BET-SEAN, BET-SAN
Noong una ay isang pangunahing nakukutaang lunsod ng mga Canaanita, na nasa isang mataas at estratehikong dako sa pasukan ng Libis ng Jezreel mula sa Libis ng Jordan. Ang pangalang ito ay nananatili pa rin sa pangalan ng Beisan (Bet Sheʼan), at ang sinaunang lokasyon naman ay nasa kalapit na Tell el-Husn (Tel Bet Sheʼan). Ang lupain sa lugar ng Bet-sean ay mas mababa nang mga 120 m (390 piye) mula sa kapantayan ng dagat, at sa dakong S ay papalusong pa ito hanggang sa mga 275 m (900 piye) mula sa kapantayan ng dagat sa tabi ng pampang ng Ilog Jordan, mga 5 km (3 mi) ang layo. Palibhasa’y itinayo sa isang malaking gulod sa bandang itaas ng dalisdis na ito, maganda ang posisyong militar ng Bet-sean. Sa dakong K ng Bet-sean, ang kapatagang libis, na dinaraanan ng ilog ng Jalud (Nahal Harod), ay natutubigang mainam at mataba at papaahon nang banayad hanggang sa umabot ito sa Jezreel na mga 17 km (11 mi) sa dakong KHK.
Ang bayan ng Bet-sean ay isa ring salubungang-dako na nasa popular na ruta na nagmumula sa Baybayin ng Mediteraneo patawid sa Libis ng Jordan at patungong Damasco at Arabia.
Sa arkeolohikal na paghuhukay sa Bet-sean, natuklasan ang maraming suson o lebel ng sinaunang mga guho, na ang pinakamaaga ay bago pa ang panahon ni Abraham. (DAYAGRAM, Tomo 1, p. 959) Noong kalagitnaan ng ikalawang milenyo B.C.E., ang Bet-sean ay waring napasailalim ng pamumuno ng Ehipto bilang resulta ng tagumpay ni Thutmose III sa Megido. Ipinahihiwatig ng arkeolohikal na katibayan na ito ay naging himpilan ng mga Ehipsiyo noong panahon ng pamamahala ng ilang Paraon.
Noong panahong masakop ng Israel ang Canaan (1473-mga 1467 B.C.E.), ang Bet-sean, na nasa loob ng teritoryong ibinigay sa Isacar, ay iniatas sa tribo ni Manases bilang pag-aari. (Jos 17:11; 1Cr 7:29) Hindi napalayas ng mga lalaki ng Manases ang mga Canaanita sa Bet-sean at sa iba pang mga bayan sa libis, anupat ipinangatuwiran nila na mas malakas ang puwersang militar ng mga Canaanita dahil sa mga karong pandigma ng mga ito na may mga lingkaw na bakal, ngunit ang dahilan nilang ito ay hindi naging katanggap-tanggap sa kanilang kumandanteng si Josue. Gayunpaman, bagaman hindi naitaboy ang mga Canaanita, nang dakong huli ay nasupil sila at isinailalim sa puwersahang pagtatrabaho.—Jos 17:12, 13, 16-18; Huk 1:27, 28.
Ang Bet-sean ay sakop ng mga Filisteo noong panahon ng paghahari ni Haring Saul, at pagkatapos na matalo ng mga Filisteo si Saul sa karatig na Bundok Gilboa, inilagay nila ang kaniyang baluti sa “bahay ng mga imahen ni Astoret” at ang kaniyang ulo naman sa bahay ni Dagon, at ibinitin nila ang mga bangkay ni Saul at ng kaniyang mga anak sa pader ng Bet-san (Bet-sean), maliwanag na sa bandang loob na nakaharap sa liwasan ng lunsod. Ang mga bangkay ay kinuha ng matatapang na Israelita ng Jabes-gilead, na mga 20 km (12 mi) ang layo at nasa kabilang ibayo ng Jordan, anupat marahil ay pinasok nila ang lunsod sa gabi upang magawa ito.—1Sa 31:8-13; 2Sa 21:12; 1Cr 10:8-12.
Kaayon ng nabanggit na ulat, natuklasan sa paghuhukay sa Tell el-Husn ang mga guho ng dalawang templo. Ipinapalagay na ang isa sa mga ito ay templo ni Astoret at ang isa naman, na nasa mas dako pang T, ay templo ni Dagon. Ang templo ni Astoret ay tinatayang patuloy na ginamit hanggang noong mga ikasampung siglo B.C.E. Ipinakikita ng katibayan na mas maaga pa rito ay sinasamba na roon ang isang diyos na Baal na tinukoy sa isang stela bilang si “Mekal na panginoon [Baal] ng Bet-san.”
Nang maglaon ay nilupig ng mga Israelita ang lunsod, walang alinlangang noong panahon ng paghahari ni David; at noong panahon ng paghahari ni Solomon, ang Bet-sean ay kabilang sa isa sa 12 distrito na naglalaan ng pagkain sa sambahayan ng hari. (1Ha 4:12) Pagkatapos na mahati ang kaharian, ang Palestina ay sinalakay ni Paraon Sisak (tinatawag na Sheshonk ng mga Ehipsiyo) noong ikalimang taon ni Haring Rehoboam (993 B.C.E.). (1Ha 14:25) Inilalarawan ng relyebe sa isang pader sa Karnak sa Ehipto ang matagumpay na kampanya at pananakop ni Sisak sa maraming bayan, kabilang na ang Bet-sean.
Noong panahon ng mga Macabeo, ang Bet-sean ay tinatawag nang Scythopolis, at sinasabi ng Judiong istoryador na si Josephus na ito ang pinakamalaking lunsod sa Decapolis. (The Jewish War, III, 446 [ix, 7]) Sa sampung lunsod sa Decapolis, ito lamang ang nasa K ng Jordan.
[Larawan sa pahina 400]
Ang Bet-sean, na itinayo sa gulod na ito, ay nasa estratehikong dako sa silangang pasukan ng Libis ng Jezreel