SATANAS
[Mananalansang].
Sa maraming talata sa Hebreong Kasulatan, lumilitaw ang salitang sa·tanʹ nang walang pamanggit na pantukoy (definite article). Sa ganitong pagkagamit, ang unang paglitaw nito ay kumakapit sa anghel na tumayo sa daan upang hadlangan si Balaam nang humahayo siya para sumpain ang mga Israelita. (Bil 22:22, 32) Sa ibang mga paglitaw naman, tumutukoy ito sa mga taong kalaban ng ibang mga tao. (1Sa 29:4; 2Sa 19:21, 22; 1Ha 5:4; 11:14, 23, 25) Kapag mayroon itong pamanggit na pantukoy na ha, tumutukoy ito kay Satanas na Diyablo, ang pangunahing Kalaban ng Diyos. (Job 1:6, tlb sa Rbi8; 2:1-7; Zac 3:1, 2) Sa halos lahat ng paglitaw sa Griegong Kasulatan, ang salitang sa·ta·nasʹ ay tumutukoy kay Satanas na Diyablo at kadalasa’y mayroon itong kasamang pamanggit na pantukoy na ho.
Ang Kaniyang Pasimula. Ipinakikita ng Kasulatan na hindi Satanas ang orihinal na pangalan ng nilalang na nakilala nang ganito. Sa halip, ibinigay sa kaniya ang deskriptibong pangalang ito dahil sa kaniyang pagsalansang at paglaban sa Diyos. Hindi sinasabi kung ano ang dati niyang pangalan. Ang Diyos lamang ang Maylalang, at “sakdal ang kaniyang gawa,” anupat doo’y walang masusumpungang kawalang-katarungan o kalikuan. (Deu 32:4) Samakatuwid, noong una, ang isa na naging si Satanas ay isang sakdal at matuwid na nilalang ng Diyos. Siya’y espiritung persona, sapagkat humaharap siya noon sa langit sa presensiya ng Diyos. (Job kab 1, 2; Apo 12:9) Ganito ang sinabi ni Jesu-Kristo tungkol sa kaniya: “Ang isang iyon ay mamamatay-tao nang siya ay magsimula, at hindi siya nanindigan sa katotohanan, sapagkat ang katotohanan ay wala sa kaniya.” (Ju 8:44; 1Ju 3:8) Dito, ipinakita ni Jesus na dati’y nasa katotohanan si Satanas, ngunit iniwan niya ito. Pasimula sa kaniyang unang lantarang pagkilos nang italikod niya sina Adan at Eva mula sa Diyos, siya’y naging isang mamamatay-tao. Pinangyari niya ang kamatayan nina Adan at Eva, na nagdulot naman ng kasalanan at kamatayan sa supling ng mga ito. (Ro 5:12) Sa buong Kasulatan, ang mga katangian at mga pagkilos na iniuugnay sa kaniya ay maiuugnay lamang sa isang persona, hindi sa isang abstraktong simulain ng kasamaan. Maliwanag na alam ng mga Judio, ni Jesus at ng kaniyang mga tagasunod, na si Satanas ay isang persona.
Kaya naman, mula sa isang matuwid at sakdal na pasimula, ang espiritung persona na ito ay lumihis tungo sa kasalanan at kasiraan. Inilarawan ni Santiago kung paano ito nangyayari: “Ang bawat isa ay nasusubok kapag nahihila at naaakit ng sarili niyang pagnanasa. Pagkatapos ang pagnanasa, kapag naglihi na ito, ay nagsisilang ng kasalanan; ang kasalanan naman, kapag naisagawa na ito, ay nagluluwal ng kamatayan.” (San 1:14, 15) Sa paanuman, tila may pagkakatulad ang landasing tinahak ni Satanas at niyaong sa hari ng Tiro, gaya ng inilarawan sa Ezekiel 28:11-19.—Tingnan ang KASAKDALAN (Ang unang makasalanan at ang hari ng Tiro).
Samakatuwid, nililinaw ng Kasulatan na si Satanas ang nagsalita sa pamamagitan ng serpiyente, anupat dinaya niya si Eva para sumuway ito sa utos ng Diyos. Hinikayat naman ni Eva si Adan sa gayunding mapaghimagsik na landasin. (Gen 3:1-7; 2Co 11:3) Dahil sa paggamit ni Satanas sa serpiyente, binansagan siya ng Bibliya ng titulong “Serpiyente,” na nang maglaon ay nangahulugang “manlilinlang.” Siya rin ay naging “ang Manunukso” (Mat 4:3) at isang sinungaling, ang “ama ng kasinungalingan.”—Ju 8:44; Apo 12:9.
Ibinangon ang Usapin Tungkol sa Soberanya. Noong lumapit si Satanas kay Eva (sa pamamagitan ng pananalita ng serpiyente), hinamon niya ang pagiging marapat at matuwid ng soberanya ni Jehova. Ipinahiwatig niya na may ipinagkakait ang Diyos sa babae. Pinagbintangan din niyang sinungaling ang Diyos dahil sinabi Niya na mamamatay si Eva kung kakain ito ng ipinagbabawal na bunga. Pinapaniwala rin ni Satanas si Eva na ito’y magiging malaya at independiyente sa Diyos, anupat magiging tulad ng Diyos. Sa ganitong paraan, itinaas ng balakyot na espiritung ito ang kaniyang sarili nang higit kaysa sa Diyos sa paningin ni Eva, at si Satanas ay naging diyos ni Eva, bagaman nang panahong iyon ay maliwanag na hindi alam ni Eva kung sino ang nandaraya sa kaniya. Sa ginawang ito ni Satanas, isinailalim niya ang unang lalaki’t babae sa kaniyang pangunguna at kontrol, at siya’y tumayo bilang karibal na diyos na salansang kay Jehova.—Gen 3:1-7.
Sinasabi ng Bibliya na nang maglaon, si Satanas bilang karibal na diyos ay humarap kay Jehova sa langit. Hinamon niya si Jehova sa pagsasabing maitatalikod niya ang lingkod ng Diyos na si Job mula sa Kaniya, at sa gayo’y ipinahiwatig na maitatalikod din niya ang kahit sinong lingkod ng Diyos. Sa diwa, pinaratangan niya ang Diyos ng di-matuwid na pagbibigay kay Job ng lahat ng bagay, lakip na ang lubos na proteksiyon, anupat hindi magawang subukin ni Satanas si Job at ipakita kung ano talaga ang nasa puso nito, na diumano’y masama, ayon sa pahiwatig ni Satanas. Pinalitaw niya na naglilingkod lamang si Job sa Diyos dahil sa makasariling mga kadahilanan. Nilinaw ni Satanas ang puntong ito ng kaniyang argumento nang sabihin niya: “Balat kung balat, at ang lahat ng pag-aari ng isang tao ay ibibigay niya alang-alang sa kaniyang kaluluwa. Upang mapaiba naman, iunat mo ang iyong kamay, pakisuyo, at galawin mo siya hanggang sa kaniyang buto at sa kaniyang laman at tingnan mo kung hindi ka niya susumpain nang mukhaan.”—Job 1:6-12; 2:1-7; tingnan ang SOBERANYA.
Sa natatanging kaso na ito, pinahintulutan ni Jehova si Satanas na magpasapit ng kapahamakan kay Job. Hindi Siya nakialam nang pangyarihin ni Satanas na lumusob ang mga mandarambong na Sabeano at malipol ang mga kawan at mga pastol sa pamamagitan ng tinagurian ng mensahero ni Job na “mismong apoy ng Diyos” mula sa langit. Hindi sinasabi ng ulat kung iyon ay kidlat o iba pang uri ng apoy. Pinangyari rin ni Satanas ang isang paglusob ng tatlong pangkat ng mga Caldeo, pati na ang isang buhawi. Dahil dito, namatay ang lahat ng mga anak ni Job at nasira ang kaniyang ari-arian. Bilang panghuli, nagpasapit si Satanas kay Job ng isang karima-rimarim na sakit.—Job 1:13-19; 2:7, 8.
Isinisiwalat nito ang lakas at kapangyarihan ng espiritung nilalang na si Satanas, gayundin ang kaniyang mabalasik at mapamaslang na saloobin.
Gayunman, mahalagang pansinin na kinilala ni Satanas na wala siyang magagawa laban sa tuwirang utos ng Diyos, sapagkat hindi niya hinamon ang kapangyarihan at awtoridad ng Diyos nang pagbawalan siyang kitlin ang buhay ni Job.—Job 2:6.
Patuluyang Pagsalansang sa Diyos. Sa pamamagitan ng paghamon sa Diyos at pagpaparatang ng kawalang-integridad sa mga lingkod ng Diyos, namuhay si Satanas ayon sa kaniyang titulong “Diyablo,” na nangangahulugang “Maninirang-puri,” isang titulong nararapat sa kaniya dahil siniraang-puri niya ang Diyos na Jehova sa hardin ng Eden.
Sinamahan ng iba pang mga balakyot na demonyo. Bago ang Baha noong mga araw ni Noe, lumilitaw na iniwan ng ibang mga anghel ng Diyos ang kanilang wastong tirahan sa langit, pati na ang kanilang mga atas doon. Sila’y nagkatawang-tao, nanirahan sa lupa, nag-asawa ng mga babae at nagluwal ng mga supling na tinatawag na mga Nefilim. (Gen 6:1-4; 1Pe 3:19, 20; 2Pe 2:4; Jud 6; tingnan ang ANAK NG DIYOS, [MGA]; NEFILIM.) Palibhasa’y iniwan nila ang paglilingkod sa Diyos, ang mga anghel na ito’y napasailalim ng kontrol ni Satanas. Kaya naman si Satanas ay tinatawag na “ang tagapamahala ng mga demonyo.” Minsan, nang magpalayas si Jesus ng mga demonyo mula sa isang tao, inakusahan siya ng mga Pariseo na ginawa niya iyon sa pamamagitan ng kapangyarihan ni “Beelzebub, ang tagapamahala ng mga demonyo.” Ipinakita ng sagot ni Jesus na si Satanas ang kanilang tinutukoy: “Kung pinalalayas ni Satanas si Satanas, nababahagi siya laban sa kaniyang sarili.”—Mat 12:22-27.
Iniugnay ng apostol na si Pablo si Satanas sa “balakyot na mga puwersang espiritu sa makalangit na mga dako,” at tinukoy niya sila bilang “mga tagapamahala ng sanlibutan ng kadilimang ito.” (Efe 6:11, 12) Bilang isang puwersang namamahala sa di-nakikitang dako sa palibot ng lupa, si Satanas ang “tagapamahala ng awtoridad ng hangin.” (Efe 2:2) Sa Apocalipsis, ipinakikitang siya ang isa na “nagliligaw sa buong tinatahanang lupa.” (Apo 12:9) Sinabi ng apostol na si Juan na “ang buong sanlibutan ay nasa kapangyarihan ng isa na balakyot.” (1Ju 5:19) Samakatuwid, siya ang “tagapamahala ng sanlibutang ito.” (Ju 12:31) Kaya naman isinulat ni Santiago na “ang pakikipagkaibigan sa sanlibutan ay pakikipag-alit sa Diyos.”—San 4:4.
Ang Kaniyang Pakikipagbaka Upang Puksain ang “Binhi.” Maaga pa lamang ay tinangka na ni Satanas na hadlangan ang pagdating ng ipinangakong “binhi” sa pamamagitan ni Abraham. (Gen 12:7) Maliwanag na sinikap niyang dumhan si Sara upang hindi ito maging karapat-dapat na magdala ng binhi, ngunit ipinagsanggalang ng Diyos si Sara. (Gen 20:1-18) Ginawa niya ang kaniyang buong makakaya upang puksain yaong mga pinili ng Diyos bilang binhi ni Abraham, ang bansang Israel, sa pamamagitan ng paghikayat sa kanila na magkasala at pagbubuyo sa ibang mga bansa na makipaglaban sa kanila, gaya ng ipinakikita ng buong kasaysayan ng Bibliya. Sa ambisyosong pagtatangka ni Satanas na kalabanin ang Diyos, may isang pangyayari na nagmistulang tagumpay sa paningin ni Satanas. Iyon ay noong lupigin ng hari ng Babilonya, na Ikatlong Kapangyarihang Pandaigdig sa kasaysayan ng Bibliya, ang Jerusalem, anupat ibinagsak niya ang pamamahala ni Haring Zedekias, na mula sa linya ni David, at winasak ang templo ni Jehova, sa gayo’y itiniwangwang ang Jerusalem at Juda.—Eze 21:25-27.
Bilang kasangkapan ni Satanas, binihag ng namamahalang dinastiya ng Babilonya, na pinangunahan ni Nabucodonosor, ang mga tapong Israelita sa loob ng 68 taon, hanggang sa bumagsak ang Babilonya. Walang intensiyon ang Babilonya na palayain kailanman ang mga bihag nito, at sa gayo’y masasalamin sa kaniya ang mapaghambog at ambisyosong mga pagtatangka ni Satanas bilang karibal na diyos na salansang kay Jehova na Soberano ng Sansinukob. Sa totoo, ang mga Babilonyong hari, na sumasamba sa kanilang idolong diyos na si Marduk, sa diyosang si Ishtar, at sa maraming iba pang diyos, ay mga mananamba ng mga demonyo at, bilang bahagi ng sanlibutang hiwalay kay Jehova ay pawang nasa ilalim ng pamumuno ni Satanas.—Aw 96:5; 1Co 10:20; Efe 2:12; Col 1:21.
Pinuspos ni Satanas ang hari ng Babilonya ng ambisyon na ganap na magpuno sa buong lupa, maging sa “trono ni Jehova” (1Cr 29:23) at sa “mga bituin ng Diyos,” ang mga hari sa linya ni David na nakaupo sa trono sa Bundok Moria (kung palalawakin ang pagkakapit, sa Sion). Ang ‘haring’ ito, samakatuwid nga, ang dinastiya ng Babilonya, ay ‘nagtaas ng kaniyang sarili’ sa kaniyang puso, at sa kaniyang paningin at sa paningin ng kaniyang mga tagahanga ay isa siyang “nagniningning,” isang “anak ng bukang-liwayway.” (Sa ilang bersiyon, pinanatili ang terminong “Lucifer” na ginamit sa Latin na Vulgate. Gayunman, isa lamang itong salin ng salitang Hebreo na heh·lelʹ, “isa na nagniningning.” Ang heh·lelʹ ay hindi isang pangalan o titulo kundi isang terminong naglalarawan sa mapaghambog na posisyong kinuha ng Babilonyong dinastiya ng mga hari sa linya ni Nabucodonosor.) (Isa 14:4-21) Yamang ang Babilonya ay isang kasangkapan ni Satanas, masasalamin sa “hari” nito ang ambisyosong pagnanasa mismo ni Satanas. Muli ay iniligtas ni Jehova ang kaniyang bayan sa pamamagitan ng pagsasauli sa kanila sa kanilang lupain, hanggang sa dumating ang tunay na Binhing ipinangako.—Ezr 1:1-6.
Mga pagtatangkang tisurin si Jesus. Palibhasa’y nakilala ni Satanas na si Jesus ang Anak ng Diyos at na siya ang inihulang susugat sa kaniya sa ulo (Gen 3:15), ginawa niya ang lahat ng kaniyang makakaya upang puksain si Jesus. Gayunpaman, nang ipatalastas ng anghel na si Gabriel kay Maria na ipaglilihi nito si Jesus, sinabi niya sa kaniya: “Ang banal na espiritu ay darating sa iyo, at ang kapangyarihan ng Kataas-taasan ay lililim sa iyo. Sa dahilan ding iyan kung kaya ang ipanganganak ay tatawaging banal, Anak ng Diyos.” (Luc 1:35) Iningatan ni Jehova ang kaniyang Anak. Nabigo ang mga pagtatangkang puksain si Jesus nang siya’y isang sanggol pa lamang. (Mat 2:1-15) Patuloy na pinrotektahan ng Diyos si Jesus noong panahon ng kaniyang kabataan. Pagkatapos ng kaniyang bautismo, lumapit si Satanas kay Jesus sa ilang taglay ang tatlong matitinding tukso, anupat lubusang sinubok ang kaniyang debosyon kay Jehova. Sa isang pagsubok, ipinakita ni Satanas kay Jesus ang lahat ng mga kaharian ng sanlibutan, na inaangking kaniya ang mga iyon. Hindi sinalungat ni Jesus ang pag-aangking ito. Gayunman, kahit isang saglit ay hindi inisip ni Jesus na kunin sa mabilisang paraan ang kaniyang paghahari, ni binalak man niyang gumawa ng anumang bagay para lamang palugdan ang kaniyang sarili. Ang kaniyang kagyat na tugon kay Satanas ay, “Lumayas ka, Satanas! Sapagkat nasusulat, ‘Si Jehova na iyong Diyos ang sasambahin mo, at sa kaniya ka lamang mag-uukol ng sagradong paglilingkod.’” Dahil dito, “ang Diyablo . . . ay humiwalay sa kaniya hanggang sa iba pang kumbinyenteng panahon.” (Mat 4:1-11; Luc 4:13) Ipinakikita nito na totoo ang mga isinulat ni Santiago nang maglaon: “Salansangin ninyo ang Diyablo, at tatakas siya mula sa inyo.”—San 4:7.
Laging mapagbantay si Jesus sa mga pakana ni Satanas at sa hangarin nito na pangyarihin ang kaniyang pagkapuksa sa pamamagitan ng pagpapaisip sa kaniya ng isang bagay na salungat sa kalooban ni Jehova. Napatunayan ito minsan nang si Pedro, sa kabila ng mabuting intensiyon, ay aktuwal na magharap ng tukso sa kaniya. Bago pa nito ay binanggit na ni Jesus ang pagdurusa at kamatayan na kaniyang daranasin. “Dahil dito ay dinala siya ni Pedro sa tabi at sinimulan siyang sawayin, na sinasabi: ‘Maging mabait ka sa iyong sarili, Panginoon; hindi kailanman mangyayari sa iyo ang kahihinatnang ito.’ Ngunit, pagtalikod niya, sinabi niya kay Pedro: ‘Lumagay ka sa likuran ko, Satanas! Ikaw ay isang katitisuran sa akin, sapagkat iniisip mo, hindi ang mga kaisipan ng Diyos, kundi yaong sa mga tao.’”—Mat 16:21-23.
Nanganib si Jesus sa buong panahon ng kaniyang ministeryo. Gumamit si Satanas ng mga taong ahente upang salansangin si Jesus, anupat nagsisikap na siya’y tisurin o patayin. Noong minsan, aagawin na sana ng mga tao si Jesus upang gawin siyang hari. Ngunit ayaw niya iyon. Tatanggapin lamang niya ang paghahari sa panahon at paraang itinakda ng Diyos. (Ju 6:15) Noong isa pang pagkakataon, tinangka siyang patayin ng kaniyang mga kababayan. (Luc 4:22-30) Palagi siyang nililigalig ng mga taong ginagamit ni Satanas upang hulihin siya. (Mat 22:15) Ngunit sa lahat ng mga pagsisikap ni Satanas, nabigo siyang pagkasalahin si Jesus sa kaliit-liitang bagay, sa isip man o sa gawa. Napatunayan na si Satanas ay talagang sinungaling, at nabigo siya sa kaniyang paghamon sa soberanya ng Diyos at sa katapatan ng mga lingkod ng Diyos. Gaya ng sinabi ni Jesus nang malapit na siyang mamatay: “Ngayon ay may paghatol sa sanlibutang ito; ngayon ay palalayasin ang tagapamahala ng sanlibutang ito,” na napatunayang sinungaling. (Ju 12:31) Sa pamamagitan ng kasalanan, nagkaroon si Satanas ng mahigpit na kapit sa buong sangkatauhan. Gayunman, palibhasa’y alam ni Jesus na malapit nang pangyarihin ni Satanas ang kaniyang kamatayan, ganito ang nasabi niya matapos niyang ipagdiwang ang kaniyang huling Paskuwa kasama ng kaniyang mga alagad: “Ang tagapamahala ng sanlibutan ay dumarating. At wala siyang kapangyarihan sa akin.”—Ju 14:30.
Pagkalipas ng ilang oras, nagtagumpay si Satanas na maipapatay si Jesus. Una’y nakontrol niya ang isa sa mga apostol ni Jesus, pagkatapos ay ginamit niya ang mga lider na Judio at ang Kapangyarihang Pandaigdig ng Roma upang ipapatay si Jesus sa isang masakit at kahiya-hiyang paraan. (Luc 22:3; Ju 13:26, 27; kab 18, 19) Dito, kumilos si Satanas bilang “ang isa na may kakayahang magpangyari ng kamatayan, samakatuwid nga, ang Diyablo.” (Heb 2:14; Luc 22:53) Subalit dito ay nabigo si Satanas na isulong ang kaniyang tunguhin. Bagaman labag sa kaniyang kalooban ay tinupad lamang niya ang hula, na humihiling na mamatay si Jesus bilang isang hain. Ang kamatayan ni Jesus sa kawalang-kapintasan ay naglaan ng pantubos na halaga para sa sangkatauhan, at sa pamamagitan ng kaniyang kamatayan (at ng pagbuhay-muli sa kaniya ng Diyos), maaari nang tulungan ni Jesus ang makasalanang sangkatauhan na makatakas sa mahigpit na kapit ni Satanas, sapagkat, gaya ng nasusulat, si Jesus ay naging dugo at laman “upang sa pamamagitan ng kaniyang kamatayan ay mapawi niya ang isa na may kakayahang magpangyari ng kamatayan, samakatuwid nga, ang Diyablo; at upang mapalaya niya ang lahat niyaong mga dahil sa takot sa kamatayan ay napasailalim sa pagkaalipin sa buong buhay nila.”—Heb 2:14, 15.
Patuloy na nakikipaglaban sa mga Kristiyano. Pagkatapos ng kamatayan at pagkabuhay-muli ni Jesus, patuloy na nakipaglaban si Satanas sa mga tagasunod ni Kristo. Maraming patotoo nito sa mga ulat na nasa aklat ng Mga Gawa at mga liham ng Kristiyanong Griegong Kasulatan. Sinabi ni Pablo na binigyan siya ng “isang tinik sa laman, isang anghel ni Satanas, upang palaging sumampal” sa kaniya. (2Co 12:7) At gaya ng ginawa niya kay Eva, ikinubli ni Satanas ang kaniyang tunay na personalidad at mga layunin sa pamamagitan ng ‘pag-aanyong isang anghel ng liwanag.’ Nagkaroon siya ng mga ahente, mga ministro na ‘lagi ring nag-aanyong mga ministro ng katuwiran.’ (2Co 11:14, 15) Ang mga halimbawa ng mga ito ay ang mga bulaang apostol na kumalaban kay Pablo (2Co 11:13) at yaong mga nasa Smirna ‘na nagsabing sila nga ay mga Judio, at gayunma’y hindi sila gayon kundi isang sinagoga ni Satanas.’ (Apo 2:9) Hindi humihinto si Satanas sa pag-akusa sa mga Kristiyano “araw at gabi,” anupat hinahamon ang kanilang katapatan, gaya ng ginawa niya kay Job. (Apo 12:10; Luc 22:31) Mabuti na lamang at ang mga Kristiyano ay may “katulong sa Ama, si Jesu-Kristo, isa na matuwid,” na humaharap sa persona ng Diyos alang-alang sa kanila.—1Ju 2:1.
Ang Pagbubulid sa Kaniya sa Kalaliman at ang Kaniyang Pangkatapusang Pagkapuksa. Nang pangyarihin ni Satanas na maghimagsik si Eva at si Adan laban sa Diyos, sinabi ng Diyos sa serpiyente (sa aktuwal ay si Satanas ang kinakausap, yamang hindi naman mauunawaan ng isang hamak na hayop ang mga usaping nasasangkot): “Alabok ang kakainin mo sa lahat ng mga araw ng iyong buhay. At maglalagay ako ng alitan sa pagitan mo at ng babae at sa pagitan ng iyong binhi at ng kaniyang binhi. Siya ang susugat sa iyo sa ulo at ikaw ang susugat sa kaniya sa sakong.” (Gen 3:14, 15) Dito, ipinabatid ng Diyos na yamang pinalayas na si Satanas mula sa banal na organisasyon ng Diyos, wala na siyang pag-asa na makatutustos sa kaniyang buhay kundi ‘kakain siya ng alabok,’ wika nga, hanggang siya’y mamatay. Sa dakong huli, ang “binhi” ang susugat sa kaniya sa ulo, na isang sugat na ikamamatay niya. Noong nasa lupa si Kristo, kinilala ng mga demonyo na siya ang maghahagis sa kanila sa “kalaliman,” maliwanag na isang kalagayan na doo’y mapipigilan sila, at sa katulad na ulat ay tinutukoy bilang ‘pahirap.’—Mat 8:29; Luc 8:30, 31; tingnan ang PAHIRAP.
Sa aklat ng Apocalipsis, inilalarawan ang mga huling araw ni Satanas at ang kaniyang katapusan. Iniuulat ng Apocalipsis na kapag kinuha na ni Kristo ang kapangyarihan ng Kaharian, si Satanas ay ihahagis mula sa langit tungo sa lupa, anupat hindi na siya makaparoroon sa langit, gaya ng ginagawa niya noong mga araw ni Job at sa loob ng maraming siglo. (Apo 12:7-12) Pagkatapos ng pagkatalong ito ni Satanas, mayroon na lamang siyang “maikling yugto ng panahon,” na doo’y makikipagdigma siya sa ‘mga nalalabi sa binhi ng babae, na tumutupad sa mga utos ng Diyos at may gawaing pagpapatotoo tungkol kay Jesus.’ Dahil sa kaniyang pagtatangkang lamunin ang mga nalalabi sa binhi ng babae, siya’y tinatawag na “dragon,” isang manlululon o mandudurog. (Apo 12:16, 17; ihambing ang Jer 51:34, kung saan nagsasalita si Jeremias para sa Jerusalem at Juda, sa pagsasabing: “Nilulon [ako ni Nabucodorosor na hari ng Babilonya] gaya ng isang malaking ahas [o, “isang dragon,” tlb sa Rbi8].”) Sa naunang deskripsiyon tungkol sa kaniyang pakikipaglaban sa babae at sa kaniyang mga pagtatangkang lamunin ang lalaking anak nito, inilalarawan siya bilang “isang malaking dragon na kulay-apoy.”—Apo 12:3.
Inilalahad ng ika-20 kabanata ng Apocalipsis ang paggapos kay Satanas at pagbubulid sa kaniya sa kalaliman sa loob ng isang libong taon, sa pamamagitan ng kamay ng isang dakilang anghel, na walang alinlangang si Jesu-Kristo, ang may-hawak sa susi ng kalaliman at ang “binhi” na susugat sa ulo ni Satanas.—Ihambing ang Apo 1:18; tingnan ang KALALIMAN.
Mauuwi sa masaklap na pagkatalo ang panghuling pagsisikap ni Satanas. Sinasabi ng hula na siya’y pakakawalan nang “kaunting panahon” sa sandaling matapos na ang Sanlibong Taóng Paghahari ni Kristo, at na pangungunahan niya ang mga taong mapaghimagsik sa isa pang pagsalakay sa soberanya ng Diyos. Ngunit siya’y ihahagis (kasama ng kaniyang mga demonyo) sa lawa ng apoy at asupre, ang walang-hanggang pagkapuksa.—Apo 20:1-3, 7-10; ihambing ang Mat 25:41; tingnan ang LAWA NG APOY.
Ano ang ibig sabihin ng ‘pagbibigay ng isang tao kay Satanas para sa pagkapuksa ng laman’?
Nang tagubilinan ng apostol na si Pablo ang kongregasyon sa Corinto hinggil sa aksiyon na dapat gawin sa isang miyembro ng kongregasyon na may-kabalakyutang nagkakasala ng insesto sa asawa ng ama nito, sumulat siya: “Ibigay ninyo ang gayong tao kay Satanas para sa pagkapuksa ng laman.” (1Co 5:5) Ito ay isang utos para itiwalag ang lalaking iyon mula sa kongregasyon at putulin ang lahat ng pakikipagsamahan sa kaniya. (1Co 5:13) Ang pagbibigay sa kaniya kay Satanas ay mag-aalis sa kaniya sa kongregasyon tungo sa sanlibutan na doo’y si Satanas ang diyos at tagapamahala. Gaya ng “kaunting lebadura” sa “buong limpak” ng masa, ang lalaking ito ang “laman,” o makalamang elemento sa loob ng kongregasyon. Sa pamamagitan ng pag-aalis sa lalaking ito na nagkasala ng insesto, mapupuksa ng palaisip-sa-espirituwal na kongregasyon ang “laman” mula sa gitna nito. (1Co 5:6, 7) Sa katulad na paraan, ibinigay ni Pablo sina Himeneo at Alejandro kay Satanas, sapagkat itinakwil nila ang pananampalataya at ang isang mabuting budhi at dumanas sila ng pagkawasak may kinalaman sa kanilang pananampalataya.—1Ti 1:20.
Nang maglaon, maliwanag na nagsisi at nagbago ang lalaking nagkasala ng insesto sa Corinto, anupat naudyukan ang apostol na si Pablo na irekomenda na tanggapin itong muli sa kongregasyon. Nang pinapayuhan niya sila na magpatawad, ang isang dahilan na ibinigay niya ay “upang huwag tayong malamangan ni Satanas, sapagkat hindi naman tayo walang-alam sa kaniyang mga pakana.” (2Co 2:11) Noong una, isinadlak ni Satanas ang kongregasyon sa isang masamang kalagayan anupat kinailangan silang sawayin ng apostol dahil masyado silang naging maluwag. Sa katunayan, pinahintulutan nila ang taong balakyot na magpatuloy sa kaniyang gawain nang hindi iniisip ang kadustaang dulot niyaon, anupat “nagmamalaki” sila sa pagpapahintulot niyaon. (1Co 5:2) Samantala, kung gagawin naman nila ngayon ang kabaligtaran at tatanggi silang patawarin ang isa na nagsisisi, malalamangan sila ni Satanas sa ibang paraan, samakatuwid nga, maaari niyang samantalahin ang kanilang pagiging matigas at di-mapagpatawad. Sa pamamagitan ng Salita ng Diyos, ang mga Kristiyano ay naliliwanagan tungkol sa pag-iral ni Satanas, sa kaniyang kapangyarihan, sa kaniyang mga pakana at mga layunin, at sa kaniyang paraan ng pagkilos, upang malabanan nila ang espirituwal na kaaway na ito sa pamamagitan ng espirituwal na mga sandatang inilalaan ng Diyos.—Efe 6:13-17.