Ikalawang Cronica
14 Pagkatapos, si Abias ay namatay,* at inilibing nila siya sa Lunsod ni David;+ at ang anak niyang si Asa ang naging hari kapalit niya. Noong panahon niya, mapayapa sa lupain sa loob ng 10 taon.
2 Ginawa ni Asa ang mabuti at tama sa paningin ng Diyos niyang si Jehova. 3 Inalis niya ang altar ng mga banyaga+ at ang matataas na lugar, pinagdurog-durog ang mga sagradong haligi,+ at pinagpuputol ang mga sagradong poste.*+ 4 Sinabi rin niya sa Juda na hanapin si Jehova na Diyos ng mga ninuno nila at sundin ang Kautusan at ang mga batas. 5 Inalis niya sa lahat ng lunsod ng Juda ang matataas na lugar at ang mga patungan ng insenso,+ at sa pamamahala niya, ang kaharian ay nanatiling payapa. 6 Nagtayo siya ng mga napapaderang* lunsod sa Juda,+ dahil mapayapa sa lupain at walang nakikipagdigma sa kaniya nang mga panahong iyon; binigyan siya ni Jehova ng kapahingahan.+ 7 Sinabi niya sa Juda: “Itayo natin ang mga lunsod na ito at palibutan natin ng mga pader at tore,+ mga pintuang-daan* at mga halang. Sa atin pa rin ang lupain dahil hinanap natin ang Diyos nating si Jehova. Hinanap natin siya, at binigyan niya tayo ng kapahingahan sa buong palibot.” Kaya nagtagumpay sila sa pagtatayo.+
8 Si Asa ay may 300,000 mandirigma mula sa Juda na may malalaking kalasag at mga sibat at 280,000 malalakas na mandirigma mula sa Benjamin na may dalang mga pansalag* at pana.*+
9 Nang maglaon, hinarap sila ni Zera na Etiope kasama ang hukbo ng 1,000,000 lalaki at 300 karwahe.+ Nang makarating siya sa Maresa,+ 10 hinarap siya ni Asa at humanay sila sa Lambak ng Zepata sa Maresa para makipagdigma. 11 Pagkatapos, tumawag si Asa sa Diyos niyang si Jehova:+ “O Jehova, matutulungan mo kahit sino, marami man sila o mahina.+ Diyos naming Jehova, tulungan mo kami, dahil umaasa* kami sa iyo,+ at lalaban kami sa malaking hukbong ito sa ngalan mo.+ O Jehova, ikaw ang Diyos namin. Huwag mong hayaang matalo ka ng hamak na tao.”+
12 Kaya tinalo ni Jehova ang mga Etiope sa harap ni Asa at ng Juda, at tumakas ang mga Etiope.+ 13 Hinabol sila ni Asa at ng bayang kasama niya hanggang sa Gerar,+ at patuloy nilang pinabagsak ang mga Etiope hanggang sa wala nang matirang buháy, dahil dinurog sila ni Jehova at ng kaniyang hukbo. Pagkatapos, kumuha sila ng napakaraming samsam. 14 Pinabagsak din nila ang lahat ng lunsod sa palibot ng Gerar; takot na takot ang mga ito kay Jehova. At kumuha sila ng mga samsam mula sa lahat ng lunsod, dahil maraming makukuha sa mga ito. 15 Sinalakay rin nila ang mga tolda ng mga may alagang hayop, at kumuha sila ng napakaraming kawan at kamelyo; pagkatapos, bumalik sila sa Jerusalem.