Ezekiel
9 At narinig kong nagsalita siya nang malakas: “Tipunin ang mga maglalapat ng parusa sa lunsod, na hawak ang kani-kaniyang sandata sa pagpuksa!”
2 May nakita akong dumarating na anim na lalaki mula sa mataas na pintuang-daan+ na nakaharap sa hilaga, at hawak ng bawat isa ang kani-kaniyang sandatang pandurog; may kasama silang isang lalaki na nakasuot ng lino at may tintero ng kalihim* sa baywang. Pumasok sila at tumayo sa tabi ng tansong altar.+
3 At ang kaluwalhatian ng Diyos ng Israel+ ay pumaitaas mula sa ibabaw ng mga kerubin at lumipat sa may pinto ng bahay,+ at tinawag niya ang lalaking nakasuot ng lino at may tintero ng kalihim sa baywang. 4 Sinabi ni Jehova sa kaniya: “Lumibot ka sa lunsod, sa Jerusalem, at markahan mo sa noo ang mga taong nagbubuntonghininga at dumaraing+ dahil sa lahat ng kasuklam-suklam na bagay na ginagawa sa lunsod.”+
5 At narinig kong sinabi niya sa iba pa: “Sundan ninyo siya sa paglibot sa lunsod at pabagsakin ang mga tao. Huwag kayong maaawa,* at huwag kayong mahahabag.+ 6 Lipulin ninyo ang mga matandang lalaki, binata, dalaga, maliit na bata, at babae.+ Pero huwag kayong lalapit sa sinumang may marka.+ Magsimula kayo sa santuwaryo ko.”+ Kaya nagsimula sila sa matatandang lalaki na nasa harap ng bahay.+ 7 Sinabi pa niya sa kanila: “Dungisan ninyo ang bahay at punuin ng mga pinatay ang mga looban.+ Humayo kayo!” Kaya umalis sila at pinabagsak ang mga tao sa lunsod.
8 Habang pinababagsak nila ang mga tao, ako lang ang natira, at sumubsob ako at humiyaw: “O Kataas-taasang Panginoong Jehova! Lilipulin mo ba ang lahat ng natira sa Israel habang ibinubuhos ang iyong galit sa Jerusalem?”+
9 Sinabi niya: “Talagang napakalaki ng kasalanan ng sambahayan ng Israel at ng Juda.+ Dumadanak ang dugo sa lupain,+ at ang lunsod ay punô ng kasamaan.+ Dahil sinasabi nila, ‘Iniwan na ni Jehova ang lupain, at walang nakikita si Jehova.’+ 10 Kaya hindi ako maaawa;* hindi rin ako mahahabag.+ Ibabalik ko sa kanila ang bunga ng landasin nila.”
11 At nakita kong bumalik ang lalaking nakasuot ng lino at may tintero sa baywang, at sinabi niya: “Nagawa ko na ang iniutos mo.”