Deuteronomio
18 “Ang mga saserdoteng Levita, sa katunayan ang buong tribo ni Levi, ay hindi bibigyan ng bahagi o mana sa Israel. Kakainin nila ang mga handog kay Jehova na pinaraan sa apoy, na kaniyang mana.+ 2 Kaya hindi sila dapat magkaroon ng mana sa gitna ng mga kapatid nila. Si Jehova ang mana nila, gaya ng sinabi niya sa kanila.
3 “Ito ang parte na dapat ibigay ng bayan sa mga saserdote: Kung may maghahandog ng toro* o tupa, dapat niyang ibigay sa saserdote ang paypay,* mga panga, at tiyan. 4 Dapat ninyong ibigay sa kaniya ang unang bunga ng inyong mga butil, bagong alak, at langis at ang unang ginupit na balahibo mula sa inyong kawan.+ 5 Siya at ang mga anak niya ang pinili ng Diyos ninyong si Jehova mula sa lahat ng tribo ninyo para laging maglingkod sa ngalan ni Jehova.+
6 “Pero kung umalis ang isang Levita sa tinitirhan niyang lunsod sa Israel+ at gusto niyang lumipat sa lugar na pinili ni Jehova,*+ 7 puwede siyang maglingkod doon sa ngalan ni Jehova na kaniyang Diyos, gaya ng lahat ng kapatid niyang mga Levita, na naglilingkod doon sa harap ni Jehova.+ 8 Tatanggap siya ng pagkain na kasindami ng parte nila,+ bukod pa sa perang pinagbentahan ng pag-aari niyang galing sa mga ninuno niya.
9 “Kapag nakapasok na kayo sa lupaing ibinibigay sa inyo ng Diyos ninyong si Jehova, huwag ninyong gagayahin ang kasuklam-suklam na mga gawain ng mga bansa roon.+ 10 Hindi dapat magkaroon sa gitna ninyo ng sinumang nagsusunog ng anak niyang lalaki o babae bilang handog,*+ manghuhula,+ mahiko,+ naghahanap ng tanda,+ mangkukulam,*+ 11 nanggagayuma, kumokonsulta sa espiritista+ o manghuhula,+ o nakikipag-usap sa patay.+ 12 Dahil kasuklam-suklam kay Jehova ang lahat ng gumagawa ng mga ito, at itinataboy sila ng Diyos ninyong si Jehova mula sa harap ninyo dahil sa kasuklam-suklam na mga gawaing ito. 13 Dapat na wala kayong kapintasan sa harap ng Diyos ninyong si Jehova.+
14 “Ang mga bansang iyon na itataboy ninyo ay nakikinig sa mga mahiko+ at manghuhula,+ pero hindi kayo pinapahintulutan ng Diyos ninyong si Jehova na gawin ang anumang gaya nito. 15 Ang Diyos ninyong si Jehova ay pipili mula sa mga kapatid ninyo ng isang propeta na gaya ko. Makinig kayo sa kaniya.+ 16 Ito ang sagot ng Diyos ninyong si Jehova sa hiniling ninyo sa kaniya nang araw na tipunin ang bayan* sa Horeb,+ ‘Huwag mo nang iparinig sa amin ang tinig ng Diyos naming si Jehova o ipakita ang naglalagablab na apoy na ito para hindi kami mamatay.’+ 17 At sinabi ni Jehova sa akin, ‘Maganda ang sinabi nila. 18 Pipili ako mula sa mga kapatid nila ng isang propetang gaya mo,+ at ituturo ko sa kaniya ang sasabihin niya,+ at ipaaalam niya sa kanila ang lahat ng iuutos ko.+ 19 Mananagot sa akin ang taong hindi makikinig sa aking salita na iniutos kong sabihin niya sa ngalan ko.+
20 “‘Kung may propetang mangahas na maghayag sa ngalan ko ng mensaheng hindi ko iniutos na sabihin niya o magsalita sa ngalan ng ibang mga diyos, dapat patayin ang propetang iyon.+ 21 Pero baka maisip ninyo: “Paano namin malalaman na hindi galing kay Jehova ang mensahe?” 22 Kapag may inihayag na mensahe ang propeta sa ngalan ni Jehova at hindi nangyari o nagkatotoo ang sinabi niya, hindi ito galing kay Jehova. Nagsalita nang may kapangahasan ang propeta. Huwag kayong matakot sa kaniya.’