Ezekiel
34 Dumating ulit sa akin ang salita ni Jehova: 2 “Anak ng tao, humula ka laban sa mga pastol ng Israel. Humula ka, at sabihin mo sa mga pastol, ‘Ito ang sinabi ng Kataas-taasang Panginoong Jehova: “Kaawa-awang mga pastol ng Israel,+ na nagpapakain sa sarili nila! Hindi ba ang kawan ang dapat pakainin ng mga pastol?+ 3 Kinakain ninyo ang taba, isinusuot ang lana, at pinapatay ang pinakamatabang hayop,+ pero hindi ninyo pinakakain ang kawan.+ 4 Hindi ninyo pinalakas ang mahina o pinagaling ang maysakit o binendahan ang may bali o ibinalik ang napalayo o hinanap ang nawala;+ sa halip, naging mabagsik at malupit kayo sa kanila.+ 5 Kaya nangalat sila dahil walang pastol;+ nangalat sila at naging pagkain ng bawat mabangis na hayop sa parang. 6 Nagpalaboy-laboy ang aking mga tupa sa lahat ng bundok at bawat mataas na burol; nangalat ang aking mga tupa sa buong lupa, at wala man lang naghahanap sa kanila.
7 “‘“Kaya, kayong mga pastol, pakinggan ninyo ang salita ni Jehova: 8 ‘“Isinusumpa ko, kung paanong buháy ako,” ang sabi ng Kataas-taasang Panginoong Jehova, “dahil ang aking mga tupa ay naging mga biktima, pagkain ng bawat mabangis na hayop sa parang dahil walang pastol, at hindi hinanap ng mga pastol ko ang aking mga tupa, kundi patuloy nilang pinakain ang sarili nila at hindi pinakain ang aking mga tupa,”’ 9 pakinggan ninyo, mga pastol, ang salita ni Jehova. 10 Ito ang sinabi ng Kataas-taasang Panginoong Jehova: ‘Kakalabanin ko ang mga pastol, at mananagot sila dahil sa* aking mga tupa at hindi ko na sila aatasang magpakain* sa aking mga tupa,+ at hindi na pakakainin ng mga pastol ang sarili nila. Ililigtas ko ang aking mga tupa mula sa bibig nila, at ang mga ito ay hindi na nila magiging pagkain.’”
11 “‘Dahil ito ang sinabi ng Kataas-taasang Panginoong Jehova: “Narito ako, at ako mismo ang maghahanap sa aking mga tupa, at aalagaan ko sila.+ 12 Aalagaan ko ang aking mga tupa gaya ng pastol na natagpuan ang nangalat niyang mga tupa at nagpapakain sa mga ito.+ Ililigtas ko ang mga tupa saanman nangalat ang mga ito noong araw ng mga ulap at matinding kadiliman.+ 13 Ilalabas ko sila mula sa mga bayan at titipunin mula sa mga lupain, at dadalhin ko sila sa lupain nila at pakakainin sa mga bundok ng Israel,+ sa tabi ng mga batis at ng lahat ng lugar sa lupaing may nakatira. 14 Pakakainin ko sila sa magandang pastulan, at manginginain sila sa matataas na bundok ng Israel.+ Hihiga sila doon sa madamong lupain+ at manginginain sa magagandang pastulan sa mga bundok ng Israel.”
15 “‘“Ako mismo ang magpapakain sa aking mga tupa,+ at pagpapahingahin ko sila,”+ ang sabi ng Kataas-taasang Panginoong Jehova. 16 “Hahanapin ko ang nawala,+ ibabalik ko ang napalayo, bebendahan ko ang may bali, at palalakasin ko ang mahina; pero ang mataba at ang malakas ay pupuksain ko. Hatol ang ipakakain ko rito.”
17 “‘Kung tungkol sa inyo, aking kawan, ito ang sinabi ng Kataas-taasang Panginoong Jehova: “Malapit na akong humatol sa mga tupa at sa mga lalaking tupa at mga lalaking kambing.+ 18 Hindi pa ba kayo kontento na kumakain kayo sa pinakamagagandang pastulan, kaya kailangan pa ninyong tapak-tapakan ang natirang damo roon? At pagkatapos ninyong uminom sa pinakamalinis na katubigan, tama bang magtampisaw kayo rito at parumihin ito? 19 Manginginain ba ngayon ang aking mga tupa sa pastulan na tinapak-tapakan ninyo, at iinumin ba nila ang tubig na naging marumi dahil sa pagtatampisaw ninyo?”
20 “‘Kaya ito ang sinabi sa kanila ng Kataas-taasang Panginoong Jehova: “Narito ako, at ako mismo ang hahatol sa pagitan ng mataba at payat na tupa, 21 dahil nanggigitgit kayo at sinusuwag ninyo ang lahat ng maysakit hanggang sa mangalat sila sa malalayong lugar. 22 Ililigtas ko ang aking mga tupa, at hindi na sila magiging biktima;+ at ako ang hahatol sa pagitan ng mga tupa. 23 Maglalaan ako sa kanila ng isang pastol,+ ang lingkod kong si David,+ at pakakainin niya sila. Siya mismo ang magpapakain sa kanila at magiging pastol nila.+ 24 At akong si Jehova ang magiging Diyos nila,+ at ang lingkod kong si David ay magiging pinuno nila.+ Ako mismong si Jehova ang nagsalita.
25 “‘“At makikipagtipan ako sa kanila para sa kapayapaan,+ at aalisin ko sa lupain ang mababangis na hayop,+ para makapanirahan sila sa ilang nang panatag at makatulog sa mga gubat.+ 26 Gagawin ko silang pagpapala, pati ang lupain sa palibot ng aking burol,+ at magpapaulan ako sa tamang panahon. Bubuhos ang pagpapala gaya ng ulan.+ 27 Mamumunga ang mga puno sa parang, at magbibigay ng ani ang lupa,+ at maninirahan sila nang panatag sa lupain. At malalaman nila na ako si Jehova kapag binali ko ang mga pamatok nila+ at iniligtas ko sila sa kamay ng mga umaalipin sa kanila. 28 Hindi na sila magiging biktima ng mga bansa, at hindi sila lalapain ng mababangis na hayop sa lupa, at maninirahan sila nang panatag at walang sinumang tatakot sa kanila.+
29 “‘“At bibigyan ko sila ng isang kilalang taniman, at hindi na sila mamamatay dahil sa taggutom sa lupain,+ at hindi na sila hihiyain ng mga bansa.+ 30 ‘At malalaman nila na ako, ang Diyos nilang si Jehova, ay sumasakanila at na sila, ang sambahayan ng Israel, ang bayan ko,’+ ang sabi ng Kataas-taasang Panginoong Jehova.”’
31 “‘At kayo na aking mga tupa,+ ang mga tupa na inaalagaan ko, kayo ay mga tao lang, pero ako ang inyong Diyos,’ ang sabi ng Kataas-taasang Panginoong Jehova.”