Unang Samuel
22 Kaya umalis doon si David+ at tumakas papunta sa kuweba ng Adulam.+ Nang malaman iyon ng mga kapatid niya at ng buong sambahayan ng kaniyang ama, pinuntahan nila siya roon. 2 At lahat ng nasa gipit na kalagayan, may pinagkakautangan, at may hinaing ay sumama sa kaniya, at siya ang naging pinuno nila. Mga 400 lalaki ang kasama niya.
3 Nang maglaon, umalis si David doon at pumunta sa Mizpe sa Moab at sinabi sa hari ng Moab:+ “Pakisuyo, hayaan mong dumito muna sa inyo ang aking ama at ina hanggang sa malaman ko kung ano ang gagawin ng Diyos para sa akin.” 4 Kaya iniwan niya sila sa hari ng Moab, at nanatili silang kasama ng hari sa buong panahong si David ay nasa kabundukan.+
5 Nang maglaon, sinabi ng propetang si Gad+ kay David: “Huwag kang manatili sa kabundukan. Pumunta ka sa lupain ng Juda.”+ Kaya umalis doon si David at nagpunta sa kagubatan ng Heret.
6 Nalaman ni Saul na nakita na si David at ang mga lalaking kasama nito. Nakaupo noon si Saul sa ilalim ng puno ng tamarisko sa isang burol sa Gibeah+ habang hawak ang sibat niya, at ang lahat ng lingkod niya ay nakapalibot sa kaniya. 7 Sinabi ni Saul sa mga lingkod niyang nakapalibot sa kaniya: “Pakisuyo, makinig kayong mga Benjaminita. Lahat ba kayo ay bibigyan din ng anak ni Jesse+ ng mga lupain at mga ubasan? Lahat ba kayo ay aatasan niya bilang mga pinuno ng libo-libo at mga pinuno ng daan-daan?+ 8 Nagsabuwatan kayong lahat laban sa akin! Walang sinumang nagsabi sa akin nang ang sarili kong anak ay makipagtipan sa anak ni Jesse!+ Walang sinuman sa inyo ang nagmalasakit sa akin at nagsabi sa akin na sinusulsulan ng sarili kong anak ang sarili kong lingkod na magplano ng masama sa akin, gaya ng nangyayari ngayon.”
9 Si Doeg+ na Edomita, na namamahala sa mga lingkod ni Saul, ay sumagot:+ “Nakita kong pumunta ang anak ni Jesse sa Nob kay Ahimelec na anak ni Ahitub.+ 10 At sumangguni siya kay Jehova para kay David at binigyan niya ito ng mga kailangan nito. Ibinigay pa nga niya rito ang espada ni Goliat na Filisteo.”+ 11 Ipinatawag agad ng hari ang saserdoteng si Ahimelec na anak ni Ahitub at ang lahat ng saserdote sa sambahayan ng ama nito, na nasa Nob. Kaya silang lahat ay pumunta sa hari.
12 Sinabi ngayon ni Saul: “Makinig ka, pakisuyo, ikaw na anak ni Ahitub!” Sumagot ito: “Opo, panginoon ko.” 13 Sinabi ni Saul sa kaniya: “Bakit ka nakipagsabuwatan sa anak ni Jesse laban sa akin? Binigyan mo siya ng tinapay at espada at sumangguni ka sa Diyos para sa kaniya. Nilalabanan niya ako at nagpaplanong gawan ako ng masama, gaya ng nangyayari ngayon.” 14 Sumagot si Ahimelec sa hari: “Sino sa lahat ng lingkod mo ang mapagkakatiwalaang* gaya ni David?+ Manugang siya ng hari+ at isang pinuno sa mga tagapagbantay mo at pinararangalan sa iyong sambahayan.+ 15 Ngayon lang ba ako sumangguni sa Diyos para sa kaniya?+ Malayong mangyari ang sinasabi mo tungkol sa akin! Huwag nawang mag-isip ng masama ang hari sa kaniyang lingkod at sa buong sambahayan ng aking ama, dahil walang kaalam-alam ang lingkod mo sa lahat ng ito.”+
16 Pero sinabi ng hari: “Mamamatay ka,+ Ahimelec, ikaw at ang buong sambahayan ng iyong ama.”+ 17 Pagkatapos, iniutos ng hari sa mga tagapagbantay* na nakapalibot sa kaniya: “Patayin ninyo ang mga saserdote ni Jehova dahil kumampi sila kay David! Alam nilang takas siya, pero hindi nila sinabi sa akin!” Pero ayaw saktan ng mga lingkod ng hari ang mga saserdote ni Jehova. 18 Kaya sinabi ng hari kay Doeg:+ “Ikaw ang pumatay sa mga saserdote!” Agad na kumilos si Doeg na Edomita+ at siya mismo ang pumatay sa mga saserdote. Nang araw na iyon, pumatay siya ng 85 lalaking nakasuot ng linong epod.*+ 19 Pinatay rin niya sa pamamagitan ng espada ang mga nakatira sa Nob,+ ang lunsod ng mga saserdote; pinatay niya ang mga lalaki at babae, ang mga bata at sanggol, ang mga toro, asno, at tupa.
20 Pero nakatakas si Abiatar+ na anak ni Ahimelec na anak ni Ahitub. Sumunod ito kay David. 21 Sinabi ni Abiatar kay David: “Pinatay ni Saul ang mga saserdote ni Jehova.” 22 Sinabi ni David kay Abiatar: “Nang araw na makita ko+ roon si Doeg na Edomita, alam ko nang magsusumbong siya kay Saul. Ako ang may kasalanan sa pagkamatay ng bawat isa sa sambahayan ng iyong ama. 23 Manatili ka rito sa akin. Huwag kang matakot, dahil ang sinumang nagtatangka sa buhay mo ay nagtatangka sa buhay ko; poprotektahan kita.”+