Jeremias
25 Ang salita na dumating kay Jeremias tungkol sa buong bayan ng Juda noong ikaapat na taon ng anak ni Josias na si Jehoiakim,+ na hari ng Juda, at unang taon ni Haring Nabucodonosor* ng Babilonya. 2 Ito ang sinabi ng propetang si Jeremias tungkol sa* buong bayan ng Juda at sa lahat ng nakatira sa Jerusalem:
3 “Mula nang ika-13 taon ng anak ni Amon na si Josias,+ na hari ng Juda, hanggang sa araw na ito, sa loob ng 23 taon, dumarating sa akin ang salita ni Jehova, at nakikipag-usap ako sa inyo nang paulit-ulit,* pero ayaw ninyong makinig.+ 4 At isinusugo ni Jehova sa inyo ang lahat ng lingkod niyang propeta nang paulit-ulit,* pero ayaw ninyong makinig o magbigay-pansin.+ 5 Sinasabi nila, ‘Pakisuyo, manumbalik kayo at iwan ninyo ang inyong masamang landasin at masasamang ginagawa;+ at patuloy kayong titira nang mahabang panahon sa lupain na ibinigay noon ni Jehova sa inyo at sa mga ninuno ninyo. 6 Huwag kayong sumunod sa ibang mga diyos o maglingkod sa kanila o yumukod sa kanila, at huwag ninyo akong galitin sa pamamagitan ng gawa ng mga kamay ninyo; kung hindi ay magpapasapit ako sa inyo ng kapahamakan.’
7 “‘Pero ayaw ninyong makinig sa akin,’ ang sabi ni Jehova. ‘Sa halip, ginalit ninyo ako sa pamamagitan ng gawa ng mga kamay ninyo, sa ikapapahamak ninyo.’+
8 “Kaya ito ang sinabi ni Jehova ng mga hukbo, ‘“Dahil ayaw ninyong sumunod sa mga salita ko, 9 tatawagin ko ang lahat ng pamilya sa hilaga,”+ ang sabi ni Jehova, “tatawagin ko si Haring Nabucodonosor* ng Babilonya, na lingkod ko,+ at isusugo ko sila laban sa lupaing ito+ at laban sa mga nakatira dito at laban sa lahat ng bansang ito sa palibot.+ Pupuksain ko sila at gagawing nakapangingilabot at isang bagay na sisipulan, at magiging wasak ang mga ito magpakailanman. 10 Wawakasan ko ang kanilang hiyaw ng pagbubunyi at hiyaw ng pagsasaya,+ ang tinig ng lalaking ikakasal at ang tinig ng babaeng ikakasal,+ ang ingay ng gilingang pangkamay at ang liwanag ng lampara. 11 At ang buong lupaing ito ay mawawasak at magiging nakapangingilabot, at ang mga bansang ito ay maglilingkod nang 70 taon sa hari ng Babilonya.”’+
12 “‘Pero pagkatapos ng 70 taon+ ay pananagutin* ko ang hari ng Babilonya at ang bansang iyon sa kasalanan nila,’+ ang sabi ni Jehova, ‘at gagawin kong tiwangwang ang lupain ng mga Caldeo magpakailanman.+ 13 Pasasapitin ko sa lupaing iyon ang lahat ng sinabi ko laban doon, ang lahat ng nakasulat sa aklat na ito na inihula ni Jeremias laban sa lahat ng bansa. 14 Dahil maraming bansa at dakilang hari+ ang aalipin sa kanila,+ at pagbabayarin ko sila sa mga ginawa nila at sa gawa ng mga kamay nila.’”+
15 Dahil ito ang sinabi sa akin ni Jehova na Diyos ng Israel: “Kunin mo sa kamay ko ang kopang ito ng alak ng galit, at ipainom mo ito sa lahat ng bansa na pagsusuguan ko sa iyo. 16 At iinom sila at magpapasuray-suray at kikilos na parang baliw dahil sa espadang isusugo ko sa kanila.”+
17 Kaya kinuha ko ang kopa sa kamay ni Jehova at pinainom ko ang lahat ng bansa na pinagsuguan sa akin ni Jehova:+ 18 pasimula sa Jerusalem at sa mga lunsod ng Juda,+ ang mga hari niya at matataas na opisyal, para ipahamak sila at gawing nakapangingilabot, isang bagay na sisipulan at susumpain,+ gaya ng kalagayan nila ngayon; 19 pagkatapos ay ang Paraon na hari ng Ehipto at ang mga lingkod niya, ang kaniyang matataas na opisyal, at ang buong bayan niya,+ 20 at ang lahat ng dayuhang kasama nila; ang lahat ng hari sa lupain ng Uz; ang lahat ng hari sa lupain ng mga Filisteo,+ ng Askelon,+ Gaza, Ekron, at ang mga natira sa Asdod; 21 ang Edom,+ ang Moab,+ at ang mga Ammonita;+ 22 ang lahat ng hari ng Tiro, ang lahat ng hari ng Sidon,+ at ang mga hari sa isla sa karagatan; 23 ang Dedan,+ ang Tema, ang Buz, at ang lahat ng pinutulan ng patilya;+ 24 ang lahat ng hari ng mga Arabe+ at ang lahat ng hari ng mga dayuhang nakatira sa ilang; 25 ang lahat ng hari ng Zimri, ang lahat ng hari ng Elam,+ at ang lahat ng hari ng mga Medo;+ 26 at ang lahat ng hari ng hilaga sa malapit at sa malayo, sunod-sunod, at ang lahat ng iba pang kaharian na nasa ibabaw ng lupa; at ang hari ng Sesac*+ ay iinom pagkatapos nila.
27 “At sabihin mo sa kanila, ‘Ito ang sinabi ni Jehova ng mga hukbo, ang Diyos ng Israel: “Uminom kayo at magpakalasing at sumuka at mabuwal hanggang sa hindi na makabangon,+ dahil sa espadang isusugo ko sa inyo.”’ 28 At kung ayaw nilang kunin ang kopa sa kamay mo para uminom, sabihin mo sa kanila, ‘Ito ang sinabi ni Jehova ng mga hukbo: “Inumin ninyo ito! 29 Kung ang lunsod na tinatawag sa pangalan ko ay pinarusahan ko,+ kayo ba ay hindi mapaparusahan?”’+
“‘Hindi kayo makaliligtas sa parusa, dahil magsusugo ako ng isang espada laban sa lahat ng nakatira sa lupa,’ ang sabi ni Jehova ng mga hukbo.
30 “At ihula mo sa kanila ang lahat ng salitang ito, at sabihin mo sa kanila,
‘Mula sa kaitaasan ay uungal si Jehova,
At mula sa kaniyang banal na tirahan ay iparirinig niya ang kaniyang tinig.
Uungal siya nang malakas laban sa kaniyang tahanan.
Sisigaw siya na gaya ng mga tumatapak sa pisaan ng ubas
At aawit ng awit ng tagumpay laban sa lahat ng nakatira sa lupa.’
31 ‘Isang ingay ang makakarating sa mga dulo ng lupa,
Dahil si Jehova ay may usapin sa mga bansa.
Siya mismo ang hahatol sa lahat ng tao.*+
At ang masasama ay ibibigay niya sa espada,’ ang sabi ni Jehova.
32 Ito ang sinabi ni Jehova ng mga hukbo:
‘Isang kapahamakan ang lumalaganap sa mga bansa,+
At isang malakas na unos ang pakakawalan mula sa pinakamalalayong bahagi ng lupa.+
33 “‘At ang mapapatay ni Jehova sa araw na iyon ay mula sa isang dulo ng lupa hanggang sa kabilang dulo ng lupa. Hindi sila hahagulgulan o titipunin o ililibing. Magiging gaya sila ng dumi sa ibabaw ng lupa.’
34 Humagulgol kayo at humiyaw, kayong mga pastol!
Gumulong kayo sa alabok, kayong mariringal sa kawan,
Dahil ang oras ng pagpatay sa inyo at ng pagpapangalat sa inyo ay dumating na,
At babagsak kayong gaya ng mamahaling sisidlan!
35 Walang matakasan ang mga pastol,
At walang matakbuhan ang mariringal sa kawan.
36 Makinig kayo! Humihiyaw ang mga pastol,
At humahagulgol ang mariringal sa kawan,
Dahil winawasak ni Jehova ang pastulan nila.
37 At ang mapayapang mga tirahan ay nawalan ng buhay
Dahil sa nag-aapoy na galit ni Jehova.