Unang Samuel
13 Si Saul ay . . .* taóng gulang nang maging hari,+ at namahala siya sa Israel nang dalawang taon. 2 Pumili si Saul ng 3,000 lalaki mula sa Israel; 2,000 sa mga ito ay kasama ni Saul sa Micmash at sa mabundok na rehiyon ng Bethel, at ang 1,000 ay kasama ni Jonatan+ sa Gibeah+ ng Benjamin. Ang iba pa sa bayan ay pinauwi niya sa kani-kaniyang tolda. 3 Pagkatapos, pinabagsak ni Jonatan ang grupo ng mga sundalong Filisteo+ na nasa Geba,+ at nabalitaan ito ng mga Filisteo. At pinahipan ni Saul ang tambuli+ sa buong lupain, na sinasabi: “Makinig ang mga Hebreo!” 4 Narinig ng buong Israel ang balita: “Pinabagsak ni Saul ang isang grupo ng mga sundalong Filisteo, at kinasusuklaman ngayon ng mga Filisteo ang Israel.” Kaya ipinatawag ang bayan para sumunod kay Saul sa Gilgal.+
5 Nagtipon-tipon din ang mga Filisteo para lumaban sa Israel. Mayroon silang 30,000 karwaheng pandigma at 6,000 mangangabayo at mga sundalo na kasindami ng mga butil ng buhangin sa baybayin ng dagat;+ at nagpunta sila sa Micmash sa silangan ng Bet-aven+ at nagkampo roon. 6 Nakita ng mga lalaki ng Israel na nasa matinding panganib sila dahil sa mga kaaway; kaya nagtago sila sa mga kuweba,+ hukay, malalaking bato, mga taguan sa ilalim ng lupa, at mga imbakan ng tubig. 7 May mga Hebreo pa nga na tumawid ng Jordan papunta sa lupain ng Gad at Gilead.+ Pero nasa Gilgal pa rin si Saul, at ang lahat ng sumusunod sa kaniya ay nanginginig sa takot. 8 Naghintay siya nang pitong araw hanggang sa araw na itinakda ni Samuel, pero hindi pa rin dumarating si Samuel sa Gilgal, at unti-unti na siyang iniiwan ng mga tao. 9 Kaya sinabi ni Saul: “Dalhin ninyo sa akin ang haing sinusunog at ang mga haing pansalo-salo.” At inialay niya ang haing sinusunog.+
10 Pero matapos niyang ihandog ang haing sinusunog, dumating si Samuel. Kaya sinalubong siya ni Saul at binati.* 11 Sinabi ni Samuel: “Ano ang ginawa mo?” Sumagot si Saul: “Nakita kong iniiwan na ako ng mga tao,+ at hindi ka dumating sa itinakdang panahon, at nagtitipon na ang mga Filisteo sa Micmash.+ 12 Kaya sinabi ko sa sarili ko, ‘Sasalakayin na ako dito sa Gilgal ng mga Filisteo, pero hindi ko pa nahihingi ang tulong* ni Jehova.’ Kaya napilitan akong ihandog ang haing sinusunog.”
13 Sinabi ni Samuel kay Saul: “Kamangmangan ang ginawa mo. Hindi mo sinunod ang iniutos sa iyo ni Jehova na iyong Diyos.+ Kung sumunod ka, patatatagin sana ni Jehova ang kaharian mo sa Israel magpakailanman. 14 Pero ngayon, ang kaharian mo ay hindi magtatagal.+ Hahanap si Jehova ng isang lalaking kalugod-lugod sa puso niya,+ at siya ay gagawin ni Jehova na pinuno ng bayan niya,+ dahil hindi mo sinunod ang iniutos sa iyo ni Jehova.”+
15 Pagkatapos, umalis si Samuel sa Gilgal at nagpunta sa Gibeah ng Benjamin, at binilang ni Saul ang mga tao sa bayan; mga 600 lalaki pa ang kasama niya.+ 16 Si Saul, ang anak niyang si Jonatan, at ang mga kasama pa nila ay tumigil sa Geba+ ng Benjamin, at ang mga Filisteo ay nagkampo sa Micmash.+ 17 At tatlong grupo ang sumasalakay mula sa kampo ng mga Filisteo. Ang isang grupo ay dumadaan sa lansangang papunta sa Opra, patungo sa lupain ng Sual; 18 ang isa pang grupo ay dumadaan sa lansangan ng Bet-horon,+ at ang ikatlong grupo ay dumadaan sa lansangang papunta sa hangganan kung saan matatanaw ang lambak ng Zeboim, patungo sa ilang.
19 Walang isa mang panday sa buong lupain ng Israel, dahil sinabi ng mga Filisteo: “Para hindi makagawa ng espada o sibat ang mga Hebreo.” 20 At ang lahat ng Israelita ay nagpupunta sa mga Filisteo para ipahasa ang kanilang araro,* piko, palakol, o karit. 21 Isang pim* ang halaga ng pagpapahasa ng araro,* piko, kasangkapang tatlo ang ngipin, at palakol, at ng pagpapaayos sa tungkod na panggabay ng baka. 22 At nang araw ng digmaan, walang espada o sibat ang mga kasama nina Saul at Jonatan;+ si Saul lang at ang anak niyang si Jonatan ang may sandata.
23 Ngayon, isang grupo ng mga sundalong Filisteo ang pumuwesto sa tawiran sa bangin ng Micmash.+