DALIRI
Bilang isang instrumento ng kamay at bisig, malaki ang kinalaman ng daliri sa direksiyon at mas pinong mga detalye ng gawaing ginagawa ng isang indibiduwal. Dahil ang mga ito ay bahagi ng kamay, sa Bibliya, ang mga daliri ay ginagamit kung minsan upang tumukoy sa “kamay.” Ang mga salitang ito, “mga daliri” at “mga kamay,” ay ginagamit sa magkatulad na mga pananalita upang ilarawan ang paggawa ng mga idolo.—Isa 2:8.
Sa makasagisag na paraan, tinutukoy ang Diyos bilang gumaganap ng gawain sa pamamagitan ng kaniyang “(mga) daliri,” gaya ng pagsulat ng Sampung Utos sa mga tapyas na bato (Exo 31:18; Deu 9:10), pagsasagawa ng mga himala (Exo 8:18, 19), at paglalang sa langit (Aw 8:3). Ipinahihiwatig ng ulat ng paglalang sa Genesis na ang “mga daliri” ng Diyos na ginamit sa gawaing paglalang ay tumutukoy sa kaniyang banal na espiritu, o aktibong puwersa, yamang sinasabi roon na ang aktibong puwersa (ruʹach, “espiritu”) ng Diyos ay gumagalaw sa ibabaw ng tubig. (Gen 1:2) Gayunman, ibinibigay ng Kristiyanong Griegong Kasulatan ang susi upang maunawaan nang tumpak ang makasagisag na paggamit na ito, anupat ipinaliliwanag ng ulat ni Mateo na pinalayas ni Jesus ang mga demonyo sa pamamagitan ng ‘banal na espiritu ng Diyos’ at sinasabi naman sa atin ng ulat ni Lucas na iyon ay sa pamamagitan ng “daliri ng Diyos.”—Mat 12:28; Luc 11:20.
Ang mga pagkumpas ay partikular na makahulugan sa mga taga-Silangan; kadalasan, ang kaunting galaw ay may malaking kahulugan. Inilalarawan ng Bibliya ang walang-kabuluhang tao bilang “ipinantuturo ang kaniyang mga daliri.” (Kaw 6:12, 13) Kinailangan namang alisin ng mga Israelita mula sa gitna nila ang mga bagay na gaya ng “panduduro ng daliri” (posibleng dahil sa paghamak o bulaang pag-aakusa) kasama na ang pagsasalita ng nakasasakit, kung nais nilang matamo ang pabor ng Diyos. (Isa 58:9-11) Dahil ang mga daliri ay kitang-kita ng mga mata ng mga tao at mahalaga sa pagsasagawa ng mga layunin ng isa, sinabihan ang bayan ng Diyos na makasagisag na ‘itali ang kaniyang mga utos sa kanilang mga daliri’ bilang paalaala at gabay sa tuwina sa lahat ng kanilang gawain.—Kaw 7:2, 3; ihambing ang Aw 144:1.
Nang isang delegasyon ang humiling kay Haring Rehoboam ng mas magaan na pasan ng paglilingkod kaysa sa pasan na inilagay sa kanila ng kaniyang amang Solomon, ang hari ay pinayuhan ng kaniyang kabataang mga tagapaglingkod na sabihing ‘ang kaniyang kalingkingan ay magiging mas malapad kaysa sa balakang ng kaniyang ama’; ang metaporang ito ay nangangahulugang maglalagay siya ng mas mabigat na pasanin sa kanila. (1Ha 12:4, 10, 11) Ang salitang Hebreo na ginamit dito para sa “kalingkingan” ay nagmula sa salitang-ugat na nangangahulugang “maging maliit, munti, pinakamababa.”
Gumamit si Jesu-Kristo ng isang katulad na tayutay upang ilarawan ang malupit at mapagmataas na pamumuno ng mga eskriba at mga Pariseo. Upang ipakita ang lubos na pagtanggi ng mga lider na ito ng relihiyon na tulungan ang napabibigatang mga tao, sinabi ni Jesus na ‘nagbibigkis sila ng mabibigat na pasan sa mga balikat ng mga tao ngunit ayaw man lamang nilang galawin ang mga ito ng kanilang daliri.’ (Mat 23:2-4) Sa isa pang metapora, inilarawan ni Jesus ang “taong mayaman” bilang nagnanais magpagawa kay Lazaro maging ng pinakamaliit na bagay para sa kaniya (magdala lamang ng tubig sa “dulo ng kaniyang daliri”), anupat ang kahilingang ito ay nilayon upang alisin si Lazaro mula sa kaniyang magandang posisyon kay Abraham.—Luc 16:22, 24.
Ang isa sa mga Repaim na lumaban sa Israel ay isang lalaki na pambihira ang laki, isa na di-normal ang henetikong kayarian, anupat ang kaniyang mga daliri sa kamay at paa ay animan, 24 lahat-lahat.—2Sa 21:20; 1Cr 20:6; tingnan din ang HINLALAKI.