Exodo
16 Pag-alis sa Elim, nakarating ang buong bayan ng Israel sa ilang ng Sin,+ na nasa pagitan ng Elim at Sinai, noong ika-15 araw ng ikalawang buwan pagkalabas nila sa Ehipto.
2 At ang buong bayan ng Israel ay nagsimulang magbulong-bulungan sa ilang laban kina Moises at Aaron.+ 3 Paulit-ulit na sinasabi sa kanila ng mga Israelita: “Pinatay na lang sana kami ni Jehova* sa Ehipto habang nakaupo kami sa tabi ng mga kaldero ng karne,+ habang kumakain ng tinapay hanggang sa mabusog. Dinala ninyo sa ilang na ito ang buong kongregasyon para lang patayin kami sa gutom.”+
4 Sinabi ni Jehova kay Moises: “Magpapaulan ako para sa inyo ng tinapay mula sa langit,+ at ang bawat isa sa bayan ay lalabas araw-araw para kumuha ng kaya niyang kainin,+ nang sa gayon ay masubok ko sila at malaman ko kung lalakad sila sa kautusan ko o hindi.+ 5 Pero tuwing ikaanim na araw,+ ang kukunin nila at ihahanda para lutuin ay doble ng kinukuha nila sa ibang mga araw.”+
6 Kaya sinabi nina Moises at Aaron sa lahat ng Israelita: “Sa gabi, tiyak na malalaman ninyo na si Jehova ang naglabas sa inyo sa Ehipto.+ 7 Sa umaga, makikita ninyo ang kaluwalhatian ni Jehova, dahil narinig niya ang mga bulong-bulungan ninyo laban kay Jehova. Sino ba kami para magbulong-bulungan kayo laban sa amin?” 8 Sinabi pa ni Moises: “Kapag binigyan kayo ni Jehova ng karne sa gabi at ng tinapay na makakain sa umaga hanggang sa mabusog kayo, malalaman ninyong narinig ni Jehova ang mga bulong-bulungan ninyo laban sa kaniya. Pero sino ba kami? Hindi laban sa amin ang mga bulong-bulungan ninyo, kundi laban kay Jehova.”+
9 At sinabi ni Moises kay Aaron: “Sabihin mo sa buong bayan ng Israel, ‘Magtipon kayo sa harap ni Jehova, dahil narinig niya ang mga bulong-bulungan ninyo.’”+ 10 Nang sabihin ito ni Aaron sa buong bayan ng Israel, humarap sila at tumingin sa ilang, at lumitaw sa ulap ang kaluwalhatian ni Jehova!+
11 Sinabi pa ni Jehova kay Moises: 12 “Narinig ko ang mga bulong-bulungan ng mga Israelita.+ Sabihin mo sa kanila, ‘Sa takipsilim* ay kakain kayo ng karne, at sa umaga ay mabubusog kayo sa tinapay,+ at tiyak na malalaman ninyo na ako ang Diyos ninyong si Jehova.’”+
13 Kaya nang gabing iyon, napakaraming pugo ang dumagsa at napuno* nito ang kampo,+ at sa kinaumagahan ay nalatagan ng hamog ang palibot ng kampo. 14 Nang matuyo ang hamog, may naiwan sa ilang na pinong mga butil,+ na kasimpino ng niyebe na nasa lupa. 15 Nang makita iyon ng mga Israelita, sinabi nila sa isa’t isa: “Ano ito?” dahil hindi nila alam kung ano iyon. Sinabi ni Moises: “Ito ang tinapay na ibinigay ni Jehova sa inyo bilang pagkain.+ 16 Ito ang iniutos ni Jehova, ‘Bawat isa ay kukuha ng kaya niyang kainin. Kukuha kayo ng isang takal na omer*+ para sa bawat isa, ayon sa dami ng tao* na nakatira sa tolda ninyo.’” 17 Ganoon nga ang ginawa ng mga Israelita; nanguha sila nito, ang iba ay kumuha ng marami at ang iba naman ay kaunti. 18 Nang sukatin nila iyon ayon sa takal ng omer, ang kumuha ng marami ay hindi nagkaroon ng sobra at ang kumuha ng kaunti ay hindi nagkulang.+ Bawat isa ay kumuha ng kaya niyang kainin.
19 At sinabi ni Moises: “Huwag kayong magtitira nito hanggang sa umaga.”+ 20 Pero hindi sila nakinig kay Moises. Nang may magtira hanggang kinaumagahan, inuod iyon at bumaho, kaya nagalit si Moises sa kanila. 21 Kinukuha nila ito tuwing umaga, ang bawat isa ayon sa kaya niyang kainin. Kapag uminit na ang araw, natutunaw ito.
22 Nang ikaanim na araw, doble ang kinuha nilang tinapay,+ dalawang takal na omer para sa bawat tao. At pumunta kay Moises ang lahat ng pinuno ng bayan at sinabi iyon sa kaniya. 23 Sinabi niya sa kanila: “Iyon ang sinabi ni Jehova. Bukas ay araw ng pamamahinga,* isang banal na sabbath para kay Jehova.+ Iluto ninyo ang kailangan ninyong lutuin, at pakuluan ninyo ang kailangang pakuluan;+ at itabi ninyo hanggang kinaumagahan ang anumang matitira.” 24 Kaya itinabi nila iyon hanggang kinaumagahan, gaya ng iniutos ni Moises, at hindi iyon bumaho o inuod. 25 Sinabi ni Moises: “Kainin ninyo ngayon ang itinabi ninyo, dahil ang araw na ito ay sabbath para kay Jehova. Hindi ninyo iyon makikita sa lupa ngayon. 26 Anim na araw kayong mangunguha nito, pero sa ikapitong araw, sa Sabbath,+ ay hindi magkakaroon nito.” 27 Gayunman, ang ilan sa bayan ay lumabas noong ikapitong araw para manguha nito, pero wala silang nakita.
28 Kaya sinabi ni Jehova kay Moises: “Hanggang kailan kayo susuway sa mga utos at tagubilin ko?+ 29 Alalahanin ninyo na ibinigay sa inyo ni Jehova ang Sabbath.+ Kaya naman sa ikaanim na araw ay binibigyan niya kayo ng tinapay para sa dalawang araw. Ang lahat ay mananatili sa kinaroroonan niya; hindi puwedeng umalis ang sinuman sa inyo sa ikapitong araw.” 30 Kaya nang ikapitong araw, ginawa ng bayan ang iniutos sa kanila may kinalaman sa Sabbath.*+
31 At ang tinapay ay tinawag ng bayang Israel na “manna.”* Maputi ito na tulad ng buto ng kulantro,* at ang lasa nito ay tulad ng lapád na tinapay na may pulot-pukyutan.+ 32 Pagkatapos ay sinabi ni Moises: “Ito ang iniutos ni Jehova, ‘Kumuha kayo ng isang takal na omer nito at itabi ninyo para sa susunod na mga henerasyon ninyo,+ para makita nila ang tinapay na ipinakain ko sa inyo sa ilang noong ilabas ko kayo sa Ehipto.’” 33 Kaya sinabi ni Moises kay Aaron: “Kumuha ka ng isang lalagyan at ilagay mo roon ang isang takal na omer ng manna, at ilagay mo iyon sa harap ni Jehova; iingatan ito hanggang sa susunod na mga henerasyon ninyo.”+ 34 Gaya ng iniutos ni Jehova kay Moises, inilagay iyon ni Aaron sa harap ng Patotoo+ para maingatan ito. 35 Kumain ng manna ang mga Israelita sa loob ng 40 taon,+ hanggang sa dumating sila sa isang lupaing may mga nakatira na.+ Kinain nila ang manna hanggang sa makarating sila sa hangganan papasók sa Canaan.+ 36 Ang isang omer ay ikasampu ng isang takal na epa.*