Genesis
20 At inilipat ni Abraham ang kaniyang kampo mula roon+ papunta sa lupain ng Negeb at nanirahan sa pagitan ng Kades+ at Sur.+ Habang nakatira siya* sa Gerar,+ 2 sinabi ulit ni Abraham tungkol sa asawa niyang si Sara: “Kapatid ko siya.”+ Kaya si Abimelec na hari ng Gerar ay nagsugo para kunin si Sara.+ 3 Pagkatapos, isang gabi ay sinabi ng Diyos kay Abimelec sa panaginip: “Mamamatay ka dahil sa babaeng kinuha mo,+ dahil may asawa na siya at pag-aari ng ibang lalaki.”+ 4 Pero hindi pa nakalalapit si Abimelec kay Sara.* Kaya sinabi niya: “Jehova, papatayin mo ba ang isang bansang wala naman talagang kasalanan?* 5 Hindi ba sinabi sa akin ni Abraham, ‘Kapatid ko siya,’ at hindi ba sinabi rin ni Sara, ‘Kapatid ko siya’? Malinis ang konsensiya* ko. Hindi ko alam na mali ang ginawa ko.” 6 At sinabi sa kaniya ng tunay na Diyos sa panaginip: “Alam ko na malinis ang konsensiya mo nang gawin mo ito, kaya pinigilan kita na magkasala sa akin. Iyan ang dahilan kung bakit hindi kita pinahintulutang galawin siya. 7 Kaya ibalik mo ngayon ang asawa ng lalaki, dahil isa siyang propeta,+ at magsusumamo siya alang-alang sa iyo+ para patuloy kang mabuhay. Pero kung hindi mo siya ibabalik, tiyak na mamamatay ka, ikaw at ang lahat ng sa iyo.”
8 At bumangon nang maaga si Abimelec at tinawag ang lahat ng lingkod niya at sinabi sa kanila ang lahat ng ito, kaya takot na takot sila. 9 Pagkatapos, tinawag ni Abimelec si Abraham at sinabi: “Ano itong ginawa mo sa amin? Ano ang kasalanan ko sa iyo kaya nagdala ka ng malaking kapahamakan sa akin at sa kaharian ko? Hindi tama ang ginawa mo sa akin.” 10 Sinabi pa ni Abimelec kay Abraham: “Ano ba ang nasa isip mo at ginawa mo ito?”+ 11 Sumagot si Abraham: “Naisip ko, ‘Siguradong walang takot sa Diyos sa lugar na ito, at papatayin nila ako dahil sa asawa ko.’+ 12 Isa pa, talagang kapatid ko siya; anak siya ng ama ko pero hindi siya anak ng aking ina, at naging asawa ko siya.+ 13 Kaya nang sabihin ng Diyos na iwan ko ang bahay ng aking ama+ at magpalipat-lipat ng lugar, sinabi ko sa asawa ko: ‘Sa ganitong paraan ka sana magpakita ng tapat na pag-ibig sa akin: Saanman tayo pumunta, sabihin mo tungkol sa akin, “Kapatid ko siya.”’”+
14 Pagkatapos, kumuha si Abimelec ng mga tupa, baka, at mga alilang lalaki at babae at ibinigay ang mga iyon kay Abraham, at ibinalik niya ang asawa nitong si Sara. 15 Sinabi pa ni Abimelec: “Narito ang lupain ko. Tumira ka kahit saan mo gusto.” 16 At sinabi niya kay Sara: “Magbibigay ako ng 1,000 pirasong pilak sa kapatid mo.+ Patunay ito sa lahat ng kasama mo at sa harap ng lahat na hindi ka nadungisan,* at maaalis sa iyo ang kahihiyan.” 17 At nagsimulang magsumamo si Abraham sa tunay na Diyos, at pinagaling ng Diyos si Abimelec at ang kaniyang asawa at mga aliping babae, at nagsimula silang magkaanak; 18 dahil ginawang baog ni Jehova ang lahat ng babae* sa sambahayan ni Abimelec dahil kay Sara, na asawa ni Abraham.+