Ayon kay Marcos
2 Pero makalipas ang ilang araw, muling pumasok si Jesus sa Capernaum, at napabalitang nasa bahay siya.+ 2 Dumagsa ang mga tao sa bahay kaya wala nang puwesto kahit sa may pintuan, at nangaral siya sa kanila tungkol sa salita ng Diyos.+ 3 Isang grupo ang nagdala sa kaniya ng isang paralitiko na binubuhat ng apat na lalaki.+ 4 Pero hindi nila ito mailapit kay Jesus dahil sa dami ng tao, kaya inalis nila ang bubong sa tapat ni Jesus, at ibinaba nila sa butas ang higaan kung saan nakaratay ang paralitiko. 5 Nang makita ni Jesus ang pananampalataya nila,+ sinabi niya sa paralitiko: “Anak, pinatatawad na ang mga kasalanan mo.”+ 6 Naroon ang ilang eskriba, nakaupo at nag-iisip:+ 7 “Bakit ganiyan magsalita ang taong iyan? Namumusong siya.*+ Hindi ba ang Diyos lang ang makapagpapatawad ng mga kasalanan?”+ 8 Pero alam na ni Jesus kung ano ang iniisip nila, kaya sinabi niya sa kanila: “Bakit kayo nag-iisip ng ganiyan?+ 9 Alin ba ang mas madali, ang sabihin sa paralitiko, ‘Pinatatawad na ang mga kasalanan mo,’ o ang sabihing ‘Bumangon ka at buhatin mo ang higaan mo at lumakad ka’? 10 Pero para malaman ninyo na ang Anak ng tao+ ay may awtoridad na magpatawad ng mga kasalanan dito sa lupa—”+ sinabi niya sa paralitiko: 11 “Bumangon ka, buhatin mo ang higaan mo, at umuwi ka.” 12 Kaya bumangon siya at binuhat agad ang higaan niya at lumakad palabas na nakikita ng lahat. Manghang-mangha sila, at pinuri nila ang Diyos. Sinasabi nila: “Ngayon lang kami nakakita ng ganito.”+
13 Muli siyang pumunta sa tabi ng lawa, at sinundan siya ng maraming tao, at tinuruan niya sila. 14 Pagkatapos, nagpatuloy siya sa paglalakad at nakita niya ang anak ni Alfeo na si Levi, na nakaupo sa tanggapan ng buwis. Sinabi niya rito: “Maging tagasunod kita.” Kaya tumayo ito at sumunod sa kaniya.+ 15 Pagkatapos, kumain siya sa bahay nito. Maraming maniningil ng buwis at mga makasalanan ang kumaing kasama ni Jesus at ng mga alagad niya. Marami sa kanila ang sumunod sa kaniya.+ 16 Pero nang makita ng mga eskriba ng mga Pariseo na kumakain siyang kasama ng mga makasalanan at mga maniningil ng buwis, sinabi nila sa mga alagad niya: “Kumakain siyang kasama ng mga maniningil ng buwis at mga makasalanan?” 17 Nang marinig ito ni Jesus, sinabi niya sa kanila: “Ang malalakas ay hindi nangangailangan ng manggagamot, kundi ang mga maysakit. Dumating ako para tawagin, hindi ang mga matuwid, kundi ang mga makasalanan.”+
18 Ang mga alagad ni Juan at ang mga Pariseo ay nag-aayuno. Kaya may mga lumapit kay Jesus at nagsabi: “Ang mga alagad ni Juan at ang mga alagad ng mga Pariseo ay nag-aayuno, pero bakit ang mga alagad mo, hindi?”+ 19 Sinabi ni Jesus sa kanila: “Ang mga kaibigan ng lalaking ikakasal+ ay walang dahilan para mag-ayuno hangga’t kasama nila siya, hindi ba? Hangga’t kasama nila ang lalaking ikakasal, hindi sila makapag-aayuno.+ 20 Pero darating ang panahon na kukunin na siya sa kanila.+ At mag-aayuno na sila sa araw na iyon. 21 Walang nagtatagpi ng bagong tela sa lumang damit. Dahil kung gagawin ito ng isa, kapag umurong ang bagong tela, mababatak nito ang lumang damit na tinagpian at lalong lálaki ang punit.+ 22 Wala ring naglalagay ng bagong alak sa lumang sisidlang balat. Kapag ginawa ito ng isa, papuputukin ng alak ang sisidlan, at masasayang ang alak, pati ang sisidlan. Kaya inilalagay ang bagong alak sa bagong sisidlang balat.”
23 Isang araw ng Sabbath, habang naglalakad si Jesus at ang mga alagad niya sa gitna ng bukid, ang mga alagad niya ay namitas ng mga uhay ng butil.+ 24 Kaya sinabi sa kaniya ng mga Pariseo: “Tingnan mo! Bakit nila ginagawa ang ipinagbabawal kapag Sabbath?” 25 Pero sinabi niya sa kanila: “Hindi ba ninyo nabasa kung ano ang ginawa ni David nang wala siyang makain at magutom siya at ang mga lalaking kasama niya?+ 26 Sa ulat tungkol sa punong saserdoteng si Abiatar,+ pumasok siya sa bahay ng Diyos at kinain ang mga tinapay na panghandog, na hindi puwedeng kainin ng sinuman maliban sa mga saserdote.+ Binigyan din niya nito ang mga lalaking kasama niya.” 27 Pagkatapos, sinabi niya sa kanila: “Nagkaroon ng Sabbath alang-alang sa mga tao,+ at hindi ng tao alang-alang sa Sabbath. 28 Kaya ang Anak ng tao ay Panginoon maging ng Sabbath.”+