Parangalan Yaong mga Binigyan ng Awtoridad sa Inyo
“Parangalan ang lahat ng uri ng mga tao, magkaroon ng pag-ibig sa buong samahan ng mga kapatid, matakot sa Diyos, magbigay-dangal sa hari.”—1 PEDRO 2:17.
1, 2. Paano minamalas ng mga tao ang awtoridad sa ngayon? Bakit?
“NASA mga bata ang lahat ng karapatan. Walang galang sa mga magulang,” hinagpis ng isang ina. “Kuwestiyunin ang Awtoridad” sabi ng isang sticker sa bumper. Ang mga ito’y dalawang larawan lamang ng isang kalagayan na walang-pagsalang batid mong laganap sa ngayon. Ang pangkalahatang kawalan ng paggalang sa mga magulang, guro, amo, at mga opisyal ng gobyerno ay palasak sa buong daigdig.
2 Baka ang ilan ay nagkikibit-balikat na lamang at nagsasabi, ‘Aba, ang mga nasa posisyong iyan ng awtoridad ay hindi karapat-dapat sa aking paggalang.’ Kung minsan, iyan ay maaaring mahirap pasinungalingan. Tayo’y nakaharap sa isang patuluyang agos ng balita hinggil sa tiwaling mga opisyal ng gobyerno, sakim na mga amo, walang-kakayahang mga guro, at abusadong mga magulang. Nakatutuwa naman, iilan lamang ang mga Kristiyanong may gayong saloobin sa mga may awtoridad sa loob ng kongregasyon.—Mateo 24:45-47.
3, 4. Bakit ang mga Kristiyano ay dapat magpakita ng paggalang sa mga nasa posisyon ng awtoridad?
3 Bilang mga Kristiyano, taglay natin ang “nagtutulak na dahilan” upang igalang ang mga may sekular na awtoridad. Pinaalalahanan ni apostol Pablo ang mga Kristiyano na “magpasakop sa nakatataas na mga awtoridad, sapagkat walang awtoridad malibang sa pamamagitan ng Diyos; ang umiiral na mga awtoridad ay inilagay ng Diyos sa kanilang relatibong mga posisyon.” (Roma 13:1, 2, 5; 1 Pedro 2:13-15) Nagpakita rin si Pablo ng makatuwirang dahilan upang sundin ang mga awtoridad sa loob ng pamilya: “Kayong mga asawang babae, magpasakop kayo sa inyu-inyong asawang lalaki, gaya ng naaangkop sa Panginoon. Kayong mga anak, maging masunurin kayo sa inyu-inyong mga magulang sa lahat ng bagay, sapagkat ito ay nakalulugod nang mainam sa Panginoon.” (Colosas 3:18, 20) Nararapat lamang na parangalan natin ang matatanda sa kongregasyon sapagkat ‘inatasan sila ng banal na espiritu na mga tagapangasiwa, upang magpastol sa kongregasyon ng Diyos.’ (Gawa 20:28) Pinararangalan natin ang mga taong may awtoridad dahilan sa ating paggalang kay Jehova. Mangyari pa, ang pagpaparangal sa awtoridad ni Jehova ang laging pangunahin sa ating buhay.—Gawa 5:29.
4 Taglay sa isipan ang kataas-taasang awtoridad ni Jehova, tingnan natin ang mga halimbawa niyaong ilan na hindi gumalang sa mga nasa posisyon ng awtoridad at niyaong ilan na gumalang.
Ang Kawalang-Galang ay Umaakay sa Di-Pagsang-ayon
5. Anong walang-galang na paggawi ang ipinakita ni Mical kay David, at saan humantong ang bagay na iyan?
5 Mula sa kasaysayan ni Haring David, makikita natin kung paano minamalas ni Jehova yaong mga humahamak sa bigay-Diyos na awtoridad. Nang dalhin ni David sa Jerusalem ang kaban ng tipan, “nakita [ng kaniyang asawang si Mical] si Haring David na naglululukso at sumasayaw sa harap ni Jehova; at pinasimulan niyang hamakin ito sa kaniyang puso.” Dapat sana’y kinilala ni Mical si David hindi lamang bilang ulo ng pamilya kundi bilang siya ring hari ng lupain. Gayunman, ibinulalas niya ang kaniyang damdamin sa mapanuyang pagsasabi: “Pagkaluwalhati ng hari ng Israel ngayon nang maghubad siya ngayon sa paningin ng mga aliping babae ng kaniyang mga lingkod, gaya ng tahasang paghuhubad ng isa sa mga taong walang-isip!” Bunga nito, si Mical ay hindi kailanman nagkaanak.—2 Samuel 6:14-23.
6. Paano minalas ni Jehova ang kawalang-galang ni Kora sa Kaniyang pinahiran?
6 Ang isang napakasamang halimbawa ng di-pagpaparangal sa hinirang-ng-Diyos na teokratikong pangunguna ay yaong kay Kora. Bilang isang Kohatita, napakaganda ng pribilehiyong tinamasa niya sa paglilingkod kay Jehova sa tabernakulo! Gayunman, pinulaan niya sina Moises at Aaron, ang pinahiran ng Diyos na mga lider ng mga Israelita. Nagsama-sama sina Kora at ang iba pang mga pinuno ng Israel at buong-kapangahasang sinabihan sina Moises at Aaron: “Ang buong kapulungan, silang lahat, ay banal at si Jehova ay nasa gitna nila. Bakit nga kayo magmamataas sa kongregasyon ni Jehova?” Paano minalas ni Jehova ang iginawi ni Kora at ng kaniyang mga tagasuporta? Minalas ng Diyos ang kanilang ikinilos bilang di-pagpaparangal mismo kay Jehova. Matapos makita na kinain ng lupa ang mga nasa panig nila, si Kora at ang 250 pinuno ay pinuksa naman sa pamamagitan ng apoy mula kay Jehova.—Bilang 16:1-3, 28-35.
7. Mayroon bang anumang dahilan ang “ubod-galing na mga apostol” upang pintasan ang awtoridad ni Pablo?
7 Sa kongregasyong Kristiyano noong unang siglo, may mga nagwalang-bahala sa teokratikong awtoridad. Ang “ubod-galing na mga apostol” sa kongregasyon sa Corinto ay hindi gumalang kay Pablo. Pinintasan nila ang kakayahan niya sa pagsasalita, na sinasabi: “Ang kaniyang pagkanaririto sa pisikal ay mahina at ang kaniyang pananalita ay napakahamak.” (2 Corinto 10:10; 11:5) Magaling mang tagapagsalita si Pablo o hindi, siya’y nararapat igalang bilang isang apostol. Subalit talaga nga bang napakahamak ng pananalita ni Pablo? Ang kaniyang mga pahayag pangmadla na nakaulat sa Bibliya ay nagpapatotoo kung gaano siya kagaling magsalita. Aba, bilang resulta ng maikling pakikipag-usap kay Herodes Agrippa II, isang “dalubhasa sa lahat ng . . . mga pagtatalo sa gitna ng mga Judio,” pinangyari ni Pablo na ang hari ay sumapit sa punto na magsabi: “Sa maikling panahon ay mahihikayat mo akong maging Kristiyano”! (Gawa 13:15-43; 17:22-34; 26:1-28) Gayunman, inakusahan siya ng ubod-galing na mga apostol sa Corinto na napakahamak daw ng kaniyang pananalita! Paano minalas ni Jehova ang kanilang iginawi? Sa isang mensahe para sa mga tagapangasiwa ng kongregasyon sa Efeso, pinuri ni Jesu-Kristo yaong mga tumangging maakay palayo ng mga “nagsasabi na sila ay mga apostol, ngunit sila ay hindi gayon.”—Apocalipsis 2:2.
Paggalang sa Kabila ng Di-Kasakdalan
8. Paano ipinakita ni David na pinarangalan niya ang awtoridad na ibinigay ni Jehova kay Saul?
8 Maraming halimbawa sa Bibliya hinggil sa mga nagparangal sa mga indibiduwal na may awtoridad, kahit na ginamit nang mali o inabuso ng mga ito ang kanilang awtoridad. Si David ay isa na may gayong mainam na halimbawa. Si Haring Saul, na pinaglilingkuran niya, ay nainggit sa mga nagawa ni David at nagtangkang patayin siya. (1 Samuel 18:8-12; 19:9-11; 23:26) Gayunman, bagaman nagkaroon ng mga pagkakataong mapatay si Saul, sinabi ni David: “Malayong mangyari, sa ganang akin, mula sa pangmalas ni Jehova, na iunat ang aking kamay laban sa pinahiran ni Jehova!” (1 Samuel 24:3-6; 26:7-13) Alam ni David na mali si Saul, subalit ipinaubaya niya kay Jehova ang paghatol dito. (1 Samuel 24:12, 15; 26:22-24) Hindi siya nagsalita nang may pang-aabuso tungkol kay Saul o mismo kay Saul.
9. (a) Ano ang nadama ni David habang pinakikitunguhan siya nang masama ni Saul? (b) Paano natin masasabi na ang paggalang ni David kay Saul ay tunay?
9 Nabagabag ba si David habang siya’y pinakikitunguhan nang masama? “May mga . . . maniniil na humahanap sa aking kaluluwa,” ang hinaing ni David kay Jehova. (Awit 54:3) Ibinuhos niya ang laman ng kaniyang puso kay Jehova: “Iligtas mo ako mula sa aking mga kaaway, O Diyos ko . . . Dinadaluhong ako ng malalakas, hindi dahil sa aking pagsalansang, ni sa anumang kasalanan ko, O Jehova. Bagaman walang kamalian, tumatakbo sila at naghahanda. Gumising ka sa aking pagtawag at tingnan mo.” (Awit 59:1-4) Nadama mo na rin ba ang gayon—na wala ka namang ginagawang masama sa isang taong nasa awtoridad, ngunit patuloy ka niyang pinahihirapan? Si David ay hindi nagkulang sa pagpapakita ng paggalang kay Saul. Nang mamatay si Saul, sa halip na magsaya, kumatha si David ng isang panambitan: “Si Saul at si Jonatan, ang mga kaibig-ibig at ang mga kaiga-igaya noong sila ay nabubuhay . . . Mas matutulin sila kaysa sa mga agila, mas malalakas sila kaysa sa mga leon. Kayong mga anak na babae ng Israel, tangisan ninyo si Saul.” (2 Samuel 1:23, 24) Kay inam na halimbawa ng tunay na paggalang sa pinahiran ni Jehova, kahit na nagkasala si Saul kay David!
10. Anong mainam na halimbawa ang ipinakita ni Pablo sa pagpaparangal sa bigay-Diyos na awtoridad ng lupong tagapamahala, at sa ano ito umakay?
10 Noong panahong Kristiyano, makasusumpong din tayo ng pambihirang mga halimbawa niyaong mga nagpaparangal sa bigay-Diyos na mga awtoridad. Kuning halimbawa si Pablo. Iginalang niya ang mga pasiya ng unang-siglong lupong tagapamahala ng kongregasyong Kristiyano. Noong huling pagdalaw ni Pablo sa Jerusalem, pinayuhan siya ng lupong tagapamahala na linisin niya ang kaniyang sarili sa seremonyal na paraan upang ipakita sa iba na wala siyang masamang saloobin sa Batas Mosaiko. Maaari sanang ikatuwiran ni Pablo: ‘Noon, sinabihan ako ng mga kapatid na ito na umalis ako sa Jerusalem nang manganib ang aking buhay. Ngayon naman, ibig nilang ipakita ko sa mga tao na iginagalang ko ang Batas Mosaiko. Nasulatan ko na ang mga taga-Galacia anupat pinapayuhan silang hindi na kailangang sundin ang Batas. Kung pupunta ako sa templo, baka hindi maunawaan ng iba ang aking ginagawa, anupat baka akalain na ako’y nakikipagkompromiso sa mga uring tinuli.’ Gayunman, maliwanag na hindi nangatuwiran nang ganoon si Pablo. Yamang walang nasasangkot na pakikipagkompromiso sa mga simulaing Kristiyano, iginalang at sinunod niya ang payo ng lupong tagapamahala noong unang siglo. Ang kagyat na resulta ay na kinailangang iligtas si Pablo mula sa mang-uumog na mga Judio, at pagkaraan ay nagdusa siya nang dalawang taon sa bilangguan. Sa dakong huli, naganap ang kalooban ng Diyos. Nagpatotoo si Pablo sa harap ng matataas na opisyal sa Cesarea at pagkatapos ay ginastusan ng pamahalaan ang pagtungo niya sa Roma upang magpatotoo sa harap mismo ni Cesar.—Gawa 9:26-30; 21:20-26; 23:11; 24:27; Galacia 2:12; 4:9, 10.
Nagpapakita Ka ba ng Paggalang?
11. Paano natin maipakikita ang paggalang sa sekular na awtoridad?
11 Nagpapakita ka ba ng nararapat na paggalang sa mga may awtoridad? Ang mga Kristiyano ay inuutusan na ‘magbigay sa lahat ng kanilang kaukulan, . . . sa kaniya na humihiling ng karangalan, ang gayong karangalan.’ Sa katunayan, hindi lamang kalakip sa ating pagpapasakop sa “nakatataas na mga awtoridad” ang pagbabayad natin ng buwis kundi kalakip din dito ang pagpaparangal sa mga awtoridad sa pamamagitan ng ating paggawi at pananalita. (Roma 13:1-7) Kapag napaharap sa mga opisyal ng gobyerno na maaaring malupit, paano tayo kumikilos? Sa Chiapas State, Mexico, kinamkam ng mga awtoridad sa isang pamayanan ang lupang sinasaka na pag-aari ng 57 pamilya ng mga Saksi ni Jehova dahil sa ang mga Kristiyanong ito ay hindi nakilahok sa ilang kapistahan ng relihiyon. Sa mga pulong na idinaos upang malutas ang bagay na ito, ang mga Saksi, na nakabihis nang malinis at maayos, ay palaging nagsasalita nang may dangal at paggalang. Pagkalipas ng mahigit na isang taon, naging pabor sa kanila ang iginawad na desisyon. Nakamit nila ang paggalang ng ilang nagmamasid dahil sa kanilang paggawi anupat umabot pa hanggang sa punto na ang mga ito man ay gusto na ring maging mga Saksi ni Jehova!
12. Bakit mahalaga na magkaroon ng “matinding paggalang” sa di-sumasampalatayang asawang lalaki?
12 Paano mo maipakikita ang paggalang sa bigay-Diyos na awtoridad sa loob ng pamilya? Matapos talakayin ang halimbawa ni Jesus sa pagtitiis ng kasamaan, sinabi ni apostol Pedro: “Sa katulad na paraan, kayong mga asawang babae, magpasakop kayo sa inyong sariling mga asawang lalaki, upang, kung ang sinuman ay hindi masunurin sa salita, ay mawagi sila nang walang salita sa pamamagitan ng paggawi ng kanilang mga asawang babae, dahil sa pagiging mga saksing nakakita sa inyong malinis na paggawi na may kalakip na matinding paggalang.” (1 Pedro 3:1, 2; Efeso 5:22-24) Dito ay idiniin ni Pedro ang kahalagahan ng pagpapasakop ng asawang babae sa kaniyang asawa taglay ang “matinding paggalang,” kahit na ang ilang asawang lalaki ay walang gaanong nagagawa na karapat-dapat sa gayong paggalang. Ang magalang na paggawi ng isang asawang babae ay maaaring makahikayat sa kaniyang di-sumasampalatayang asawa.
13. Paano mapararangalan ng mga asawang babae ang kanilang asawa?
13 Sa konteksto ng mga kasulatang ito, inaakay ni Pedro ang ating pansin sa halimbawa ni Sara, na ang asawang si Abraham ay isang pambihirang halimbawa ng pananampalataya. (Roma 4:16, 17; Galacia 3:6-9; 1 Pedro 3:6) Ang pagpaparangal ba ng mga asawang babae sa kanilang sumasampalatayang asawa ay hindi kailangang kasintindi ng ipinakikita ng mga asawang babae sa kanilang di-sumasampalatayang asawa? Paano kung hindi ka sang-ayon sa iyong asawang lalaki hinggil sa isang bagay? Si Jesus ay nagbigay rito ng payo na maaaring ikapit sa pangkalahatang paraan: “Kung may isa sa ilalim ng awtoridad na pumipilit sa iyo na maglingkod ng isang milya, sumama ka sa kaniya ng dalawang milya.” (Mateo 5:41) Pinararangalan mo ba ang iyong asawa sa pamamagitan ng pagsunod sa kaniyang mga kagustuhan? Kung ito’y waring napakahirap, sabihin mo sa kaniya ang iyong damdamin hinggil sa bagay na ito. Huwag mong ipalagay na alam niya ang iyong nadarama. Subalit kung sasabihin mo sa kaniya ang iyong mga kagustuhan, gawin mo ito sa isang magalang na paraan. Pinaaalalahanan tayo ng Bibliya: “Hayaang ang inyong pananalita ay laging may kagandahang-loob, na tinimplahan ng asin, upang malaman kung paano kayo dapat magbigay ng sagot sa bawat isa.”—Colosas 4:6.
14. Ano ang nasasangkot sa pagpaparangal sa mga magulang?
14 Kumusta naman kayong mga anak? Iniuutos ng Salita ng Diyos: “Mga anak, maging masunurin kayo sa inyong mga magulang kaisa ng Panginoon, sapagkat ito ay matuwid: ‘Parangalan mo ang iyong ama at ang iyong ina’; na siyang unang pag-uutos na may pangako.” (Efeso 6:1-3) Pansinin na ang pagiging masunurin sa iyong mga magulang ay itinuturing na kasingkahulugan ng ‘pagpaparangal sa iyong ama at sa iyong ina.’ Ang salitang Griego na isinaling “parangalan” ay nangangahulugang “pahalagahan” o “takdaan ng isang halaga.” Samakatuwid, ang pagiging masunurin ay humihiling ng higit pa sa basta pilít na pagsunod lamang sa mga alituntunin ng mga magulang na para sa iyo’y di-makatuwiran. Hinihilingan ka ng Diyos na magkaroon ng mataas na pagtingin sa iyong mga magulang at pagpapahalaga sa kanilang patnubay.—Kawikaan 15:5.
15. Paano mapananatili ng mga anak ang kanilang paggalang kahit na sa palagay nila’y nagkamali ang kanilang mga magulang?
15 Kung sakaling ang iyong mga magulang ay nakagawa ng isang bagay na nagpapabawas sa iyong paggalang sa kanila, ano ngayon? Sikaping unawain ang mga bagay-bagay ayon sa kanilang pangmalas. Hindi ba sila ang “nagpangyari ng iyong kapanganakan” at naglaan sa iyo? (Kawikaan 23:22) Hindi ba ang ginagawa nila’y dahil sa pag-ibig sa iyo? (Hebreo 12:7-11) Magalang na makipag-usap sa iyong mga magulang, na ipinaliliwanag ang hinggil sa iyong nadarama taglay ang espiritu ng kahinahunan. Kahit na hindi mo nagustuhan ang kanilang reaksiyon, iwasang makapagsalita sa kanila nang may kalapastanganan. (Kawikaan 24:29) Alalahanin mo kung paano napanatili ni David ang kaniyang paggalang kay Saul kahit na lumihis pa ang hari sa pagsunod sa payo ng Diyos. Hilingan mo si Jehova na tulungan kang pakitunguhan ang iyong damdamin. “Sa harap niya ay ibuhos ninyo ang inyong puso,” sabi ni David. “Ang Diyos ay kanlungan para sa atin.”—Awit 62:8; Panaghoy 3:25-27.
Parangalan Yaong mga Nangunguna
16. Ano ang matututuhan natin mula sa mga halimbawa ng mga bulaang guro at ng mga anghel?
16 Ang mga elder sa kongregasyon ay hinirang ng banal na espiritu, subalit sila’y mga di-sakdal pa rin at nagkakamali. (Awit 130:3; Eclesiastes 7:20; Gawa 20:28; Santiago 3:2) Bunga nito, baka hindi nasisiyahan sa mga elder ang ilan sa kongregasyon. Ano ang dapat na maging reaksiyon natin kapag inaakala nating may isang bagay sa kongregasyon na hindi pinangangasiwaan nang tama, o sa wari’y gayon nga? Pansinin ang pagkakaiba ng mga bulaang guro noong unang siglo at ng mga anghel: “Mapusok, mapaggiit-sa-sarili, hindi sila nanginginig [ang mga bulaang guro] sa mga maluwalhati kundi nagsasalita nang may pang-aabuso, samantalang ang mga anghel, bagaman sila ay mas dakila sa lakas at kapangyarihan, ay hindi nagdadala ng akusasyon laban sa kanila sa mapang-abusong mga salita, na hindi ginagawa ang gayon dahilan sa paggalang kay Jehova.” (2 Pedro 2:10-13) Bagaman ang mga bulaang guro ay nagsalita nang may pang-aabuso hinggil sa “mga maluwalhati”—ang matatanda na binigyan ng awtoridad sa kongregasyong Kristiyano noong unang siglo—ang mga anghel ay hindi nagsalita nang may pang-aabuso hinggil sa mga bulaang guro na nagiging dahilan ng pagkakabaha-bahagi sa gitna ng mga kapatid. Ang mga anghel, palibhasa’y nakatataas ang posisyon at higit na makatarungan kaysa sa mga tao, ay nakababatid sa nagaganap noon sa kongregasyon. Ngunit, “dahilan sa paggalang kay Jehova,” ipinaubaya nila sa Diyos ang paghatol.—Hebreo 2:6, 7; Judas 9.
17. Paano nasasangkot ang iyong pananampalataya kapag napapaharap sa mga problema na doo’y inaakala mong nagkamali ang mga elder?
17 Kung hindi man pinangangasiwaan sa nararapat na paraan ang isang bagay, hindi kaya dapat na manampalataya tayo kay Jesu-Kristo bilang ang nabubuhay na Ulo ng kongregasyong Kristiyano? Hindi kaya niya nalalaman ang nangyayari sa kaniyang sariling pandaigdig na kongregasyon? Hindi kaya nararapat lamang na igalang natin ang kaniyang paraan ng pagharap sa situwasyon at kilalanin ang kaniyang kakayahang kontrolin ang mga bagay-bagay? Ang totoo, ‘sino tayo para humatol sa ating kapuwa?’ (Santiago 4:12; 1 Corinto 11:3; Colosas 1:18) Bakit hindi mo idulog kay Jehova ang iyong mga álalahanín sa iyong mga panalangin?
18, 19. Ano ang maaari mong gawin kapag sa palagay mo’y nagkamali ang isang elder?
18 Dahil sa di-kasakdalan ng tao, maaaring bumangon ang mga sagwil o mga problema. May mga pagkakataon pa nga na nagkakamali ang isang elder, anupat nagiging dahilan tuloy ito upang mabalisa ang ilan. Ang ating padalus-dalos na pagkilos sa ganitong kalagayan ay hindi makapagpapabago sa situwasyon. Maaaring palalain lamang nito ang problema. Yaong mga may espirituwal na kaunawaan ay maghihintay kay Jehova upang ituwid ang mga bagay-bagay at ipataw ang anumang disiplinang kinakailangan sa kaniyang sariling panahon at paraan.—2 Timoteo 3:16; Hebreo 12:7-11.
19 Paano kaya kung nababagabag ka dahil sa isang bagay? Sa halip na ipakipag-usap iyon sa iba sa loob ng kongregasyon, bakit hindi magalang na lumapit sa mga elder para humingi ng tulong? Sa paraang hindi ka naman nagiging kritiko, ipaliwanag mo kung paano ka naaapektuhan nito. Palaging magkaroon ng “damdaming pakikipagkapuwa” para sa kanila, at panatilihin ang paggalang habang nagtatapat ka sa kanila. (1 Pedro 3:8) Huwag kang manunuya, kundi magtiwala sa kanilang Kristiyanong pagkamaygulang. Pasalamatan ang anumang pampatibay-loob mula sa Kasulatan na maaaring ibigay nila nang may kabaitan. At kung sa wari’y kailangan pang gumawa ng mga pagtutuwid, magtiwala kang papatnubayan ni Jehova ang mga elder upang gawin ang mabuti at tama.—Galacia 6:10; 2 Tesalonica 3:13.
20. Ano ang ating isasaalang-alang sa susunod na artikulo?
20 Gayunman, mayroon pang ibang pitak na dapat isaalang-alang hinggil sa pagpaparangal at paggalang sa mga nasa awtoridad. Hindi kaya nararapat lamang na igalang niyaong mga binigyan ng awtoridad ang mga inilagak sa kanila upang pangalagaan? Suriin natin iyan sa susunod na artikulo.
Paano Mo Sasagutin?
• Anong mabuting dahilan ang taglay natin para parangalan ang mga may awtoridad?
• Paano minamalas ni Jehova at ni Jesus yaong mga hindi gumagalang sa bigay-Diyos na awtoridad?
• Anong maiinam na halimbawa ang taglay natin hinggil sa mga nagparangal sa mga binigyan ng awtoridad?
• Ano ang maaari nating gawin kapag sa wari’y nagkamali ang isa na may awtoridad sa atin?
[Larawan sa pahina 12]
Matinding iginalang ni Sara ang awtoridad ni Abraham at siya’y naging maligaya
[Larawan sa pahina 13]
Hindi iginalang ni Mical ang awtoridad ni David bilang ulo ng pamilya at hari
[Larawan sa pahina 15]
“Malayong mangyari, sa ganang akin, . . . na iunat ang aking kamay laban sa pinahiran ni Jehova!”
[Larawan sa pahina 16]
Bakit hindi mo idulog kay Jehova ang iyong mga álalahanín sa iyong mga panalangin?