Genesis
45 Dahil dito, hindi na mapigil ni Jose ang kaniyang damdamin sa harap ng lahat ng lingkod niya.+ Kaya sumigaw siya: “Palabasin ninyo ang lahat!” Walang ibang naiwan kasama ni Jose habang nagpapakilala siya sa mga kapatid niya.+
2 At umiyak siya nang napakalakas kaya narinig iyon ng mga Ehipsiyo at ng sambahayan ng Paraon. 3 Sa wakas, sinabi ni Jose sa mga kapatid niya: “Ako si Jose. Buháy pa ba ang ama ko?” Pero hindi makasagot ang mga kapatid niya dahil gulat na gulat sila. 4 Kaya sinabi ni Jose sa mga kapatid niya: “Lumapit kayo sa akin, pakisuyo.” At lumapit sila sa kaniya.
Pagkatapos, sinabi niya: “Ako ang kapatid ninyong si Jose, na ibinenta ninyo sa Ehipto.+ 5 Pero huwag na kayong mag-alala o magsisihan na ibinenta ninyo ako; dahil isinugo ako ng Diyos sa unahan ninyo para magligtas ng buhay.+ 6 Ito ang ikalawang taon ng taggutom sa lupa,+ at mayroon pang limang taon na walang mag-aararo o mag-aani. 7 Pero isinugo ako ng Diyos sa unahan ninyo para maingatan ang inyong angkan*+ sa lupa at manatili kayong buháy sa pamamagitan ng isang kahanga-hangang pagliligtas. 8 Kaya hindi kayo ang nagsugo sa akin dito, kundi ang tunay na Diyos, para maatasan niya akong punong tagapayo* ng Paraon at panginoon sa buong sambahayan nito at pinuno sa buong lupain ng Ehipto.+
9 “Bumalik kayo agad sa ama ko, at sabihin ninyo sa kaniya, ‘Ito ang sinabi ng anak mong si Jose: “Inatasan ako ng Diyos bilang panginoon sa buong Ehipto.+ Pumunta kayo agad dito sa akin.+ 10 Tumira kayo sa lupain ng Gosen,+ na malapit sa akin—kayo, kasama ang inyong mga anak, apo, kawan, at bakahan at ang lahat ng pag-aari ninyo. 11 Bibigyan ko kayo ng pagkain doon, dahil limang taon pa ang taggutom.+ Kung hindi, maghihirap kayo at ang inyong sambahayan, at mawawala ang lahat ng pag-aari ninyo.”’ 12 Nakikita mismo ng inyong mga mata at ng kapatid kong si Benjamin na ako nga ang nakikipag-usap sa inyo.+ 13 Kaya sabihin ninyo sa aking ama ang tungkol sa lahat ng kaluwalhatian ko sa Ehipto at ang lahat ng nakita ninyo. Magmadali kayo at isama ninyo rito ang aking ama.”
14 Pagkatapos, niyakap niya ang* kapatid niyang si Benjamin at umiyak, at niyakap din siya ni Benjamin at umiyak.+ 15 At hinalikan niya ang lahat ng kapatid niya at umiyak dahil sa kanila, at pagkatapos ay kinausap siya ng mga kapatid niya.
16 Nakarating ang balita sa sambahayan ng Paraon: “Nandito ang mga kapatid ni Jose!” Ikinatuwa iyon ng Paraon at ng mga lingkod niya. 17 Kaya sinabi ng Paraon kay Jose: “Sabihin mo sa mga kapatid mo: ‘Kargahan ninyo ng pagkain ang mga hayop ninyo at pumunta kayo sa lupain ng Canaan. 18 Sunduin ninyo ang inyong ama at ang inyong mga sambahayan at pumunta kayo sa akin. Ibibigay ko sa inyo ang mabubuting bagay sa lupain ng Ehipto at kakainin ninyo ang mga bunga ng pinakamatabang bahagi ng lupain.’+ 19 Sabihin mo rin sa kanila:+ ‘Kumuha kayo ng mga karwahe+ mula sa lupain ng Ehipto para sa inyong mga anak at asawa, at isakay ninyo roon ang inyong ama at pumunta kayo rito.+ 20 Huwag ninyong panghinayangan ang mga pag-aari ninyo,+ dahil mapapasainyo ang pinakamabubuting bagay sa buong lupain ng Ehipto.’”
21 At iyon ang ginawa ng mga anak ni Israel, at binigyan sila ni Jose ng mga karwahe ayon sa utos ng Paraon at binigyan sila ng mga panustos sa paglalakbay. 22 Binigyan niya ang bawat isa sa kanila ng tig-iisang pamalit na damit, pero binigyan niya si Benjamin ng 300 pirasong pilak at limang pamalit na damit.+ 23 At para sa ama niya ay ipinadala niya ang sumusunod: 10 asno na may pasang mabubuting bagay ng Ehipto at 10 babaeng asno na may pasang mga butil, tinapay, at panustos ng kaniyang ama sa paglalakbay. 24 At pinauwi na niya ang mga kapatid niya, at habang papaalis sila, sinabi niya: “Huwag kayong mag-aaway habang nasa daan.”+
25 Pagkatapos, umalis na sila sa Ehipto at nakarating sa lupain ng Canaan, sa kanilang amang si Jacob. 26 At sinabi nila sa kaniya: “Buháy si Jose, at siya ang tagapamahala sa buong lupain ng Ehipto!”+ Pero hindi niya pinansin ang kuwento nila dahil hindi niya sila pinaniwalaan.+ 27 Nang patuloy nilang ikinuwento sa kaniya ang lahat ng sinabi ni Jose sa kanila at nang makita niya ang mga karwahe na ipinadala ni Jose para sakyan niya, nabuhayan ng loob ang* kanilang amang si Jacob. 28 Sinabi ni Israel: “Naniniwala na ako! Buháy pa ang anak kong si Jose! Pupuntahan ko siya para makita ko siya bago ako mamatay!”+