Ezekiel
14 At may ilang matatandang lalaki sa Israel na umupo sa harap ko.+ 2 Dumating sa akin ang salita ni Jehova: 3 “Anak ng tao, desidido ang mga lalaking ito na sumunod sa kanilang karima-rimarim na mga idolo,* at naglagay sila ng katitisuran na nagiging dahilan para magkasala ang bayan. Papayagan ko ba silang sumangguni sa akin?+ 4 Sabihin mo sa kanila, ‘Ito ang sinabi ng Kataas-taasang Panginoong Jehova: “Kapag ang isang Israelita ay desididong sumunod sa kaniyang karima-rimarim na mga idolo at naglagay ng katitisuran na nagiging dahilan para magkasala ang bayan, at sumangguni siya sa isang propeta, ako, si Jehova, ay sasagot* sa kaniya ayon sa dami ng kaniyang karima-rimarim na mga idolo. 5 Tatakutin ko ang sambahayan* ng Israel dahil lumayo silang lahat sa akin at sumunod sa kanilang karima-rimarim na mga idolo.”’+
6 “Kaya sabihin mo sa sambahayan ng Israel, ‘Ito ang sinabi ng Kataas-taasang Panginoong Jehova: “Manumbalik kayo, at talikuran ninyo ang inyong karima-rimarim na mga idolo at lahat ng inyong kasuklam-suklam na gawain.+ 7 Dahil kung may isang Israelita o dayuhang naninirahan sa Israel na lumayo sa akin at desididong sumunod sa kaniyang karima-rimarim na mga idolo at naglagay ng katitisuran na nagiging dahilan para magkasala ang bayan, at sumangguni siya sa isang propeta,+ ako mismong si Jehova ang sasagot sa kaniya. 8 Itatakwil ko ang taong iyon at gagawin siyang isang babala at kasabihan, at papatayin ko siya;+ at malalaman ninyo na ako si Jehova.”’
9 “‘Pero kung malinlang ang propeta at magbigay ng sagot, akong si Jehova ang nanlinlang sa kaniya.+ Gagamitin ko ang kapangyarihan* ko para puksain siya mula sa aking bayang Israel. 10 Kailangan nilang pagbayaran ang kasalanan nila; ang kasalanan ng sumasangguni ay gaya rin ng kasalanan ng propeta, 11 para hindi na patuloy na lumayo sa akin ang sambahayan ng Israel at parumihin ang kanilang sarili dahil sa pagsuway. At sila ay magiging bayan ko at ako ang magiging Diyos nila,’+ ang sabi ng Kataas-taasang Panginoong Jehova.”
12 Dumating ulit sa akin ang salita ni Jehova: 13 “Anak ng tao, kung ang isang bansa ay magkasala sa akin dahil nagtaksil sila, gagamitin ko ang kapangyarihan* ko laban sa kanila at aalisin ang kanilang suplay ng pagkain,*+ at pasasapitan ko sila ng taggutom+ at lilipulin ang tao at hayop doon.”+ 14 “‘Kahit naroon ang tatlong lalaking ito—sina Noe,+ Daniel,+ at Job+—sarili lang nila ang maililigtas nila dahil sa kanilang pagiging matuwid,’+ ang sabi ng Kataas-taasang* Panginoong Jehova.”
15 “‘Kung magpapadala ako roon ng mababangis na hayop at patayin ng mga ito ang mga tao at maging tiwangwang na lupain ito na hindi dinadaanan ng tao dahil sa mababangis na hayop,+ 16 isinusumpa ko, kung paanong buháy ako,’ ang sabi ng Kataas-taasang Panginoong Jehova, ‘kahit naroon ang tatlong lalaking ito, hindi nila maililigtas ang kanilang mga anak na lalaki o babae; sarili lang nila ang maililigtas nila, at ang lupain ay magiging tiwangwang.’”
17 “‘O kung magpapadala ako ng espada laban sa lupaing iyon+ at sabihin ko: “Isang espada ang dadaan sa lupain,” at patayin nito ang mga tao at hayop,+ 18 naroon man ang tatlong lalaking ito, isinusumpa ko, kung paanong buháy ako,’ ang sabi ng Kataas-taasang Panginoong Jehova, ‘hindi nila maililigtas ang kanilang mga anak na lalaki o babae; sarili lang nila ang maililigtas nila.’”
19 “‘O kung magpapasapit ako ng salot sa lupaing iyon+ at ibuhos ko ang galit ko at patayin ang mga tao at hayop doon para malipol sila, 20 kahit naroon sina Noe,+ Daniel,+ at Job,+ isinusumpa ko, kung paanong buháy ako,’ ang sabi ng Kataas-taasang Panginoong Jehova, ‘hindi nila maililigtas ang kanilang mga anak na lalaki o babae; sarili lang nila ang maililigtas nila dahil sa pagiging matuwid nila.’”+
21 “Dahil ito ang sinabi ng Kataas-taasang Panginoong Jehova: ‘Ganiyan ang mangyayari kapag ang apat na parusa* ko+—espada, taggutom, mabangis na hayop, at salot+—ay inilapat ko na sa Jerusalem para lipulin ang mga tao at hayop doon.+ 22 Pero ang ilang natira ay makatatakas at mailalabas doon,+ mga anak na lalaki at babae. Pupuntahan nila kayo, at kapag nakita ninyo ang kanilang landasin at gawain, tiyak na hindi na kayo mababagabag dahil sa kapahamakang sinapit ng Jerusalem, sa lahat ng ginawa ko rito.’”
23 “‘Hindi na kayo mababagabag kapag nakita ninyo ang kanilang landasin at gawain, at malalaman ninyong may dahilan kung kaya ginawa ko ang dapat kong gawin,’+ ang sabi ng Kataas-taasang Panginoong Jehova.”