KABANATA 2
Naglilingkod sa “Huling Bahagi ng mga Araw”
1, 2. (a) Anong pangitain ni Jeremias ang nagpapahiwatig ng mensaheng ihahatid niya? (b) Bakit ka dapat maging interesado sa mensahe ni Jeremias?
“ANO ang nakikita mo?” ang tanong ng Diyos sa bagong-atas na propeta. “Isang palayok na maluwang ang bibig na hinihipan ang nakikita ko,” ang sagot ng kabataang si Jeremias, “at ang bibig nito ay palayo sa hilaga.” Ipinahihiwatig ng pangitaing iyan kung anong uri ng mensahe ang ihahatid ni Jeremias. (Basahin ang Jeremias 1:13-16.) Ang makasagisag na palayok ay hinihipan, hindi para palamigin, kundi upang pagningasin pa ang apoy sa ilalim nito. Oo, inihuhula ni Jehova na may kapahamakan, tulad ng nakakapasong likido, na ibubuhos sa lupain ng Juda dahil sa kanilang kataksilan. Bakit kaya nakatagilid patimog ang bunganga ng palayok? Dahil ang kapahamakan ay manggagaling sa hilaga—doon magmumula ang Babilonya na sasalakay sa kanila. At gayon nga ang nangyari. Nasaksihan ni propeta Jeremias ang sunud-sunod na pagbubuhos ng kapahamakan mula sa kumukulong palayok, na humantong sa pagkawasak ng Jerusalem.
2 Oo, wala na ang Babilonya, pero napakahalagang maging interesado ka sa makahulang mga mensahe ni Jeremias. Bakit? Dahil nabubuhay ka sa “huling bahagi ng mga araw” kung kailan marami ang nag-aangking Kristiyano; pero sila at ang kani-kanilang relihiyon ay hindi sinasang-ayunan ng Diyos. (Jer. 23:20) Subalit gaya ni Jeremias, ikaw at ang mga kapuwa mo Saksi ay nangangaral hindi lamang ng mensahe ng paghatol kundi ng pag-asa.
3. (a) Ano ang pagkakaayos ng mga ulat sa aklat ng Jeremias? (b) Ano ang isasaalang-alang sa Kabanata 2 ng aklat na ito?
3 Malamang na noong mga huling taon ng paglilingkod ni Jeremias, idinikta niya ang kaniyang ulat sa isang kalihim, imbes na isulat ang mga kaganapan habang nangyayari ang mga ito. (Jer. 25:1-3; 36:1, 4, 32) Hindi kronolohikal ang ulat dahil isinulat ito ni Jeremias ayon sa paksa. Kaya mas mainam na may alam ka sa mga pangyayaring saklaw ng ulat ng Jeremias at Mga Panaghoy, pati na ang pagkakasunud-sunod ng mga ito. Tingnan ang chart sa pahina 19. Kung alam mo kung sino ang hari sa Juda sa isang partikular na panahon at, sa ilang kaso, maging ang mga kaganapan sa loob at labas ng Juda, mas maiintindihan mo kung bakit ganoon ang sinabi o ginawa ni Jeremias. At mas makikinabang ka sa mensahe ng Diyos sa Kaniyang bayan sa pamamagitan ni Jeremias.
MGA KALAGAYAN NOONG PANAHON NI JEREMIAS
4-6. Ano ang kalagayan ng bayan ng Diyos noong mga dekada bago maging propeta si Jeremias?
4 Maligalig ang panahon noong naglilingkod si Jeremias bilang propeta. Nag-aagawan noon sa kapangyarihan ang Asirya, Babilonya, at Ehipto. Mga 93 taon bago maging propeta si Jeremias, tinalo ng Asirya ang sampung-tribong kaharian ng Israel sa hilaga at ipinatapon ang marami sa mga mamamayan nito. Ipinagtanggol noon ni Jehova ang Jerusalem at ang tapat na hari nitong si Hezekias mula sa mga Asiryano. Malamang na pamilyar ka sa makahimalang pagpuksa ng Diyos sa 185,000 kalabang sundalo. (2 Hari 19:32-36) Isa sa mga anak ni Hezekias ay si Manases. Malamang na sa panahon ng 55-taóng paghahari ni Manases isinilang si Jeremias. Hawak noon ng Asirya ang Juda.—2 Cro. 33:10, 11.
5 Isinulat ni Jeremias ang mga aklat ng 1 at 2 Hari, at binanggit dito na muling itinayo ni Manases ang matataas na dakong ibinagsak ng kaniyang ama. Nagtayo si Manases ng mga altar para kay Baal at sa mga hukbo ng langit, maging sa mismong templo ni Jehova. Nagbubo si Manases ng maraming dugong walang sala. Ultimong anak niya ay inihandog niya sa diyus-diyosan bilang haing sinusunog! “Ginawa niya nang lansakan ang masama sa paningin ni Jehova.” Dahil sa talamak na kasamaan, itinakda ng Diyos ang Jerusalem at Juda sa kapahamakan, gaya ng sinapit ng Samaria at Israel. (2 Hari 21:1-6, 12-16) Pagkamatay ni Manases, ang anak naman niyang si Amon ang naging promotor ng idolatriya. Pero mag-iiba ang hihip ng hangin. Pagkaraan ng dalawang taon, pinaslang si Amon. Pumalit sa trono ang kaniyang walong-taóng-gulang na anak na si Josias noong 659 B.C.E.
6 Naghari si Josias sa loob ng 31 taon, at sa loob ng panahong iyon, nauungusan na ng Babilonya ang Asirya. Nakita ni Josias na ito ang pagkakataon para makalaya ang Juda sa paniniil ng mga banyaga. Di-tulad ng kaniyang ama at lolo, naging tapat si Josias kay Jehova at gumawa ng malalaking reporma sa pagsamba. (2 Hari 21:19–22:2) Noong ika-12 taon ng paghahari ni Josias, giniba niya ang matataas na dako, sagradong poste, at imahen ng mga diyus-diyosan sa buong kaharian, at sa kalaunan, iniutos niyang kumpunihin ang templo ni Jehova. (Basahin ang 2 Cronica 34:1-8.) Noong ika-13 taon ng paghahari ni Josias (647 B.C.E.) inatasan si Jeremias bilang propeta ng Diyos.
Kung isa kang propeta noong panahon ni Jeremias, ano kaya ang madarama mo?
7, 8. (a) Ano ang pagkakaiba ng paghahari ni Josias sa pamamahala nina Manases at Amon? (b) Anong uri ng tao si Josias? (Tingnan ang kahon sa pahina 20.)
7 Habang kinukumpuni ang templo noong ika-18 taon ng paghahari ng mabuting haring si Josias, natagpuan ng mataas na saserdote ang “mismong aklat ng kautusan.” Iniutos ng hari sa kaniyang kalihim na basahin ito. Natanto ni Josias ang kamalian ng kaniyang bayan. Sumangguni siya kay Jehova sa pamamagitan ni propetisa Hulda, at hinimok ang kaniyang mga sakop na sundin ang mga utos ng Diyos. Sinabi ni Hulda kay Josias na magpapasapit si Jehova ng “kapahamakan” sa mga taga-Juda dahil sa kanilang kawalang-katapatan. Pero dahil sa sigasig ni Josias sa tunay na pagsamba, hindi mangyayari ang kapahamakang iyon sa panahon niya.—2 Hari 22:8, 14-20.
8 Ipinagpatuloy ni Josias ang kaniyang kampanya para iligpit ang idolatriya. Sinuyod niya maging ang mga dating teritoryo ng kaharian ng Israel sa hilaga, at ibinagsak ang mataas na dako at altar sa Bethel. Nagsaayos din siya ng napakalaking pagdiriwang ng Paskuwa. (2 Hari 23:4-25) Siguradong ikinatuwa ito ni Jeremias! Pero mahirap baguhin ang mga tao. Sinanay sila ni Manases at Amon sa karima-rimarim na idolatriya, kaya napakahina ng kanilang espirituwalidad. Bagaman may mga reporma si Josias, inutusan ng Diyos si Jeremias na ipamukha sa mga Judio na ang mga diyus-diyosan nila ay kasindami ng kanilang mga lunsod. Ang mga kababayan ni Jeremias ay parang isang taksil na asawa—iniwan nila si Jehova at nagpatutot, o sumamba, sa ibang mga diyos. Inihayag ni Jeremias: “Naglagay kayo ng mga altar na kasindami ng mga lansangan sa Jerusalem para sa kahiya-hiyang bagay, mga altar na paghahandugan ng haing usok para kay Baal.”—Basahin ang Jeremias 11:1-3, 13.
9. Ano ang mga kaganapan sa loob at labas ng bansa noong mga huling taon ng paghahari ni Josias?
9 Walang epekto sa mga Judio ang mensahe ni Jeremias, at wala ring tigil ang mga nakapalibot na bansa sa pag-aagawan ng kapangyarihan. Noong 632 B.C.E., sinakop ng magkaalyadong puwersa ng mga Babilonyo at Medo ang Nineve, ang kabisera ng Asirya. Pagkalipas ng tatlong taon, sumaklolo ang hukbo ni Paraon Neco ng Ehipto sa mga Asiryano. Bagaman hindi binabanggit ng Bibliya kung bakit sinikap ni Josias na itaboy pabalik sa Megido ang hukbo ng mga Ehipsiyo, dito siya malubhang nasugatan na ikinamatay niya. (2 Cro. 35:20-24) Ano kaya ang magiging epekto ng trahedyang ito sa pulitika at relihiyon sa Juda? At anong mga bagong hamon ang naghihintay kay Jeremias?
MGA PAGBABAGO SA JUDA
10. (a) Ano ang pagkakatulad ng panahon natin ngayon sa panahon pagkamatay ni Josias? (b) Bakit ka makikinabang kung pag-aaralan mo ang halimbawa ni Jeremias?
10 Alam mo bang napakalungkot ni Jeremias nang mamatay si Josias? Napighati siya nang husto anupat nanambitan para sa hari. (2 Cro. 35:25) Talaga namang kritikal ang panahong iyon. Namemeligro ang Juda dahil sa pag-aagawan ng Ehipto, Asirya, at Babilonya sa kapangyarihan. At pagkamatay ni Josias, muling nasadlak ang Juda sa idolatriya. Mula noon, naging mahirap na ang sitwasyon para kay Jeremias. Sa ngayon, marami rin tayong nararanasang pagbabago—malaya tayo ngayon, bukas-makalawa pinag-uusig na tayo at ipinagbabawal ang gawain. Hindi natin alam kung sino sa atin ang malalagay sa ganoong sitwasyon. Ano kaya ang gagawin natin? Paano kaya tayo makapananatiling tapat? Makakatulong sa atin ang pagtalakay sa mga hamong napagtagumpayan ni Jeremias.
11. Ano ang nangyari sa Juda pagkamatay ni Josias?
11 Iniluklok ng mamamayan ng Juda ang anak ni Josias na si Jehoahaz, na kilala rin bilang Salum. Tatlong buwan lang siyang namahala dahil pinatalsik siya ni Paraon Neco pagkatapos nitong makipaglaban sa mga Babilonyo, at dinala siya sa Ehipto. Inihayag ni Jeremias na ‘hindi na babalik’ ang hari. (Jer. 22:10-12; 2 Cro. 36:1-4) Pinaupo ni Neco sa trono si Jehoiakim, anak din ni Josias. Malayung-malayo si Jehoiakim sa kaniyang ama. Sa halip na ipagpatuloy ang reporma ni Josias, ibinalik niya ang idolatriya.—Basahin ang 2 Hari 23:36, 37.
12, 13. (a) Ano ang lagay ng espirituwalidad ng Juda noong pasimula ng paghahari ni Jehoiakim? (b) Paano tinrato ng mga Judiong lider ng relihiyon si Jeremias?
12 Nang maghari si Jehoiakim, pinapunta ni Jehova si Jeremias sa templo para hayagang kondenahin ang Juda dahil sa kanilang kasamaan. Palibhasa’y naroon ang templo ni Jehova, iniisip ng mga Judio na walang masamang mangyayari sa kanila. Pero kung hindi sila titigil sa “pagnanakaw, pagpaslang at pangangalunya at pagsumpa nang may kabulaanan at paggawa ng haing usok para kay Baal at pagsunod sa ibang mga diyos,” iiwan ni Jehova ang kaniyang templo. Itatakwil niya ang mapagpaimbabaw na mga sumasamba roon, gaya ng pagtatakwil niya sa tabernakulo sa Shilo noong panahon ng mataas na saserdoteng si Eli. Ang lupain ng Juda ay “magiging isang wasak na dako.” (Jer. 7:1-15, 34; 26:1-6)a Isip-isipin ang lakas ng loob na kailangan ni Jeremias para ihayag ang mensaheng iyan! Malamang na mga prominente at maiimpluwensiyang tao ang nakabangga niya. Kailangan din ng mga kapatid natin ngayon ng lakas ng loob para makapagpatotoo sa lansangan o makipag-usap sa mayayaman at importanteng tao. Pero ito ang tandaan natin: Siguradong tutulungan tayo ni Jehova, kung paanong tinulungan niya si Jeremias.—Heb. 10:39; 13:6.
13 Ano kaya ang magiging reaksiyon ng mga lider ng relihiyon sa Juda sa mensahe ni Jeremias? Ayon sa ulat mismo ng propeta, “sinunggaban [ako] ng mga saserdote at ng mga propeta at ng buong bayan, na sinasabi: ‘Ikaw ay tiyak na mamamatay.’” Nanggagalaiti sila. “Nararapat sa lalaking ito ang hatol na kamatayan.” (Basahin ang Jeremias 26:8-11.) Pero hindi nanaig ang mga kaaway ni Jeremias. Si Jehova ay nasa likod ng propeta. Hindi nagpasindak si Jeremias sa mga kaaway, kahit marami pa sila. At magagawa mo rin iyan.
Ano ang pagkakaiba ng mga kalagayan noong panahon ng paghahari nina Manases, Amon, at Josias? Anong aral ang matututuhan mo sa pagharap ni Jeremias sa kaniyang mabigat na atas?
“ISULAT MO . . . ANG LAHAT NG MGA SALITA”
14, 15. (a) Anong gawain ang pinasimulan ni Jeremias at ng kalihim niyang si Baruc noong ikaapat na taon ng paghahari ni Jehoiakim? (b) Anong uri ng tao si Jehoiakim? (Tingnan ang kahon sa pahina 25.)
14 Noong ikaapat na taon ng paghahari ni Jehoiakim, sinabi ni Jehova kay Jeremias na isulat ang lahat ng salita na sinalita ni Jehova sa kaniya mula noong panahon ni Josias. Kaya idinikta ni Jeremias sa kalihim niyang si Baruc ang lahat ng sinabi sa kaniya ng Diyos sa nakalipas na 23 taon. Sangkot sa kaniyang mensahe ng paghatol ang mga 20 hari at kaharian. Inutusan ni Jeremias si Baruc na basahin nang malakas ang balumbong ito sa bahay ni Jehova. Bakit? “Marahil yaong mga nasa sambahayan ni Juda ay makikinig sa lahat ng kapahamakan na iniisip kong gawin sa kanila,” ang sabi ni Jehova, “upang sila ay manumbalik, bawat isa mula sa kaniyang masamang lakad, at sa gayon ay mapatawad ko nga ang kanilang kamalian at ang kanilang kasalanan.”—Jer. 25:1-3; 36:1-3.
15 Nang basahin ng isang opisyal ng korte ang balumbon kay Jehoiakim, sinira at sinunog iyon ng hari. Pagkatapos, iniutos niyang kunin sina Jeremias at Baruc. “Ngunit iningatan silang nakakubli ni Jehova.” (Basahin ang Jeremias 36:21-26.) Sa sobrang sama ni Jehoiakim, inihayag ni Jehova sa pamamagitan ng kaniyang propeta na ang hari ay ililibing gaya ng “paglilibing sa asnong lalaki.” Siya ay ‘kakaladkarin at itatapon sa labas ng mga pintuang-daan ng Jerusalem.’ (Jer. 22:13-19) Sa tingin mo, hindi kaya sobra naman ang pagkakalarawan ni Jeremias sa hulang ito?
16. Anong magandang mensahe ang inihayag ni Jeremias?
16 Hindi naman puro mensahe ng kapahamakan ang dala ni Jeremias. May mensahe rin siya ng pag-asa. Ililigtas at ibabalik ni Jehova ang isang nalabi ng Israel sa kanilang sariling lupain upang manirahan doon nang tiwasay. Makikipagtipan sa kanila ang Diyos ng isang tipan na “bago” at “namamalagi nang walang takda.” Isusulat niya ang kaniyang kautusan sa kanilang puso. Patatawarin niya sila at hindi na uungkatin ang kanilang mga kasalanan. Bukod diyan, isang inapo ni David ang ‘maglalapat ng katarungan at katuwiran sa lupain.’ (Jer. 31:7-9; 32:37-41; 33:15) Matutupad ang mga hulang ito pagkaraan ng mga dekada at mga siglo, at apektado tayo nito pati na ang ating walang-hanggang kinabukasan. Pero noong panahon ni Jeremias, patuloy ang paglalabanan ng mga kaaway ng Juda.—Basahin ang Jeremias 31:31, 33, 34; Hebreo 8:7-9; 10:14-18.
ANG PAGBANGON NG BABILONYA
17, 18. Ano ang mga kaganapan sa loob at labas ng bansa noong mga huling taon ng paghahari ni Jehoiakim at noong maghari si Zedekias?
17 Noong 625 B.C.E., nagsagupaan ang mga Babilonyo at Ehipsiyo sa Carkemis, malapit sa Ilog Eufrates, mga 600 kilometro sa hilaga ng Jerusalem. Tinalo ni Haring Nabucodonosor ang puwersa ni Paraon Neco. Noon nagwakas ang kapangyarihan ng Ehipto sa rehiyon. (Jer. 46:2) Nang makontrol na ni Nabucodonosor ang Juda, ginawa niyang alipin si Jehoiakim. Pero pagkaraan ng tatlong taon ng pagiging basalyo ni Jehoiakim, nagrebelde ito. (2 Hari 24:1, 2) Noong 618 B.C.E., nilusob ni Nabucodonosor at ng kaniyang hukbo ang Juda at pinalibutan ang Jerusalem. Isip-isipin kung gaano kahirap ang panahong iyon, maging para sa propeta ng Diyos na si Jeremias. Lumilitaw na namatay si Jehoiakim habang kinukubkob ang Jerusalem.b Ang anak niyang si Jehoiakin ay sumuko sa mga Babilonyo matapos ang tatlong buwan lamang na paghahari. Sinimot ni Nabucodonosor ang yaman ng Jerusalem at dinalang bihag si Jehoiakin, ang mga pamilya ng hari at ng mga taong mahal ng Juda, ang mga mandirigma ng bansa, at ang mga bihasang manggagawa. Kabilang sina Daniel, Hananias, Misael, at Azarias sa mga binihag.—2 Hari 24:10-16; Dan. 1:1-7.
18 Iniluklok ngayon ni Nabucodonosor ang isa pang anak ni Josias, si Zedekias, bilang hari ng Juda. Siya ang magiging huling makalupang hari mula sa angkan ni David. Nagwakas ang kaniyang paghahari nang mawasak ang Jerusalem at ang templo nito noong 607 B.C.E. (2 Hari 24:17) Pero sa loob ng 11-taóng paghahari ni Zedekias, punô ng kaligaligan at tensiyon ang Juda. Talagang walang ibang masasandalan si Jeremias kundi ang Isa na nag-atas sa kaniya bilang propeta.
19. Ano ang reaksiyon ng mga kababayan ni Jeremias sa kaniyang mensahe? Bakit ka dapat maging interesado dito?
19 Isipin mong ikaw si Jeremias. Nasaksihan niya ang kaligaligan sa Juda at ang paghina ng espirituwalidad nito mula pa noong panahon ni Josias. Pero alam niyang lalalâ pa ito. Sinabi sa kaniya ng mga kababayan niya: “Huwag kang manghula sa pangalan ni Jehova, upang hindi ka mamatay sa aming kamay.” (Jer. 11:21) Bagaman nagkatotoo ang mga hula ni Jeremias, sinabi ng mga Judio: “Kung tungkol sa salita na sinalita mo sa amin sa pangalan ni Jehova, hindi kami makikinig sa iyo.” (Jer. 44:16) Pero buhay ang nakataya, at ganiyan din ngayon. Ang mensaheng ipinangangaral mo ay galing din kay Jehova. Magiging mas masigasig ka kapag pinag-aralan mo kung paano pinrotektahan ni Jehova ang kaniyang propeta noong malapit nang bumagsak ang Jerusalem.
Ano ang matututuhan natin sa saloobin ni Jeremias noong naghahari si Jehoiakim? Anong mahalagang hula na inihayag ni Jeremias ang may katuparan hanggang sa ating panahon?
MGA HULING ARAW NG ISANG DINASTIYA
20. Bakit nahirapan si Jeremias noong si Zedekias ang hari? (Tingnan ang kahon sa pahina 29.)
20 Marahil ang pinakamahirap para kay Jeremias ay ang panahon ng paghahari ni Zedekias. Katulad ng kaniyang mga sinundan, si Zedekias ay ‘patuloy na gumawa ng masama sa paningin ni Jehova.’ (Jer. 52:1, 2) Kontrolado siya ng Babilonya, at obligado siyang magpasakop sa hari ng Babilonya dahil pinasumpa siya ni Nabucodonosor sa pangalan ni Jehova. Pero nang maglaon, nagrebelde si Zedekias. At pinilit si Jeremias ng mga sumasalansang sa kaniya na suportahan ang rebelyon.—2 Cro. 36:13; Ezek. 17:12, 13.
21-23. (a) Anong magkaibang paksiyon ang makikita sa Juda noong paghahari ni Zedekias? (b) Ano ang naging trato kay Jeremias dahil sa kaniyang paninindigan? Bakit ka dapat maging interesado dito?
21 Lumilitaw na noong pasimula ng paghahari ni Zedekias, nagpadala ng mga mensahero ang mga hari ng Edom, Moab, Ammon, Tiro, at Sidon sa Jerusalem. Marahil, gusto nilang isama si Zedekias sa isang koalisyon laban kay Nabucodonosor. Pero hinimok ni Jeremias si Zedekias na magpasakop sa Babilonya. At para ipakita sa mga mensaherong iyon na dapat ding magpasakop sa Babilonya ang kani-kanilang bansa, binigyan sila ni Jeremias ng mga pamatok. (Jer. 27:1-3, 14)c Pinag-initan ng mga tao si Jeremias dahil sa mensahe niya, at ginatungan pa ito ng bulaang propetang si Hananias. Ayon kay Hananias, sinabi ng Diyos na hindi magtatagumpay ang Babilonya. Pero sinabi ni Jehova kay Jeremias na sa loob ng isang taon, mamamatay ang impostor na si Hananias. At iyon nga ang nangyari.—Jer. 28:1-3, 16, 17.
22 Hati ngayon ang Juda—may mga gustong magpasakop sa Babilonya at may mga gustong magrebelde. Noong 609 B.C.E., humingi si Zedekias ng suporta sa Ehipto para sa kaniyang pagrerebelde. Nakikipagmatigasan kay Jeremias ang mga taong naghihimagsik at nag-aalab ang pagkamakabayan. (Jer. 52:3; Ezek. 17:15) Bumalik sa Juda si Nabucodonosor at ang kaniyang puwersa para sugpuin ang paghihimagsik. Nilupig niya ang lahat ng lunsod ng Juda at muling kinubkob ang Jerusalem. Sa kritikal na panahong ito, inihayag ni Jeremias kay Zedekias at sa mga sakop nito na babagsak ang Jerusalem sa kamay ng mga Babilonyo. Kamatayan ang naghihintay sa mga mananatili sa lunsod. Mananatili namang buháy ang mga susuko sa mga Caldeo.—Basahin ang Jeremias 21:8-10; 52:4.
23 Sinasabi ng mga prinsipe ng Juda na traydor si Jeremias dahil kampi siya sa Babilonya. Nang itanggi niya ito, sinaktan siya ng mga prinsipe at ikinulong. (Jer. 37:13-15) Pero walang plano si Jeremias na pagaanin ang mensahe ni Jehova. Kaya hinikayat ng mga prinsipe si Zedekias na ipapatay si Jeremias. Itinapon nila si Jeremias sa isang imbakang-tubig na punô ng lusak para doon na siya mamatay. Pero sinaklolohan siya ni Ebed-melec, isang Etiope na naglilingkod sa bahay ng hari. (Jer. 38:4-13) Sa ngayon, madalas malagay sa peligro ang buhay ng mga lingkod ni Jehova dahil hindi nila maatim na masangkot sa pulitika. Talagang mapapatibay ka ng karanasan ni Jeremias na mapagtagumpayan ang mga pagsubok sa iyong pananampalataya.
24. Ilarawan ang mga pangyayari noong 607 B.C.E.
24 Sa wakas, noong 607 B.C.E., napasok ng mga Babilonyo ang Jerusalem, at bumagsak ang lunsod. Sinunog ng hukbo ni Nabucodonosor ang templo ni Jehova, giniba ang mga pader ng lunsod, at pinatay ang mga maharlika ng Juda. Sinubukan ni Zedekias na tumakas, pero nahuli siya at dinala kay Nabucodonosor. Pinatay sa harap ni Zedekias ang mga anak niya, saka siya binulag ni Nabucodonosor, iginapos, at dinala sa Babilonya. (Jer. 39:1-7) Oo, nagkatotoo ang mga sinabi ni Jeremias tungkol sa Juda at Jerusalem. Pero sa halip na magsaya, tumangis ang propeta ng Diyos sa sinapit ng kaniyang bayan. Mababasa natin sa aklat ng Mga Panaghoy ang kaniyang damdamin. Dapat tayong maantig habang binabasa natin ang aklat na ito.
KALAGAYAN NG MGA NAIWAN SA JUDA
25, 26. (a) Ano ang mga kaganapan pagkatapos bumagsak ang Jerusalem? (b) Ano ang naging reaksiyon ng mga kababayan ni Jeremias sa kaniyang mensahe matapos bumagsak ang Jerusalem?
25 Nasaan si Jeremias habang nangyayari ang mga ito? Ipinakulong siya ng mga prinsipe ng Jerusalem, pero naging mabait sa kaniya ang manlulupig na mga Babilonyo at pinalaya siya. Pagkaraan, napasama si Jeremias sa ilang mga Judio na dinalang bihag, at muli, napalaya siya. Marami pa siyang atas na gagampanan; kailangan ng mga nakaligtas ang tulong niya. Inatasan ni Nabucodonosor si Gedalias bilang gobernador sa nasakop na lupain. Nangako ang hari ng Babilonya na magiging mapayapa ang buhay ng mga naiwang Judio hangga’t nagpapasakop sila sa hari. Pero pinatay ng mga reklamador na Judio si Gedalias. (Jer. 39:13, 14; 40:1-7; 41:2) Hinimok ni Jeremias ang mga naiwang Judio na manatili sa lupain at huwag matakot sa hari ng Babilonya. Pero sinabi ng kanilang mga pinuno na sinungaling si Jeremias. Tumakas ang mga ito patungong Ehipto at sapilitang isinama sina Jeremias at Baruc. Gayunman, inihula ni Jeremias na lulusubin at lulupigin din ni Nabucodonosor ang Ehipto at mapapahamak ang mga Judio na nanganlong doon.—Jer. 42:9-11; 43:1-11; 44:11-13.
26 Hindi na naman nakinig ang mga kababayan ni Jeremias sa tunay na propeta ng Diyos. Bakit? Nangatuwiran sila: “Mula nang panahong maglubay kami sa paggawa ng haing usok para sa ‘reyna ng langit’ at sa pagbubuhos ng mga handog na inumin para sa kaniya ay kinulang na kami sa lahat ng bagay, at sa pamamagitan ng tabak at ng taggutom ay dumating kami sa aming katapusan.” (Jer. 44:16, 18) Talagang napakahina ng espirituwalidad ng mga kababayan ni Jeremias! Sa kabilang dako, nakapagpapatibay na malaman na makapananatiling tapat kay Jehova ang isang di-sakdal na tao kahit pa napapaligiran siya ng mga walang pananampalataya.
27. Ano ang alam natin tungkol sa mga huling bahagi ng buhay ni propeta Jeremias?
27 Ang huling pangyayari na iniulat ni Jeremias—ang paglaya ni Jehoiakin mula sa kamay ng kahalili ni Nabucodonosor na si Evil-merodac—ay naganap noong 580 B.C.E. (Jer. 52:31-34) Mga 90 taon na noon si Jeremias. Walang malinaw na ulat tungkol sa kamatayan niya. Malamang na nanirahan siya noon sa Ehipto at namatay nang tapat matapos ang mga 67 taon ng pantanging paglilingkod kay Jehova. Naglingkod siya noong panahong itinataguyod ang tunay na pagsamba at noong maging laganap ang apostasya. Nakinig sa kaniya ang mga may-takot sa Diyos. Pero mas marami ang tumanggi sa kaniyang mensahe, at naging marahas pa nga sa kaniya. Bigo ba si Jeremias? Hinding-hindi! Sa simula pa lang, sinabi na sa kaniya ni Jehova: “Tiyak na makikipaglaban sila sa iyo, ngunit hindi sila mananaig laban sa iyo, sapagkat ‘Ako ay sumasaiyo.’” (Jer. 1:19) Ang ating atas bilang mga Saksi ni Jehova ngayon ay gaya ng kay Jeremias. Kaya aasahan natin na gayon din ang magiging reaksiyon ng mga tao sa ating mensahe. (Basahin ang Mateo 10:16-22.) Kung gayon, anong aral ang matututuhan natin mula kay Jeremias, at ano ang dapat na maging saloobin natin sa ating ministeryo? Talakayin natin ang mga ito.
Ano ang nangyari kay Zedekias at sa kaniyang mga sakop na hindi nakinig sa mensahe ni Jeremias? Ano ang masasabi mo tungkol kay Jeremias?
a Iniisip ng ilan na iisa ang tinutukoy na pangyayari sa Jeremias 7:1-15 at 26:1-6 dahil sa pagkakatulad ng nilalaman nito.
b Sinasabi ng Daniel 1:1, 2 na ibinigay si Jehoiakim sa kamay ni Nabucodonosor noong ikatlong taon ng paghahari ni Jehoiakim, lumilitaw na ikatlong taon ng pagiging basalyo nito. Kaya maaaring namatay ang hari noong panahon ng pagkubkob na tumapos sa rebelyon. Iniulat ni Josephus na pinatay ni Nabucodonosor si Jehoiakim at basta na lang ipinahagis ang bangkay nito sa labas ng pader ng Jerusalem. Pero hindi iniulat ng Bibliya kung paano natupad ang hula tungkol sa kamatayan ni Jehoiakim.—Jer. 22:18, 19; 36:30.
c Ang pagbanggit kay Jehoiakim sa Jeremias 27:1 ay maaaring pagkakamali ng isang tagakopya, dahil si Zedekias ang binabanggit sa talata 3 at 12.