Ang Panlabas na Anyo ba Lamang ang Nakikita Mo?
SI Heinz, isang tinedyer na hinihila ng pagkapoot, ay nagbalak na patayin ang kaniyang amain. Mabuti naman, wala siyang lakas ng loob na gawin ito. Mga ilang taon ang nakaraan at nagpasiya siyang magpatiwakal ngunit hindi rin niya nagawa iyon. Siya’y napasangkot sa pagnanakaw at pagbebenta ng droga, kung kaya’t siya’y nabilanggo. Pagkatapos ay nabigo naman ang kaniyang pag-aasawa.
Sa ngayon si Heinz ay hindi na isang drug addict. Siya’y naghahanapbuhay nang marangal. Maligaya ang kaniyang pagkapag-asawa at nagkakasundo na sila ng kaniyang amain. Ano ba ang nagpabago sa kaniya? Siya’y nagsimulang makipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova. Unti-unti, ang kaniyang pangmalas sa buhay ay nagsimulang magbago.
Walang alinlangan, marami sa noo’y nakakakilala sa may edad na ngayong si Heinz ang may turing sa kaniya noon na isang taong hindi na maaaring baguhin. Makapagpapasalamat ang maraming mga taong katulad niya, dahil sa hindi siya itinuring ng Diyos na siya’y di na maaaring mabago pa. Bakit hindi? Ang dahilan ay: “Ang pagtingin ng tao ay di-gaya ng pagtingin ng Diyos, dahil sa ang nakikita lamang ng hamak na tao ay yaong nakikita ng mga mata; ngunit para kay Jehova, nakikita niya ang nasa puso.”—1 Samuel 16:7.
Iyan ang malaking pagkakaiba ng tao at ng Diyos. Ang hilig natin ay hatulan ang panlabas na anyo. Sinasabi pa man din natin na “ang unang pagkakilala ang nananatiling pagkakilala sa isang bagay.” Sa ibang pananalita, ang hilig natin ay bigyan natin ng kani-kaniyang kategorya ang mga tao salig sa kanilang unang ipinakitang mga reaksiyon. Subalit ang Diyos, dahil sa nababasa niya ang puso, ay matuwid at walang kinikilingan. At iyan ang dahilan kung bakit isinugo niya ang kaniyang Anak, si Jesu-Kristo, sa lupa upang “lahat ng uri ng tao ay maligtas at sumapit sa tumpak na kaalaman sa katotohanan.” (1 Timoteo 2:4) Sa bagay na ito, ang nag-alay na mga Kristiyano ay may pribilehiyo na maging “mga kamanggagawa ng Diyos” sa pamamagitan ng aktibong pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos sa lahat ng tao. (1 Corinto 3:9) Gayunman, ang mga Kristiyano ay may kanilang limitasyon—hindi nila nababasa ang mga puso ng mga tao. Kung gayon sila ay kailangang maging walang kinikilangan at iwasan nila ang magkaroon ng maling pagkakilala dahilan sa panlabas na mga kaanyuan.
Ang kapatid sa ina ni Jesus na si Santiago ay nakababatid ng panganib na ito sa sinaunang kongregasyong Kristiyano. Sinabi niya: “Mga kapatid ko, yayamang mayroon kayong pananampalataya sa ating Panginoong Jesu-Kristo, na naghahari sa kaluwalhatian, kayo’y huwag magtatangi kaninuman. Halimbawa, may dalawang taong pumasok sa inyong dako ng pagsamba, ang isa’y isang lalaking makisig ang bihis at may mga singsing na ginto, at yaong isa naman ay isang taong dukha at hamak ang kasuotan. Halimbawa na’y nagpakita kayo ng natatanging pansin sa taong makisig ang suot . . . Hindi baga kayo nagtatangi at humahatol ayon sa maling mga pamantayan?” Batay dito, hindi kaya kung minsan ay mali ang paghatol natin sa mga taong noon lamang dumalo sa mga pulong sa Kingdom Hall?—Santiago 2:1-4, The New English Bible.
Si Jesus ang Nagpakita ng Halimbawa
Nakita ni Jesus ang mga tao, hindi bilang mga makasalanan na hindi na maaaring mapagbago pa, kundi posible na sila’y taimtim na mga taong handang magbago kung tutulungan at bibigyan ng hustong pangganyak. Kaya naman kaniyang “ibinigay ang kaniyang sarili bilang isang kaukulang pantubos para sa lahat.” (1 Timoteo 2:6) Sa kaniyang pangangaral, sinumang may mabuting kalooban ay itinuring niya na dapat pakitunguhan, nararapat bigyan ng atensiyon. Ang kaniyang pangmalas sa mga tao ay nagsisiwalat na wala siyang damdamin ng pagmamataas at pagkamatuwid sa ganang sarili.—Lucas 5:12, 13.
Malayung-malayo sa mga Fariseo, na tungkol sa kanila’y mababasa natin: “Ngunit nang makita ng mga eskriba at mga Fariseo na siya’y kumakaing kasalo ng mga makasalanan at ng mga maniningil ng buwis, sila’y nagsipagsabi sa kaniyang mga alagad: ‘Ano ito na siya’y kumakain at umiinom na kasalo ng mga maniningil ng buwis at ng mga makasalanan?’ At nang ito’y marinig ni Jesus, sinabi niya sa kanila: ‘Hindi nangangailangan ng manggagamot ang mga walang sakit, kundi ang mga may sakit. Hindi ako naparito upang tumawag ng mga matuwid, kundi ng mga makasalanan.’”—Marcos 2:16, 17.
Mangyari pa, hindi ibig sabihin na ipinagwawalang-bahala ni Jesus ang pandaraya at masasamang gawa ng mga makasalanang ito at ng mga maniningil ng buwis. Kundi batid niya na ang mga tao ay maaaring napapasubo sa masamang pamumuhay, marahil nang hindi nila namamalayan o dahil sa mga kalagayang mahirap na makontrol. Kaya naman siya’y nagpakita ng pagkamaunawain, at “nahabag siya sa kanila, sapagkat sila’y mistulang mga tupa na walang pastol.” (Marcos 6:34) May pagmamahal na inunawa niya na may pagkakaiba ang kanilang ginagawang masama at ang posibleng taglay nilang mabubuting puso.
Sa pakikitungo sa kaniyang mga tagasunod, si Jesus ay tumingin hindi lamang sa panlabas na anyo. Sila’y makasalanan na kalimita’y nagkakamali, subalit si Jesus ay hindi isang perpeksiyunista na walang katuwiran, na palaging sila’y kinagagalitan sa bahagyang pagkakamali. Batid niya na mabuti naman ang kanilang mga intensiyon, o, gaya ng marahil sasabihin natin sa ngayon, ang kanilang puso ay nasa tamang lugar. Ang kailangan nila ay tulong at pampatibay-loob; sa pagbibigay nito, si Jesus ay hindi kailanman naging maramot. Tiyak iyan, kaniyang namalas ang mga tao ayon sa pagkamalas ng Diyos sa kanila. Atin bang sinisikap na tularan ang kaniyang kahanga-hangang halimbawa?
Kayo ba’y ‘Humahatol ng Matuwid na Paghatol’?
Minsan si Jesus ay hinarap ng isang grupo ng mapagmatuwid-sa-sariling mga reklamador na nayamot dahil sa siya’y gumawa ng pagpapagaling sa panahon ng Sabbath. Kaniyang tinuruan sila: “Huwag kayong magsihatol ayon sa panlabas na anyo, kundi kayo’y humatol ng matuwid na paghatol.” Bakit hindi nila ikinatuwa nang makitang si Jesus ay nakapaghimala at ginawa niyang “ang isang tao’y lubusang gumaling sa karamdaman” sa halip na sila’y “magsiklab ng galit” at ituring na siya’y manlalabag sa batas ng Sabbath? Dahil sa sila’y humahatol ayon sa panlabas na anyo, nahayag ang kanilang masasamang motibo. Kanilang isiniwalat na ang kanilang paghatol ay matuwid sa ganang sarili nila at di-matuwid kasabay rin niyan.—Juan 7:23, 24.
Papaano nga tayo makagagawa rin ng ganiyang pagkakamali? Kung tayo’y hindi nagagalak pagka ang nagsising tao ay bumalik sa kongregasyon o pagka ang isang sukdulang makasanlibutang tao ay natuto ng katotohanan at nagsimulang makinabang sa espirituwal na pagpapagaling. Kung minsan ay baka hatulan natin ang mga tao sa pamamagitan ng kanilang di-karaniwang mga pananamit o pag-aayos ng sarili at hatulan natin sila na marahil hindi magiging mga Saksi kailanman. Subalit, maraming dating mga hippies at mga iba pa na may di-karaniwang mga istilo ng pamumuhay ang sa bandang huli’y naging Kristiyanong mga Saksi ni Jehova. Samantalang ang gayong mga tao’y kasalukuyang nasa panahon ng paggawa ng mga pagbabago, hindi natin ibig na sila’y ‘hatulan ayon sa panlabas na anyo’ na anupa’t hindi natin nakikita ang kanilang mabuting kalagayan ng puso.
Higit na mabuti pa, at kasuwato ng magandang halimbawa ni Jesus, na idalangin sila at alukin sila ng praktikal na tulong upang makaabot sa pagkamaygulang bilang Kristiyano! Ang pagkakita sa kanila ng isang dahilang ikatutuwa ay baka waring mahirap. Subalit kung sila’y inilalapit ni Jehova sa kaniyang sarili sa pamamagitan ni Kristo, sino ba tayo na tatanggihan sila salig sa ating sariling makitid na pagkakilala? (Juan 6:44) Ang paghatol sa kaninuman dahil sa ating pagkamatuwid sa ganang sarili, pagka wala tayong kabatiran tungkol sa nilalaman ng puso ni sa mga kalagayan man, ay maaaring magdala ng hatol laban sa atin.—Ihambing ang Mateo 7:1-5.
Imbis na marahas na hatulan ang gayong mga baguhan, sila’y ating tulungan, palakasin-loob, at payuhan sa pamamagitan ng pagpapakita ng magandang halimbawa sa kanila. Gayunman, samantalang pinagpapakitaan natin ng kagandahang-loob, hindi naman dapat na gawin nating mistulang mga idolo ang mga baguhan na marahil ay kilalang-kilala sa daigdig. Iyan ay isang anyo ng pagtatangi. Iyan ay isa rin namang tanda na tayo’y kulang ng pagkamaygulang. Para sa taong iyon mismo, ang atin bang labis na pagtatangi sa kaniya ay tutulong sa kaniya upang maging mapagpakumbaba? O, bagkus makahahadlang sa kaniya?—Levitico 19:15.
Huwag Mong Asahan ang Higit Kaysa Inaasahan ng Diyos
Ang ating pagkakilala sa iba ay totoong napakaliit kung ihahambing sa gayong pagkakilala ni Jehova, na nakababasa ng puso. (1 Cronica 28:9) Ang ganitong pagkaalam natin ay hahadlang sa atin upang huwag maging modernong-panahong, mapagmatuwid-sa-sariling mga Fariseo, na nagsisikap na hubugin ang mga tao ayon sa kanilang gawang-taong anyo ng pagkamatuwid upang sila’y mapabagay sa ating sariling kuru-kuro ng kung ano ang tama. Kung ating titingnan ang mga tao ayon sa pagkakita sa kanila ng Diyos, hindi natin hahanapan sila nang higit pa kaysa kaniyang hinahanap sa kanila. Tayo’y “hindi lalampas sa mga bagay na nasusulat.” (1 Corinto 4:6) Ito’y lalo nang mahalaga para sa mga Kristiyanong matatanda na isapuso.—1 Pedro 5:2, 3.
Maipaghahalimbawa natin ito kung tungkol sa pagdadamit. Ang kahilingan ng Bibliya—na kahilingan ng Diyos—ay na kailangang ang pananamit ng isang Kristiyano’y maayos at malinis, masinop at hindi nagpapakita ng kawalan ng “kahinhinan at katinuan ng isip.” (1 Timoteo 2:9; 3:2) Maliwanag, kung gayon, ang matatanda sa isang kongregasyon ay ‘lumampas sa mga bagay na nasusulat’ mga ilang taon na ngayon ang nakalipas dahil sa kanilang hiniling na bawat nagpapahayag sa madla sa kanilang kongregasyon ay kailangang nakaputing kamisadentro, bagaman tinatanggap naman sa bansang iyon ang mga mahihinhing kulay ng damit. Ang inimbitahang mga tagapagpahayag na dumarating na nakasuot ng de-kulor na kamisadentro ay pinagpapalit ng kanilang damit at pinagsusuot ng mga puting kamisadentro na nakatago sa Kingdom Hall para sa gayong biglaang gamit. Tayo’y kailangang magpakaingat na huwag ipilit sa iba ang ating sariling panlasa! At anong pagka-angkop nga ang payo ni Pablo: “Mahayag nawa sa lahat ng tao ang inyong pagkamakatuwiran”!—Filipos 4:5.
Mabubuting Bunga ng Pagtingin Hindi Lamang sa Panlabas na Anyo
Ang pagtanggap sa bagay na tayo’y hindi nakababasa ng mga puso ng mga tao ay tutulong sa atin upang makapanatili sa isang lalong mabuting relasyon sa mga taong nakapalibot sa atin, kapuwa sa loob at sa labas ng kongregasyong Kristiyano. Matutulungan tayo na magkaroon ng positibong kaisipan tungkol sa iba, hindi mag-alinlangan sa kanilang mga motibo, “sapagkat tayo man noong dati ay mga mangmang, suwail, nailigaw, mga alipin ng sarisaring masasamang pita at kalayawan.” (Tito 3:3) Sa pagkatanto nito, tayo’y papayag na mangaral sa lahat, kahit na sa mga tao na, sa panlabas na anyo, ay baka waring di-karapat-dapat. Siyempre pa, ang disisyon na tanggapin o tanggihan ang katotohanan ay disisyon nila. Ang pananagutan na mangaral nito sa lahat ay atin.
Marami sa mga Saksi ni Jehova, tulad ni Heinz, ay natutuwa na sila’y tinanggap ng kongregasyong Kristiyano ng mga kapatid na hindi lamang sa panlabas na anyo tumingin at hindi humatol ayon sa unang pagkakilala.
Naririyan si Frank na sásusulpot isang araw ng Linggo sa isang Kingdom Hall ng mga Saksi ni Jehova sa timugang Alemanya. Ano ba ang nakita ng mga taong naroroon? Isang nanlilimahid na lalaking may balbas at hanggang balikat ang buhok, na marumi ang damit, kilalang-kilala na isang malimit na parukyano ng mga bar at isang pusakal na maninigarilyo—na kaniyang pinabayaan ang kaniyang kinakasamang babae at ang kanilang naging anak na kambal. Gayunman, siya’y buong siglang tinanggap sa pulong. Nabagbag ang kaniyang damdamin kung kaya siya’y bumalik noong sumunod na linggo. Ano ang kanilang nakita noon? Isang maayos nang lalaki na malinis ang pananamit. Nang ikatlong linggo ay nakita nila ang isang lalaking hindi na naninigarilyo, ngayon ay kasama na ang kaniyang kinakasamang babae at ang kanilang dalawang anak. Noong ikaapat na Linggo, nakita nila ang isang kabataang lalaki at isang kabataang babae na kakukuha lamang ng isang lisensiya sa pag-aasawa upang pakasal. Noong ikalimang Linggo, nakita nila ang isang lalaking lubusang humiwalay na sa huwad na relihiyon. Ngayon, mga apat na taon na ang nakalipas, kanilang nakikita, ayon sa ulat ng isa sa mga Saksi ni Jehova, “ang isang pamilya na sa pagmamasid mo sa kanila’y aakalain mo na sila’y mga kapatid na natin nang maraming taon.”
Ang katangian ng isang aklat o ng isang bahay ay hindi laging makikilala sa pabalat niyaon o sa harap niyaon. Gayundin naman, ang tunay na katangian ng isang tao ay hindi laging makikita sa panlabas na anyo. Ang mga Kristiyano na nagsisikap makita ang mga tao ayon sa pagkakita sa kanila ng Diyos ay hindi hahatol ayon sa mga unang impresyon. Ang binibigyan-pansin ng Diyos ay “ang lihim na pagkatao ng puso,” at dahil diyan ay makapagpapasalamat tayo.—1 Pedro 3:3, 4.