Ikalawang Liham sa mga Taga-Corinto
9 Ngayon, may kinalaman sa paglilingkod sa mga banal,+ hindi ko na talaga kailangang sumulat sa inyo, 2 dahil alam kong handa kayong tumulong, at ipinagmamalaki ko sa mga taga-Macedonia na isang taon nang nakahanda ang Acaya, at ang buong-pusong pagsisikap ninyo ay nagpakilos sa karamihan sa kanila. 3 Pero papupuntahin ko riyan ang mga kapatid para talagang maging handa kayo gaya ng sinabi ko tungkol sa inyo at para mapatunayan na gusto ninyong tumulong gaya ng ipinagmamalaki namin. 4 Dahil kung sasama sa akin ang mga taga-Macedonia sa pagpunta riyan at maabutan kayong hindi handa, mapapahiya kami—pero pati kayo—dahil sa pagtitiwala namin sa inyo. 5 Kaya naisip kong kailangan kong himukin ang mga kapatid na maunang pumunta sa inyo para maihanda nang patiuna ang bukal-sa-pusong kontribusyon na ipinangako ninyo; sa gayon, ito ay magiging isang regalo na ibinigay nang bukal sa puso at hindi sapilitan.
6 Pero may kinalaman dito, ang naghahasik ng kaunti ay mag-aani rin ng kaunti, at ang naghahasik ng marami ay mag-aani rin ng marami.+ 7 Magbigay ang bawat isa nang mula sa puso, hindi mabigat sa loob o napipilitan,+ dahil mahal ng Diyos ang masayang nagbibigay.+
8 Isa pa, magagawa ng Diyos na ibuhos sa inyo ang kaniyang walang-kapantay na kabaitan para hindi kayo magkulang sa mga pangangailangan ninyo at managana rin kayo sa anumang kinakailangan para sa bawat mabuting gawa.+ 9 (Gaya ng nasusulat: “Namahagi siya sa marami; nagbigay siya sa mga dukha. Ang katuwiran* niya ay mananatili magpakailanman.”+ 10 Ngayon, ang Isa na saganang naglalaan ng binhi sa manghahasik at ng tinapay na makakain ay saganang maglalaan sa inyo ng binhing ihahasik, at pararamihin niya ang mga bunga ng inyong katuwiran.) 11 Pinagpapala kayo sa lahat ng bagay para maging bukas-palad kayo sa iba’t ibang paraan, at magpapasalamat ang mga tao sa Diyos dahil sa kontribusyon ninyo na dadalhin namin; 12 dahil ang pangmadlang paglilingkod na ito ay hindi lang pupuno sa pangangailangan ng mga banal+ kundi mag-uudyok din sa marami na magpasalamat sa Diyos. 13 Ang pagbibigay ninyo ng tulong ay patunay kung anong uri kayo ng mga tao, at bilang resulta, luluwalhatiin nila ang Diyos dahil isinasabuhay ninyo ang mensaheng ipinangangaral ninyo, ang mabuting balita tungkol sa Kristo, at dahil bukas-palad kayong nagbigay sa kanila at sa lahat ng iba pa.+ 14 At mamahalin nila kayo at magsusumamo sila para sa inyo, dahil sa walang-kapantay* na kabaitan ng Diyos sa inyo.
15 Salamat sa Diyos dahil sa kaniyang walang-bayad na regalo na hindi mailarawan ng mga salita.