Ikalawang Cronica
20 Pagkatapos, ang mga Moabita+ at Ammonita,+ kasama ang ilang Ammonim,* ay dumating para makipagdigma kay Jehosapat. 2 Kaya may nagsabi kay Jehosapat: “Isang malaking grupo mula sa rehiyon na malapit sa dagat,* mula sa Edom,+ ang dumating para makipaglaban sa iyo, at naroon sila sa Hazazon-tamar, ang En-gedi.”+ 3 Natakot si Jehosapat, at ipinasiya niyang sumangguni kay* Jehova.+ Kaya ipinag-utos niyang mag-ayuno* ang buong Juda. 4 Pagkatapos, nagtipon ang bayan, mula sa lahat ng lunsod ng Juda, para magtanong kay Jehova;+ dumating sila para sumangguni kay Jehova.
5 At humarap si Jehosapat sa kongregasyon ng Juda at ng Jerusalem na nasa bagong looban sa bahay ni Jehova, 6 at sinabi niya:
“O Jehova na Diyos ng aming mga ninuno, hindi ba ikaw ang Diyos sa langit;+ hindi ba may awtoridad ka sa lahat ng kaharian ng mga bansa?+ Nasa kamay mo ang kapangyarihan at lakas, at walang sinuman ang makalalaban sa iyo.+ 7 O aming Diyos, hindi ba pinalayas mo sa harap ng bayan mong Israel ang mga nakatira sa lupaing ito at ibinigay ito sa mga supling* ng kaibigan mong si Abraham para maging pag-aari nila magpakailanman?+ 8 At tumira sila rito, at ipinagtayo ka nila rito ng santuwaryo para sa pangalan mo+ at sinabi, 9 ‘Kung may masamang mangyari sa amin, iyon man ay dahil sa espada, hatol, salot, o taggutom, hayaan mo kaming tumayo sa harap ng bahay na ito at sa harap mo (dahil ang pangalan mo ay nasa bahay na ito)+ at humingi ng tulong sa iyo sa pagdurusa namin, at pakinggan mo sana kami at iligtas.’+ 10 Narito ngayon ang mga lalaki ng Ammon, ng Moab, at ng mabundok na rehiyon ng Seir,+ na sinabi mong huwag salakayin ng Israel nang lumabas ang Israel sa lupain ng Ehipto. Lumihis ito sa kanila at hindi sila nilipol.+ 11 Ngayon, ito ang igaganti nila sa amin; papunta sila rito para palayasin kami sa pag-aaring ipinamana mo sa amin.+ 12 O aming Diyos, hindi mo ba sila paparusahan?+ Wala kaming kalaban-laban sa malaking hukbong ito na sumasalakay sa amin; at hindi namin alam ang gagawin namin,+ pero umaasa kami* sa iyo.”+
13 Samantala, ang lahat ng nasa Juda ay nakatayo sa harap ni Jehova, kasama ang kanilang mga asawa at mga anak, pati na ang maliliit na bata.
14 At sa gitna ng kongregasyon, napuspos ng espiritu ni Jehova si Jahaziel na anak ni Zacarias na anak ni Benaias na anak ni Jeiel na anak ni Matanias na Levita na mula sa mga anak ni Asap. 15 Sinabi niya: “Makinig kayo, Haring Jehosapat at buong Juda at kayong mga taga-Jerusalem! Sinabi ni Jehova sa inyo, ‘Huwag kayong matakot o masindak sa malaking hukbong ito, dahil ang digmaan ay hindi sa inyo, kundi sa Diyos.+ 16 Harapin ninyo sila bukas. Aakyat sila sa daan ng Ziz, at makikita ninyo sila sa dulo ng lambak* malapit sa ilang ng Jeruel. 17 Hindi ninyo kailangang lumaban sa digmaang ito. Pumunta kayo sa inyong mga puwesto, manatili kayong nakatayo,+ at tingnan ninyo ang pagliligtas ni Jehova sa inyo.*+ O Juda at Jerusalem, huwag kayong matakot o masindak.+ Harapin ninyo sila bukas, at si Jehova ay sasainyo.’”+
18 Agad na sumubsob sa lupa si Jehosapat, at ang buong Juda at ang mga taga-Jerusalem ay sumubsob sa harap ni Jehova para sumamba kay Jehova. 19 Pagkatapos, ang mga Levita na mga inapo ng mga Kohatita+ at mga Korahita ay tumayo para purihin si Jehova na Diyos ng Israel sa isang napakalakas na tinig.+
20 Kinabukasan, maaga silang bumangon at pumunta sa ilang ng Tekoa.+ Habang papalabas sila, tumayo si Jehosapat at nagsabi: “Makinig kayo, O Juda at kayong mga taga-Jerusalem! Manampalataya kayo kay Jehova na inyong Diyos para makapanatili kayong matatag.* Manampalataya kayo sa mga propeta niya,+ at magtatagumpay kayo.”
21 Pagkatapos niyang sumangguni sa bayan, nag-atas siya ng mga lalaking aawit+ kay Jehova at maghahandog ng papuri habang nakasuot ng banal na kasuotan at naglalakad sa unahan ng nasasandatahang mga lalaki, na nagsasabi: “Magpasalamat kayo kay Jehova, dahil ang kaniyang tapat na pag-ibig ay walang hanggan.”+
22 Nang magsimula silang umawit ng papuri nang may kagalakan, nagpuwesto si Jehova ng mga tatambang sa mga lalaki ng Ammon, ng Moab, at ng mabundok na rehiyon ng Seir na lumulusob sa Juda, at nagpatayan ang mga ito.+ 23 Nilabanan ng mga Ammonita at Moabita ang mga nakatira sa mabundok na rehiyon ng Seir+ para puksain at lipulin ang mga ito; at nang matapos sila sa mga taga-Seir, nilipol nila ang isa’t isa.+
24 Nang makarating ang Juda sa bantayan sa ilang+ at tingnan nila ang hukbo, nakita nila ang bangkay ng mga ito na nakabulagta sa lupa;+ walang nakaligtas. 25 Kaya si Jehosapat at ang kaniyang bayan ay pumunta roon para kunin ang mga samsam, at nakita nila roon ang napakaraming pag-aari, damit, at mamahaling gamit. Pinagkukuha nila ang mga ito hanggang sa halos hindi na nila ito mabitbit.+ Sa dami ng samsam, tatlong araw nilang hinakot ang mga ito. 26 Nang ikaapat na araw, nagtipon sila sa Lambak* ng Beraca para purihin* doon si Jehova. Kaya tinatawag nila ang lugar na iyon na Lambak ng Beraca*+—hanggang ngayon.
27 Pagkatapos, ang lahat ng lalaki ng Juda at ng Jerusalem, sa pangunguna ni Jehosapat, ay bumalik sa Jerusalem nang nagsasaya, dahil pinagtagumpay sila ni Jehova sa mga kaaway nila.+ 28 Kaya dumating sila sa Jerusalem na may mga instrumentong de-kuwerdas, alpa,+ at trumpeta,+ at pumasok sila sa bahay ni Jehova.+ 29 At natakot sa Diyos ang lahat ng kaharian sa mga lupain nang mabalitaan nilang nakipaglaban si Jehova sa mga kaaway ng Israel.+ 30 Kaya ang kaharian ni Jehosapat ay naging mapayapa, at patuloy siyang binigyan ng Diyos niya ng kapahingahan sa buong lupain.+
31 At si Jehosapat ay patuloy na naghari sa Juda. Siya ay 35 taóng gulang nang maging hari, at 25 taon siyang namahala sa Jerusalem. Ang kaniyang ina ay si Azuba na anak ni Silhi.+ 32 Patuloy niyang tinularan ang halimbawa ng ama niyang si Asa.+ Hindi siya lumihis doon, at ginawa niya ang tama sa paningin ni Jehova.+ 33 Pero hindi naalis ang matataas na lugar,+ at hindi pa naihahanda ng bayan ang puso nila para sa Diyos ng kanilang mga ninuno.+
34 Ang iba pang nangyari kay Jehosapat, mula sa umpisa hanggang sa katapusan, ay nasa ulat ni Jehu+ na anak ni Hanani,+ na isinama sa Aklat ng mga Hari ng Israel. 35 Pagkatapos nito, nakipag-alyansa si Haring Jehosapat ng Juda kay Haring Ahazias ng Israel, na gumawi nang napakasama.+ 36 Ginawa niya itong katuwang sa paggawa ng mga barkong pupunta sa Tarsis,+ at ginawa nila ang mga barko sa Ezion-geber.+ 37 Pero si Eliezer na anak ni Dodavahu ng Maresha ay humula laban kay Jehosapat: “Dahil nakipag-alyansa ka kay Ahazias, sisirain ni Jehova ang mga ginawa mo.”+ Kaya nawasak ang mga barko+ at hindi nakarating sa Tarsis.