Ikalawang Samuel
6 Muling tinipon ni David ang lahat ng pinakamahuhusay na sundalo sa Israel, 30,000 lalaki. 2 At naglakbay si David at ang lahat ng tauhan niya papunta sa Baale-juda para kunin doon ang Kaban ng tunay na Diyos,+ na sa harap nito ay tumatawag ang mga tao sa pangalan ni Jehova ng mga hukbo,+ na nakaupo sa trono sa ibabaw* ng mga kerubin.+ 3 Pero isinakay nila ang Kaban ng tunay na Diyos sa isang bagong karwahe+ para madala nila iyon mula sa bahay ni Abinadab,+ na nasa burol; at sina Uzah at Ahio, na mga anak ni Abinadab, ang gumagabay sa bagong karwahe.
4 Kaya dinala nila ang Kaban ng tunay na Diyos mula sa bahay ni Abinadab sa burol, at si Ahio ay naglalakad sa unahan ng Kaban. 5 Si David at ang buong sambahayan ng Israel ay nagdiriwang sa harap ni Jehova gamit ang iba’t ibang instrumentong yari sa kahoy na enebro, mga alpa, iba pang instrumentong de-kuwerdas,+ mga tamburin,+ sistro, at simbalo.*+ 6 Pero nang makarating sila sa giikan ng Nacon,* biglang iniunat ni Uzah ang kamay niya sa Kaban ng tunay na Diyos at hinawakan ito,+ dahil muntik na itong maitumba ng mga baka. 7 Dahil dito, lumagablab ang galit ni Jehova kay Uzah, at pinabagsak siya roon ng tunay na Diyos+ dahil sa ginawa niyang kawalang-galang,+ at namatay siya roon sa tabi ng Kaban ng tunay na Diyos. 8 Pero nagalit* si David dahil sumiklab ang galit ni Jehova kay Uzah; at ang lugar na iyon ay tinatawag na Perez-uzah* hanggang ngayon. 9 Kaya natakot si David kay Jehova+ nang araw na iyon at nagsabi: “Paano makakarating sa akin ang Kaban ni Jehova?”+ 10 Ayaw nang dalhin ni David ang Kaban ni Jehova sa lugar niya sa Lunsod ni David.+ Kaya ipinadala iyon ni David sa bahay ni Obed-edom+ na Giteo.
11 Ang Kaban ni Jehova ay nanatili sa bahay ni Obed-edom na Giteo nang tatlong buwan, at patuloy na pinagpala ni Jehova si Obed-edom at ang buong sambahayan nito.+ 12 Iniulat kay Haring David: “Pinagpala ni Jehova ang sambahayan ni Obed-edom at ang lahat ng kaniya dahil sa Kaban ng tunay na Diyos.” Kaya pumunta roon si David para kunin ang Kaban ng tunay na Diyos sa bahay ni Obed-edom at dalhin iyon sa Lunsod ni David nang may pagsasaya.+ 13 Nang makaanim na hakbang ang mga nagbubuhat+ ng Kaban ni Jehova, naghandog siya ng isang toro* at isang pinatabang hayop.
14 Masiglang nagsasasayaw si David sa harap ni Jehova habang nakasuot* ng linong epod.*+ 15 Dinala ni David at ng buong sambahayan ng Israel ang Kaban+ ni Jehova habang nagsisigawan sila sa tuwa+ at humihihip ng tambuli.+ 16 Pero nang makarating ang Kaban ni Jehova sa Lunsod ni David, ang anak ni Saul na si Mical+ ay dumungaw sa bintana at nakita niya si Haring David na naglululukso at nagsasasayaw sa harap ni Jehova; at hinamak niya ito sa kaniyang puso.+ 17 Ipinasok nila ang Kaban ni Jehova at inilagay iyon sa puwesto nito sa loob ng tolda na itinayo ni David para dito.+ Pagkatapos, nag-alay si David ng mga handog na sinusunog+ at mga haing pansalo-salo+ sa harap ni Jehova.+ 18 Nang matapos ni David ang pag-aalay ng mga handog na sinusunog at mga haing pansalo-salo, pinagpala niya ang bayan sa ngalan ni Jehova ng mga hukbo. 19 Bukod diyan, namahagi siya sa buong bayan ng Israel, sa bawat lalaki at babae, ng isang hugis-singsing na tinapay, isang kakaning datiles, at isang kakaning pasas. Pagkatapos, umuwi ang buong bayan sa kani-kanilang bahay.
20 Pagbalik ni David para pagpalain ang sarili niyang sambahayan, lumabas ang anak ni Saul na si Mical+ para salubungin siya. Sinabi nito: “Ginawang napakaluwalhati ng hari ng Israel ang sarili niya nang maghubad siya ngayon sa paningin ng mga aliping babae ng mga lingkod niya, gaya ng lantarang paghuhubad ng isang taong walang-isip!”+ 21 Sinabi ni David kay Mical: “Nagdiriwang ako sa harap ni Jehova, na pumili sa akin sa halip na sa iyong ama at sa buo niyang sambahayan at nag-atas sa akin na maging pinuno ng bayan ni Jehova, ang Israel.+ Kaya magdiriwang ako sa harap ni Jehova, 22 at magpapakababa ako nang higit pa rito, at magiging mababa kahit sa sarili kong paningin. Pero sa harap ng mga aliping babae na binanggit mo, luluwalhatiin ako.” 23 Kaya ang anak ni Saul na si Mical+ ay hindi nagkaroon ng anak hanggang sa araw na mamatay siya.