Ezekiel
39 “At ikaw, anak ng tao, humula ka laban kay Gog,+ at sabihin mo, ‘Ito ang sinabi ng Kataas-taasang Panginoong Jehova: “Kikilos ako laban sa iyo, Gog, ang pangunahing pinuno* ng Mesec at Tubal.+ 2 Ililihis kita sa landas mo, at mula sa pinakamalalayong bahagi sa hilaga,+ aakayin kita papunta sa mga bundok ng Israel. 3 Hahampasin ko ang búsog sa kaliwang kamay mo at ang mga palaso sa kanang kamay mo para mabitiwan mo ang mga ito. 4 Mabubuwal ka sa mga bundok ng Israel,+ ikaw at ang lahat ng hukbo mo at ang mga bayang sasama sa iyo. Ibibigay kita bilang pagkain sa lahat ng uri ng ibong maninila* at sa mababangis na hayop sa parang.”’+
5 “‘Mabubuwal ka sa parang,+ dahil ako mismo ang nagsalita,’ ang sabi ng Kataas-taasang Panginoong Jehova.
6 “‘At magpapadala ako ng apoy sa Magog at sa mga naninirahan nang panatag sa mga isla,+ at malalaman nila na ako si Jehova. 7 Ipapakilala ko ang banal na pangalan ko sa gitna ng aking bayang Israel, at hindi ko na hahayaang malapastangan ang banal na pangalan ko; at malalaman ng mga bansa na ako si Jehova,+ ang Banal sa Israel.’+
8 “‘Oo, darating iyon at matutupad,’ ang sabi ng Kataas-taasang Panginoong Jehova. ‘Ito ang araw na sinasabi ko. 9 Ang mga naninirahan sa mga lunsod ng Israel ay lalabas at gagamiting panggatong ang mga sandata—ang mga pansalag* at kalasag, mga pana, at mga pamalong pandigma* at sibat. At pitong taon nilang gagamiting panggatong ang mga ito.+ 10 Hindi na nila kailangang manguha ng kahoy sa parang o ng panggatong sa gubat, dahil gagamitin nilang panggatong ang mga sandata.’
“‘Sasamsaman nila ang mga nanamsam sa kanila at mandarambong sila sa mga nandambong sa kanila,’ ang sabi ng Kataas-taasang Panginoong Jehova.
11 “‘Sa araw na iyon, bibigyan ko si Gog+ ng libingan sa Israel, sa lambak na dinadaanan ng mga naglalakbay sa silangan ng dagat, at haharangan nito ang mga dumadaan doon. Doon nila ililibing si Gog at ang lahat ng hukbo niya, at iyon ay tatawagin nilang Lambak ng Hamon-Gog.*+ 12 Pitong buwan ang gugugulin ng sambahayan ng Israel para mailibing sila at malinis ang lupa.+ 13 Magtutulong-tulong ang lahat ng tao sa lupa sa paglilibing sa kanila, kaya magiging tanyag ang mga ito sa araw na luwalhatiin ko ang sarili ko,’+ ang sabi ng Kataas-taasang Panginoong Jehova.
14 “‘May mga lalaking aatasan para patuloy na lumibot sa lupa at maglibing ng natirang mga bangkay sa ibabaw ng lupa para maging malinis ito. Pitong buwan silang maghahanap. 15 Kapag may nakitang buto ng tao ang mga naglilibot sa lupa, maglalagay sila ng tanda sa tabi nito. At ililibing ito sa Lambak ng Hamon-Gog ng mga inatasang maglibing.+ 16 At magkakaroon din doon ng isang lunsod na ang pangalan ay Hamona.* At lilinisin nila ang lupa.’+
17 “Anak ng tao, ito ang sinabi ng Kataas-taasang Panginoong Jehova: ‘Sabihin mo sa bawat uri ng ibon at sa lahat ng mababangis na hayop sa parang, “Magtipon kayo at pumunta rito. Palibutan ninyo ang hain na inihanda ko para sa inyo, isang malaking hain sa ibabaw ng mga bundok ng Israel.+ Kakain kayo ng laman at iinom ng dugo.+ 18 Kakainin ninyo ang laman ng mga makapangyarihan at iinumin ang dugo ng mga pinuno sa lupa—ang mga lalaking tupa, kordero,* kambing, at toro—lahat ng pinatabang hayop sa Basan. 19 Magpapakabusog kayo sa taba at magpapakalasing sa dugo ng hain, na inihanda ko para sa inyo.”’
20 “‘Sa aking mesa, mabubusog kayo sa mga kabayo at sa mga nagpapatakbo ng karwahe, sa malalakas na tao at sa lahat ng uri ng mandirigma,’+ ang sabi ng Kataas-taasang Panginoong Jehova.
21 “‘Ipapakita ko ang aking kaluwalhatian sa gitna ng mga bansa, at makikita ng lahat ng bansa ang hatol ko sa kanila at ang ginamit kong kapangyarihan.*+ 22 Mula sa araw na iyon, kikilalanin ng sambahayan ng Israel na ako ang Diyos nilang si Jehova. 23 At malalaman ng mga bansa na ang sambahayan ng Israel ay ipinatapon dahil sa kasalanan nila, dahil hindi sila naging tapat sa akin.+ Kaya tinalikuran ko sila*+ at ibinigay sa kamay ng mga kaaway nila,+ at silang lahat ay napabagsak ng espada. 24 Pinakitunguhan ko sila ayon sa kanilang karumihan at kasalanan, at tinalikuran ko sila.’*
25 “Kaya ito ang sinabi ng Kataas-taasang Panginoong Jehova: ‘Ibabalik ko sa lupain nila ang mga nabihag sa Jacob,+ at kaaawaan ko ang buong sambahayan ng Israel;+ at gagawin ko ang buong makakaya ko para ipagtanggol ang* aking banal na pangalan.+ 26 Matapos silang mapahiya dahil hindi sila naging tapat sa akin,+ maninirahan sila nang panatag sa kanilang lupain, at walang sinumang tatakot sa kanila.+ 27 Kapag ibinalik ko sila mula sa mga bayan at tinipon sila mula sa mga lupain ng mga kaaway nila,+ pababanalin ko rin ang sarili ko sa gitna nila sa harap ng maraming bansa.’+
28 “‘Malalaman nila na ako ang Diyos nilang si Jehova kapag ipinatapon ko sila sa mga bansa at tinipong muli sa kanilang lupain, at walang sinuman sa kanila ang maiiwan.+ 29 Hindi ko na sila tatalikuran,*+ dahil ibubuhos ko ang aking espiritu sa sambahayan ng Israel,’+ ang sabi ng Kataas-taasang Panginoong Jehova.”