Ezekiel
4 “At ikaw, anak ng tao, kumuha ka ng isang laryo* at ilagay mo iyon sa harap mo. Iukit mo roon ang isang lunsod—ang Jerusalem. 2 Kubkubin* mo ang lunsod+ at magtayo ka ng pader na pangubkob,+ gumawa ka ng rampa,+ magtayo ka ng mga kampo, at palibutan mo iyon ng mga panggiba.+ 3 Kumuha ka ng malapad na lutuang bakal at ilagay mo iyon bilang pader na bakal sa pagitan mo at ng lunsod. At titigan mo iyon;* sa ganitong paraan mo ipapakita kung paano kukubkubin ang lunsod. Ito ay isang tanda para sa sambahayan ng Israel.+
4 “At humiga ka sa kaliwang tagiliran mo at dalhin mo* ang pagkakasala ng sambahayan ng Israel.+ Sa mga araw na nakahiga ka nang patagilid ay dadalhin mo ang pagkakasala nila. 5 Kailangan mo itong gawin nang 390 araw, ayon sa mga taon ng pagkakasala nila,+ at dadalhin mo ang pagkakasala ng sambahayan ng Israel. 6 Dapat mong tapusin iyon.
“Pagkatapos, hihiga ka ulit, sa iyong kanang tagiliran naman, at dadalhin mo ang pagkakasala ng sambahayan ng Juda+ nang 40 araw. Isang araw para sa isang taon, isang araw para sa isang taon, ang itinakda ko sa iyo. 7 At titingnan mo ang pagkubkob sa Jerusalem+ nang nakalabas ang bisig mo, at manghuhula ka laban doon.
8 “Igagapos kita ng lubid para hindi ka makabaling sa kabilang tagiliran mo hanggang sa matapos mo ang mga araw ng iyong pagkubkob.
9 “At kumuha ka ng trigo, sebada, habas, lentehas, mijo, at espelta, at ilagay mo ang mga iyon sa isang lalagyan at gawin mong tinapay para sa iyo. Kakainin mo iyon sa mga araw na nakahiga ka nang patagilid, 390 araw.+ 10 Magtitimbang ka ng 20 siklo* ng pagkain, at iyon ang kakainin mo bawat araw. Kakainin mo iyon sa itinakdang mga oras.
11 “At tatakalin mo ang tubig na iinumin mo, sangkanim na hin.* Iinumin mo iyon sa itinakdang mga oras.
12 “Kakainin mo iyon na gaya ng bilog na tinapay na sebada; iluluto mo iyon sa harap nila gamit ang tuyong dumi ng tao bilang panggatong.” 13 Sinabi pa ni Jehova: “Ganito kakainin ng mga Israelita ang tinapay nila—marumi—sa gitna ng mga bansa kung saan ko sila pangangalatin.”+
14 At sinabi ko: “Huwag, Kataas-taasang Panginoong Jehova! Mula pagkabata, hindi pa ako nadumhan dahil sa pagkain ng karne ng hayop na nakitang patay na o ng nilapang hayop,+ at wala pang maruming karne na pumasok sa bibig ko.”+
15 Kaya sinabi niya: “Sige, papayagan kitang gumamit ng dumi ng baka sa halip na dumi ng tao, at lutuin mo ang iyong tinapay sa ibabaw nito.” 16 Sinabi pa niya: “Anak ng tao, aalisin ko ang suplay ng pagkain* sa Jerusalem,+ at kakainin nila nang may pagkabahala ang kanilang tinimbang na rasyon ng tinapay,+ at iinumin nila nang may takot ang kanilang tinakal na rasyon ng tubig.+ 17 At dahil sa kakulangan ng tinapay at tubig, magkakatinginan sila, mangingilabot, at manlulupaypay dahil sa kanilang kasalanan.