Exodo
8 Pagkatapos, sinabi ni Jehova kay Moises: “Pumunta ka sa Paraon at sabihin mo sa kaniya, ‘Ito ang sinabi ni Jehova: “Payagan mong umalis ang bayan ko para makapaglingkod sila sa akin.+ 2 Kapag hindi mo pa rin sila pinayagang umalis, sasalutin ko ng mga palaka ang buong teritoryo mo.+ 3 At ang Ilog Nilo ay mapupuno ng palaka, at aahon ang mga iyon at pupunta sa iyong bahay, kuwarto, at higaan, at sa bahay ng mga lingkod mo at sa bayan mo, at sa iyong mga pugon at masahan.*+ 4 Sasalutin ka ng mga palaka, pati ang bayan mo at ang lahat ng lingkod mo.”’”
5 Nang maglaon, sinabi ni Jehova kay Moises: “Sabihin mo kay Aaron, ‘Iunat mo ang kamay mong may hawak na tungkod sa ibabaw ng mga ilog, mga kanal ng Nilo, at mga latian, at paahunin mo ang mga palaka sa lupain ng Ehipto.’” 6 Kaya iniunat ni Aaron ang kamay niya sa ibabaw ng tubig ng Ehipto, at umahon ang mga palaka at napuno nito ang Ehipto. 7 Pero ginawa rin iyon ng mga mahikong saserdote gamit ang lihim na mahika nila, at nagpaahon din sila ng mga palaka sa Ehipto.+ 8 Pagkatapos, ipinatawag ng Paraon sina Moises at Aaron at sinabi: “Makiusap kayo kay Jehova na alisin sa akin at sa bayan ko ang mga palaka,+ dahil papayagan ko nang umalis ang bayan ninyo para makapaghain kay Jehova.” 9 Sinabi ni Moises sa Paraon: “Ikaw na ang magsabi kung kailan ako makikiusap na alisin ang mga palaka sa iyo, sa iyong mga lingkod, bayan, at mga bahay. Sa Ilog Nilo lang maiiwan ang mga iyon.” 10 Sumagot ito: “Bukas.” Kaya sinabi niya: “Mangyayari iyon ayon sa sinabi mo para malaman mo na walang sinuman ang tulad ng Diyos naming si Jehova.+ 11 Ang mga palaka ay aalis sa iyo at sa iyong mga bahay, mga lingkod, at bayan. Sa Nilo lang maiiwan ang mga iyon.”+
12 Kaya umalis sina Moises at Aaron sa harap ng Paraon, at nakiusap si Moises kay Jehova dahil sa mga palakang dinala Niya sa Paraon.+ 13 Ginawa ni Jehova ang hiniling ni Moises, at namatay ang mga palaka na nasa mga bahay, bakuran, at parang. 14 Napakaraming bunton ng palaka ang natipon ng mga Ehipsiyo, at bumaho ang lupain. 15 Nang makita ng Paraon na maayos na ang kalagayan, pinatigas niya ang puso niya+ at hindi niya sila pinakinggan, gaya ng sinabi ni Jehova.
16 Sinabi ngayon ni Jehova kay Moises: “Sabihin mo kay Aaron, ‘Iunat mo ang kamay mong may hawak na tungkod at hampasin ang alabok ng lupa, at ito ay magiging mga niknik* sa buong Ehipto.’” 17 At ginawa nila ito. Iniunat ni Aaron ang kamay niyang may hawak na tungkod at hinampas ang alabok ng lupa, at nagkaroon ng mga niknik na sumalakay sa mga tao at hayop. Ang lahat ng alabok ng lupa ay naging mga niknik sa buong Ehipto.+ 18 Sinubukan ng mga mahikong saserdote na magpalabas din ng mga niknik gamit ang lihim na mahika nila,+ pero hindi nila nagawa. At ang mga niknik ay naging pahirap sa mga tao at hayop. 19 Kaya sinabi ng mga mahikong saserdote sa Paraon: “Daliri* ito ng Diyos!”+ Pero nagmatigas pa rin ang puso ng Paraon, at hindi siya nakinig sa kanila, gaya ng sinabi ni Jehova.
20 Pagkatapos, sinabi ni Jehova kay Moises: “Bumangon ka nang maaga bukas at abangan mo ang Paraon kapag papunta na siya sa ilog. Sabihin mo sa kaniya, ‘Ito ang sinabi ni Jehova: “Payagan mong umalis ang bayan ko para makapaglingkod sila sa akin. 21 Pero kung hindi mo papayagang umalis ang bayan ko, magpapadala ako sa iyo at sa iyong mga lingkod, bayan, at mga bahay ng nangangagat na mga langaw; at ang mga bahay sa Ehipto ay mapupuno ng nangangagat na mga langaw, at matatakpan ng mga ito ang lupang tinatapakan nila.* 22 Sa araw na iyon, talagang ibubukod ko ang lupain ng Gosen, kung saan nakatira ang bayan ko. Hindi magkakaroon doon ng nangangagat na mga langaw,+ at sa ganito mo malalaman na ako, si Jehova, ay narito sa lupain.+ 23 At ipapakita ko ang pagkakaiba ng bayan ko at ng bayan mo. Mangyayari bukas ang tandang ito.”’”
24 At iyon ang ginawa ni Jehova, at sinalot ng napakaraming nangangagat na langaw ang bahay ng Paraon, ang mga bahay ng mga lingkod niya, at ang buong lupain ng Ehipto.+ Sinira ng nangangagat na mga langaw ang lupain.+ 25 Sa wakas, ipinatawag ng Paraon sina Moises at Aaron at sinabi: “Sige, maghain na kayo sa inyong Diyos dito sa lupain.” 26 Pero sinabi ni Moises: “Hindi namin puwedeng gawin iyon, dahil magagalit ang mga Ehipsiyo kapag nakita nila kung ano ang ihahain namin sa Diyos naming si Jehova.+ Kung maghahain kami sa harap ng mga Ehipsiyo ng bagay na ikagagalit nila, hindi ba babatuhin nila kami? 27 Maglalakbay kami sa ilang nang tatlong araw at doon kami maghahain sa Diyos naming si Jehova, gaya ng sinabi niya sa amin.”+
28 Sinabi ngayon ng Paraon: “Papayagan ko kayong pumunta sa ilang para maghain sa Diyos ninyong si Jehova. Pero huwag kayong magpapakalayo-layo. Makiusap kayo para sa akin.”+ 29 Sinabi ni Moises: “Aalis na ako sa harap mo, at makikiusap ako kay Jehova, at ang nangangagat na mga langaw ay mawawala na bukas sa Paraon at sa kaniyang mga lingkod at bayan. Pero hindi na kami dapat dayain ng Paraon;* dapat mo nang payagang umalis ang bayan para maghain kay Jehova.”+ 30 Pagkatapos, umalis si Moises sa harap ng Paraon at nakiusap kay Jehova.+ 31 Kaya ginawa ni Jehova ang sinabi ni Moises, at iniwan ng nangangagat na mga langaw ang Paraon at ang kaniyang mga lingkod at bayan. Walang natira kahit isa. 32 Pero pinatigas ulit ng Paraon ang puso niya, at hindi niya pinayagang umalis ang bayan.