DUMI
[sa Ingles, dung].
Ang dumi ng mga tao, mga ibon, at mga hayop ay ginagamitan ng iba’t ibang salita sa mga wika ng Bibliya. Sa Kasulatan, ang dumi ay kadalasang ginagamit sa makasagisag na paraan.
Isang “bukod na dako” o “palikuran” ang ginagamit noon ng mga kawal ng Israel sa labas ng kanilang mga kampo, at dapat nilang takpan ang kanilang dumi. (Deu 23:12-14) Sa ganitong paraan, naingatan ang kalinisan ng hukbo sa harap ni Jehova at nakatulong din ito upang maiwasan ang paglaganap ng mga nakahahawang sakit na dala ng mga langaw.
Ang isa sa mga pintuang-daan ng Jerusalem ay ang “Pintuang-daan ng mga Bunton ng Abo,” na tinatawag na “Pintuang-daan ng Dumi” sa maraming Bibliya. (Ne 2:13; 3:13, 14; 12:31) Ito ay may layong isang libong siko (445 m; 1,458 piye) sa dakong S ng Pintuang-daan ng Libis at samakatuwid ay nasa T ng Bundok Sion. Malamang na ganito ang itinawag sa pintuang-daang ito dahil sa basurang itinatambak sa Libis ng Hinom na nasa ibaba nito at pinatutunguhan nito; posibleng sa pintuang-daan na ito inilalabas ang basura ng lunsod.
Maaaring dumi ang ginamit ng ilang pagala-galang grupo ng mga tao bilang panggatong. Noong isadula ni Ezekiel ang isang makahulang tagpo hinggil sa pagkubkob sa Jerusalem, tumutol siya nang utusan siya ng Diyos na gumamit ng dumi ng tao bilang panggatong sa pagluluto ng tinapay. Bilang konsiderasyon, pinahintulutan naman siya ng Diyos na gumamit na lamang ng dumi ng baka. (Eze 4:12-17) Waring ipinahihiwatig nito na hindi iyon karaniwang ginagawa sa Israel.
Ginagamit noon ang dumi bilang pataba sa lupa. Waring ang dayami at dumi ay pinagsasama sa isang “tapunan ng dumi,” anupat posibleng niyuyurakan ng mga hayop ang dayami upang humalo sa dumi. (Isa 25:10) Ang isang paraan upang gawing mabunga ang puno ng igos ay ‘humukay sa palibot nito at maglagay ng pataba’ o dumi.—Luc 13:8.
Ang dumi ay karaniwan nang itinuturing na nakapandidiri, isang bagay na itinatapon. Idiniriin ito ng pananalita ni Jehova may kinalaman sa suwail na sambahayan ni Haring Jeroboam ng Israel: “Lubos kong papalisin ang sambahayan ni Jeroboam, kung paanong inaalis ng isa ang dumi hanggang sa ito ay maitapon.”—1Ha 14:10.
Isang napakatinding insulto at isang parusa ang gawing palikurang pambayan ang bahay ng isang tao. (Ezr 6:11; Dan 2:5; 3:29) Noong panahon ng pagsubok sa Bundok Carmel upang malaman kung sino ang tunay na Diyos, tinuya ni Elias ang mga propeta ng di-tumutugon na si Baal sa pagsasabi: “Maaaring mayroon siyang pinagkakaabalahan, at siya ay may dumi at kailangan niyang pumaroon sa palikuran.” (1Ha 18:27) Nang maglaon ay iniutos ni Jehu na ibagsak ang bahay ni Baal, at “ibinukod nila iyon bilang mga palikuran.”—2Ha 10:27.
Ang dumi ay ginagamit din bilang simili upang tumukoy sa kahiya-hiyang wakas ng isang indibiduwal o ng isang bansa. (2Ha 9:36, 37; Aw 83:10; Jer 8:1, 2; 9:22; 16:4) Inihula ng Diyos na sa panahon ng kaniyang pakikipagtalo sa mga bansa, ang mga mapapatay ni Jehova ay hindi hahagulhulan, pipisanin, o ililibing, kundi magiging “gaya sila ng dumi sa ibabaw ng lupa.”—Jer 25:31-33; ihambing ang Zef 1:14-18.
Ayon sa Kautusan, ang saserdote ay hindi kakain ng handog ukol sa kasalanan, na ang dugo ay dinadala sa loob ng santuwaryo upang magbayad-sala. Ang bangkay at dumi nito ay susunugin sa isang dakong malinis sa labas ng kampo. (Lev 4:11, 12; 6:30; 16:27) Ito ay dahil hindi dapat gamitin sa ibang paraan o pahintulutang mabulok ang alinmang bahagi ng hayop. Iyon ay “malinis,” samakatuwid nga, pinabanal kay Jehova at sa gayon ay kailangang sunugin sa isang dakong malinis.—Ihambing ang Heb 13:11-13.
Palibhasa’y lubhang pinahalagahan ni Pablo ang espirituwal na mga bagay at ang kaniyang pag-asa kay Kristo, sinabi niya: “Dahil sa kaniya ay tinanggap ko ang kawalan ng lahat ng bagay at itinuturing kong mga basura ang mga iyon, upang matamo ko si Kristo at masumpungang kaisa niya.” (Fil 3:8, 9) Ang salitang Griego rito na isinaling “basura” (skyʹba·lon) ay maaaring tumukoy sa dumi ng tao o hayop o sa mga tira-tira sa isang piging na itinatapon na lamang. Kahit ang nasa isip lamang ng apostol ay ang huling nabanggit na kahulugan, idiniriin ng kaniyang pagturing sa “lahat ng bagay” bilang “basura” ang mataas na pagpapahalaga niya sa pagtatamo kay Kristo at sa pagkasumpong sa kaniya na kaisa nito.—Tingnan ang DUMI NG KALAPATI.