Unang Samuel
31 Ang mga Filisteo ngayon ay nakikipagdigma sa Israel.+ At tumakas ang mga mandirigmang Israelita mula sa mga Filisteo, at marami ang namatay sa Bundok Gilboa.+ 2 Pinuntirya ng mga Filisteo si Saul at ang mga anak niya, at napatay ng mga Filisteo sina Jonatan,+ Abinadab, at Malki-sua, na mga anak ni Saul.+ 3 Napasabak si Saul sa matinding labanan, at nakita siya ng mga mamamanà, at malubha siyang nasugatan ng mga ito.+ 4 Kaya sinabi ni Saul sa tagapagdala niya ng sandata: “Hugutin mo ang espada mo at saksakin mo ako, para hindi ang mga di-tuling lalaking iyon+ ang sumaksak sa akin at nang hindi nila ako mapahirapan.” Pero ayaw itong gawin ng tagapagdala niya ng sandata, dahil takot na takot ito. Kaya kinuha ni Saul ang espada at sinaksak ang sarili.+ 5 Nang makita ng tagapagdala ng sandata na patay na si Saul,+ sinaksak din nito ang sarili gamit ang sariling espada at namatay na kasama niya. 6 Kaya si Saul, ang tatlo niyang anak na lalaki, ang tagapagdala niya ng sandata, at ang lahat ng tauhan niya ay pare-parehong namatay nang araw na iyon.+ 7 Nang malaman ng mga Israelitang nasa lambak* at nasa rehiyon ng Jordan na ang mga mandirigmang Israelita ay tumakas at si Saul at ang mga anak niya ay patay na, iniwan nila ang mga lunsod at tumakas;+ pagkatapos, dumating ang mga Filisteo at nanirahan doon.
8 Kinabukasan, nang dumating ang mga Filisteo para hubaran ang mga napatay, nakita nila sa Bundok Gilboa+ ang bangkay ni Saul at ng tatlong anak nito. 9 Pinugutan nila ng ulo si Saul at hinubaran ng kasuotang pandigma, at nagpadala sila ng mensahe sa buong lupain ng mga Filisteo para ibalita+ sa mga bahay* ng kanilang mga idolo+ at sa mga tao ang nangyari. 10 Pagkatapos, inilagay nila ang kaniyang kasuotang pandigma sa bahay ng mga imahen ni Astoret, at ipinako ang bangkay niya sa pader ng Bet-san.+ 11 Nang mabalitaan ng mga taga-Jabes-gilead+ ang ginawa ng mga Filisteo kay Saul, 12 ang lahat ng mandirigma ay naglakbay nang magdamag, at tinanggal nila ang bangkay ni Saul at ng mga anak nito mula sa pader ng Bet-san. Bumalik sila sa Jabes at sinunog nila roon ang mga iyon. 13 Pagkatapos, kinuha nila ang mga buto ng mga ito+ at inilibing sa ilalim ng puno ng tamarisko sa Jabes,+ at nag-ayuno sila nang pitong araw.