Jeremias
27 Sa pasimula ng pamamahala ng hari ng Juda na si Jehoiakim na anak ni Josias, dumating ang salitang ito kay Jeremias mula kay Jehova: 2 “Ito ang sinabi ni Jehova sa akin, ‘Gumawa ka ng mga panali at mga pamatok, at ilagay mo ang mga iyon sa leeg mo. 3 At ipadala mo ang mga iyon sa hari ng Edom,+ sa hari ng Moab,+ sa hari ng mga Ammonita,+ sa hari ng Tiro,+ at sa hari ng Sidon+ sa pamamagitan ng mga mensahero na pumunta sa Jerusalem, kay Haring Zedekias ng Juda. 4 Sabihin mo sa kanila ang utos na ito para sa mga panginoon nila:
“‘“Ito ang sinabi ni Jehova ng mga hukbo, ang Diyos ng Israel; ito ang sabihin ninyo sa mga panginoon ninyo, 5 ‘Ako ang gumawa ng lupa, ng sangkatauhan, at ng mga hayop na nasa ibabaw ng lupa sa pamamagitan ng aking dakilang kapangyarihan at unat na bisig; at ibinibigay ko iyon sa sinumang gusto ko.*+ 6 At ngayon ay ibinibigay ko ang lahat ng lupaing ito sa kamay ng lingkod kong si Haring Nabucodonosor+ ng Babilonya; maging ang mga hayop sa parang ay ibinibigay ko para maglingkod sa kaniya. 7 Ang lahat ng bansa ay maglilingkod sa kaniya, sa anak niya, at sa apo niya hanggang sa dumating ang panahon ng sarili niyang lupain,+ kung kailan maraming bansa at dakilang hari ang mang-aalipin sa kaniya.’+
8 “‘“‘Kung ang isang bansa o kaharian ay tatangging maglingkod kay Haring Nabucodonosor ng Babilonya at hindi magpapasailalim sa pamatok ng hari ng Babilonya, paparusahan ko ang bansang iyon sa pamamagitan ng espada,+ taggutom, at salot,’* ang sabi ni Jehova, ‘hanggang sa malipol ko sila sa pamamagitan ng kamay niya.’
9 “‘“‘Kaya huwag kayong makinig sa inyong mga propeta, manghuhula, mánanaginíp, mahiko, at mga mangkukulam,* na nagsasabi: “Hindi kayo maglilingkod sa hari ng Babilonya.” 10 Dahil nanghuhula sila ng kasinungalingan sa inyo; at kung makikinig kayo sa kanila, kukunin kayo sa inyong lupain at dadalhin sa malayo, at pangangalatin ko kayo at malilipol kayo.
11 “‘“‘Pero ang bansang magpapasailalim sa pamatok ng hari ng Babilonya at maglilingkod sa kaniya ay hahayaan kong manatili* sa lupain nila,’ ang sabi ni Jehova, ‘para sakahin iyon at manirahan doon.’”’”
12 Ganoon din ang sinabi ko kay Haring Zedekias+ ng Juda: “Magpasailalim kayo sa pamatok ng hari ng Babilonya at maglingkod kayo sa kaniya at sa bayan niya, at patuloy kayong mabubuhay.+ 13 Kung hindi, ikaw at ang bayan mo ay mamamatay sa espada,+ sa taggutom,+ at sa salot,+ gaya ng sinabi ni Jehova tungkol sa mga bansang hindi maglilingkod sa hari ng Babilonya. 14 Huwag kayong makinig sa mga propetang nagsasabi sa inyo, ‘Hindi kayo maglilingkod sa hari ng Babilonya,’+ dahil kasinungalingan ang inihuhula nila sa inyo.+
15 “‘Dahil hindi ko sila isinugo,’ ang sabi ni Jehova, ‘pero nanghuhula sila ng kasinungalingan sa pangalan ko, at kung makikinig kayo sa kanila, pangangalatin ko kayo at malilipol kayo, kayo at ang mga propetang nanghuhula sa inyo.’”+
16 At sinabi ko sa mga saserdote at sa buong bayang ito: “Ito ang sinabi ni Jehova, ‘Huwag kayong makinig sa sinasabi ng mga propetang nanghuhula sa inyo: “Ang mga kagamitan sa bahay ni Jehova ay malapit nang ibalik mula sa Babilonya!”+ dahil kasinungalingan ang inihuhula nila sa inyo.+ 17 Huwag kayong makinig sa kanila. Maglingkod kayo sa hari ng Babilonya at patuloy kayong mabubuhay.+ Kung hindi, mawawasak ang lunsod na ito. 18 Pero kung sila ay mga propeta at kung ang salita ni Jehova ay nasa kanila, magmakaawa sana sila kay Jehova ng mga hukbo para hindi dalhin sa Babilonya ang natitirang mga kagamitan sa bahay ni Jehova, sa bahay* ng hari ng Juda, at sa Jerusalem.’
19 “Dahil ito ang sinabi ni Jehova ng mga hukbo tungkol sa mga haligi,+ sa malaking tipunan ng tubig,*+ sa mga patungang de-gulong,+ at sa natitirang mga kagamitan na naiwan sa lunsod na ito, 20 na hindi kinuha ni Haring Nabucodonosor ng Babilonya nang ipatapon niya sa Babilonya mula sa Jerusalem ang anak ni Jehoiakim na si Jeconias, na hari ng Juda, kasama ang lahat ng prominente sa Juda at Jerusalem;+ 21 oo, ito ang sinabi ni Jehova ng mga hukbo, ang Diyos ng Israel, tungkol sa mga kagamitang naiwan sa bahay ni Jehova, sa bahay* ng hari ng Juda, at sa Jerusalem: 22 ‘“Dadalhin sa Babilonya ang mga iyon,+ at mananatili ang mga iyon doon hanggang sa araw na alalahanin ko ang mga iyon,” ang sabi ni Jehova. “At ibabalik ko ang mga iyon at isasauli sa lugar na ito.”’”+