Levitico
8 Sinabi pa ni Jehova kay Moises: 2 “Dalhin mo si Aaron at ang mga anak niya,+ ang mga kasuotan,+ ang langis para sa pag-aatas,+ ang toro* na handog para sa kasalanan, ang dalawang lalaking tupa, at ang basket ng tinapay na walang pampaalsa,+ 3 at tipunin mo ang buong bayan sa pasukan ng tolda ng pagpupulong.”
4 At ginawa ni Moises ang iniutos ni Jehova sa kaniya, at ang bayan ay nagtipon sa pasukan ng tolda ng pagpupulong. 5 Sinabi ngayon ni Moises sa bayan: “Ito ang iniutos sa atin ni Jehova na dapat nating gawin.” 6 Kaya si Aaron at ang mga anak niya ay iniharap ni Moises sa Diyos at inutusan silang maligo.*+ 7 Pagkatapos, isinuot niya rito ang mahabang damit,+ ang pamigkis,+ at ang walang-manggas na damit,+ at isinuot niya rito ang epod*+ at ibinigkis dito nang mahigpit ang hinabing sinturon+ ng epod. 8 Sumunod, isinuot niya rito ang pektoral,*+ at inilagay niya sa pektoral ang Urim at ang Tumim.+ 9 Pagkatapos, inilagay niya ang espesyal na turbante+ sa ulo nito at inilagay sa harapan ng turbante ang makintab na laminang ginto, ang banal na tanda ng pag-aalay,*+ gaya ng iniutos ni Jehova kay Moises.
10 At kinuha ni Moises ang langis para sa pag-aatas at pinahiran ang tabernakulo at ang lahat ng naroon+ at pinabanal ang mga iyon. 11 Pagkatapos, pitong ulit niyang pinatuluan ng langis para sa pag-aatas ang ibabaw ng altar at lahat ng kagamitan nito at ang tipunan ng tubig at patungan nito para mapabanal ang mga iyon. 12 Bilang panghuli, binuhusan niya ng langis para sa pag-aatas ang ulo ni Aaron para atasan* ito at pabanalin.+
13 Pagkatapos, iniharap naman ni Moises ang mga anak ni Aaron, isinuot sa kanila ang mahahabang damit at mga pamigkis, at inilagay ang turbante sa ulo nila,+ gaya ng iniutos ni Jehova kay Moises.
14 Kinuha niya ang toro na handog para sa kasalanan, at ipinatong ni Aaron at ng mga anak niya ang mga kamay nila sa ulo ng toro na handog para sa kasalanan.+ 15 Pinatay iyon ni Moises at isinawsaw ang daliri niya sa dugo+ at ipinahid iyon sa lahat ng sungay ng altar, at dinalisay niya ang altar mula sa kasalanan, pero ibinuhos niya sa paanan ng altar ang natirang dugo, para mapabanal ito at sa gayon ay makapagbayad-sala sa ibabaw nito. 16 Pagkatapos, kinuha niya ang lahat ng taba na nasa mga bituka, ang lamad* ng atay, at ang dalawang bato at ang taba ng mga ito, at sinunog ni Moises ang mga iyon para pumailanlang mula sa altar ang usok.+ 17 At ang lahat ng natira sa toro, ang balat, ang karne, at ang dumi nito, ay sinunog sa labas ng kampo,+ gaya ng iniutos ni Jehova kay Moises.
18 Kinuha niya ngayon ang lalaking tupa na handog na sinusunog, at ipinatong ni Aaron at ng mga anak niya ang mga kamay nila sa ulo ng lalaking tupa.+ 19 Pagkatapos, pinatay iyon ni Moises at iwinisik ang dugo sa lahat ng panig ng altar. 20 Pinagputol-putol niya ang lalaking tupa, at sinunog ni Moises ang ulo, ang mga piraso, at ang taba* para pumailanlang ang usok. 21 Hinugasan niya ng tubig ang mga bituka at mga binti, at sinunog ni Moises ang buong lalaking tupa para pumailanlang mula sa altar ang usok. Iyon ay handog na sinusunog, isang nakagiginhawang amoy. Iyon ay handog kay Jehova na pinaraan sa apoy, gaya ng iniutos ni Jehova kay Moises.
22 Kinuha niya ang ikalawang lalaking tupa, ang lalaking tupa para sa pag-aatas,+ at ipinatong ni Aaron at ng mga anak niya ang mga kamay nila sa ulo ng lalaking tupa.+ 23 Pinatay ito ni Moises, at kumuha siya ng dugo nito at inilagay iyon sa pingol* ng kanang tainga ni Aaron, sa hinlalaki ng kanang kamay niya, at sa hinlalaki ng kanang paa niya. 24 Pagkatapos, pinalapit ni Moises ang mga anak ni Aaron at nilagyan ng dugo ang pingol ng kanang tainga nila, ang hinlalaki ng kanang kamay nila, at ang hinlalaki ng kanang paa nila; pero iwinisik ni Moises ang natirang dugo sa lahat ng panig ng altar.+
25 Pagkatapos, kinuha niya ang taba, ang matabang buntot, ang lahat ng taba na nasa mga bituka, ang lamad ng atay, ang dalawang bato at ang taba ng mga ito, at ang kanang binti.+ 26 Mula sa basket ng tinapay na walang pampaalsa na nasa harap ni Jehova, kumuha siya ng isang hugis-singsing na tinapay na walang pampaalsa,+ isang hugis-singsing na tinapay na may langis,+ at isang manipis na tinapay. At inilagay niya ang mga iyon sa ibabaw ng mga piraso ng taba at ng kanang binti. 27 Pagkatapos, inilagay niya ang lahat ng iyon sa mga palad ni Aaron at sa mga palad ng mga anak nito at iginalaw nang pabalik-balik bilang handog na iginagalaw* sa harap ni Jehova. 28 Pagkatapos, kinuha ni Moises ang mga iyon sa mga kamay nila at sinunog sa ibabaw ng handog na sinusunog para pumailanlang mula sa altar ang usok. Ang mga iyon ay hain para sa pag-aatas, isang nakagiginhawang amoy. Iyon ay handog kay Jehova na pinaraan sa apoy.
29 Kinuha ni Moises ang dibdib at iginalaw iyon nang pabalik-balik bilang handog na iginagalaw* sa harap ni Jehova.+ Mula sa lalaking tupa para sa pag-aatas, iyon ang naging bahagi ni Moises, gaya ng iniutos ni Jehova kay Moises.+
30 Kumuha si Moises ng langis para sa pag-aatas+ at ng dugo na nasa altar at pinatuluan ng mga iyon si Aaron at ang mga anak nito at ang mga kasuotan nila. Sa gayon, pinabanal niya si Aaron at ang mga kasuotan nito, pati ang mga anak nito+ at ang mga kasuotan nila.+
31 Pagkatapos, sinabi ni Moises kay Aaron at sa mga anak nito: “Pakuluan+ ninyo ang karne sa pasukan ng tolda ng pagpupulong, at doon ninyo iyon kakainin pati ang tinapay na nasa basket para sa pag-aatas, gaya ng iniutos sa akin, ‘Kakainin iyon ni Aaron at ng mga anak niya.’+ 32 Ang matitira sa karne at sa tinapay ay susunugin ninyo.+ 33 Huwag kayong lalabas mula sa pasukan ng tolda ng pagpupulong sa loob ng pitong araw, hanggang sa matapos ang mga araw ng pag-aatas sa inyo, dahil pitong araw ang kailangan sa pag-aatas sa inyo bilang mga saserdote.*+ 34 Iniutos ni Jehova na gawin natin sa natitira pang mga araw ang ginawa natin sa araw na ito bilang pagbabayad-sala para sa inyo.+ 35 Sa loob ng pitong araw,+ araw at gabi, mananatili kayo sa pasukan ng tolda ng pagpupulong at tutuparin ninyo ang obligasyon ninyo kay Jehova+ para hindi kayo mamatay; dahil iyan ang iniutos sa akin.”
36 At ginawa ni Aaron at ng mga anak niya ang lahat ng iniutos ni Jehova sa pamamagitan ni Moises.