalang, bawat gumagapang na hayop at bawat lumilipad na nilalang, ang lahat ng gumagalaw sa lupa ay lumabas sa arka ayon sa kani-kanilang uri.+ 20 At nagtayo si Noe ng isang altar+ para kay Jehova at kumuha ng ilan mula sa lahat ng malilinis na hayop at sa lahat ng malilinis na lumilipad na nilalang+ at naghain ng mga handog na sinusunog sa altar.+ 21 At nilanghap ni Jehova ang nakagiginhawang amoy. Kaya sinabi ni Jehova sa sarili* niya: “Hindi ko na muling susumpain ang lupa+ dahil sa tao, dahil masama ang laman ng puso ng tao mula sa kaniyang pagkabata;+ at hindi ko na muling pupuksain ang bawat nabubuhay na bagay gaya ng ginawa ko.+ 22 Hangga’t umiiral ang lupa, laging magkakaroon ng paghahasik ng binhi at pag-aani, lamig at init, tag-araw at taglamig, at araw at gabi.”+