Genesis
17 Noong si Abram ay 99 na taóng gulang, si Jehova ay nagpakita kay Abram at nagsabi: “Ako ang Diyos na Makapangyarihan-sa-Lahat. Lumakad ka nang tapat sa harap ko at ipakita mong wala kang pagkukulang.* 2 At makikipagtipan ako sa iyo,+ at bibigyan kita ng napakaraming supling.”+
3 Dahil dito, sumubsob si Abram, at ang Diyos ay patuloy na nakipag-usap sa kaniya: 4 “May pakikipagtipan ako sa iyo,+ at ikaw ay tiyak na magiging ama ng maraming bansa.+ 5 Ang pangalan mo ay hindi na Abram;* ang pangalan mo ay magiging Abraham,* dahil gagawin kitang ama ng maraming bansa. 6 Bibigyan kita ng napakaraming supling at pagmumulan ka ng mga bansa, at pagmumulan ka ng mga hari.+
7 “At tutuparin ko ang tipan ko sa iyo+ at sa magiging supling* mo hanggang sa susunod pang mga henerasyon bilang isang walang-hanggang tipan, para maging Diyos ako sa iyo at sa magiging supling* mo. 8 At ibibigay ko sa iyo at sa magiging mga supling* mo ang lupain kung saan ka nanirahan bilang dayuhan+—ang buong lupain ng Canaan—para maging pag-aari ninyo magpakailanman, at ako ay magiging Diyos ninyo.”+
9 Sinabi pa ng Diyos kay Abraham: “Kung tungkol sa iyo, tuparin mo ang aking tipan, ikaw at ang magiging mga supling* mo hanggang sa susunod pang mga henerasyon. 10 Ito ang tipan ko sa inyo, na dapat mong tuparin at ng magiging mga supling* mo: Ang bawat lalaki sa inyo ay dapat magpatuli.+ 11 Dapat kayong magpatuli, at ito ay magiging tanda ng tipan ko sa inyo.+ 12 Sa lahat ng henerasyon, ang bawat lalaki sa inyo ay dapat tuliin walong araw pagkapanganak sa kaniya,+ sinumang ipinanganak sa sambahayan at sinumang hindi mo supling* na binili mo mula sa banyaga. 13 Ang bawat lalaking ipinanganak sa iyong sambahayan at ang bawat lalaking binili mo ay dapat tuliin,+ at ang tandang ito sa inyong katawan* ay katibayan ng aking pakikipagtipan sa inyo hanggang sa panahong walang takda. 14 At kung ang sinumang lalaki ay hindi magpatuli, papatayin siya.* Sinira niya ang aking tipan.”
15 At sinabi ng Diyos kay Abraham: “Kung tungkol sa iyong asawa na si Sarai,*+ huwag mo na siyang tawaging Sarai, dahil magiging Sara* na ang pangalan niya. 16 Pagpapalain ko siya at bibigyan din kita ng isang anak na lalaki sa pamamagitan niya;+ pagpapalain ko si Sara at pagmumulan siya ng mga bansa; pagmumulan siya ng mga hari.”* 17 Dahil dito, sumubsob si Abraham at nagsimulang tumawa at nagsabi sa kaniyang sarili:+ “Magkakaanak pa ba ang isang lalaki na 100 taóng gulang na, at magsisilang pa ba si Sara, isang babae na 90 taóng gulang na?”+
18 Kaya sinabi ni Abraham sa tunay na Diyos: “O pagpalain mo nawa si Ismael!”+ 19 Pero sinabi ng Diyos: “Tiyak na magkakaroon ka ng isang anak na lalaki sa asawa mong si Sara, at tatawagin mo siyang Isaac.*+ At makikipagtipan ako sa kaniya, at siya at ang mga supling* niya ay makikinabang dito magpakailanman.+ 20 Pero kung tungkol kay Ismael, narinig kita. Pagpapalain ko siya at gagawin ko siyang palaanakin at bibigyan ko siya ng napakaraming supling. Pagmumulan siya ng 12 pinuno, at gagawin ko siyang isang dakilang bansa.+ 21 Pero ako ay makikipagtipan kay Isaac,+ na isisilang ni Sara sa ganito ring panahon sa susunod na taon.”+
22 Nang matapos makipag-usap ang Diyos kay Abraham, pumaitaas ang Diyos mula roon. 23 At kinuha ni Abraham ang anak niyang si Ismael at ang lahat ng lalaking ipinanganak sa sambahayan niya at ang lahat ng binili niya, ang lahat ng lalaki sa sambahayan ni Abraham, at tinuli niya sila nang mismong araw na iyon, gaya ng sinabi ng Diyos sa kaniya.+ 24 Si Abraham ay 99 na taóng gulang nang magpatuli siya.+ 25 At ang anak niyang si Ismael ay 13 taóng gulang nang magpatuli ito.+ 26 Nang mismong araw na iyon, nagpatuli si Abraham at ang anak niyang si Ismael. 27 At nagpatuli rin nang araw na iyon ang lahat ng lalaki sa kaniyang sambahayan, ang sinumang ipinanganak sa sambahayan at ang sinumang binili mula sa banyaga.