Unang Hari
2 Nang malapit nang mamatay si David, tinagubilinan niya ang anak niyang si Solomon: 2 “Malapit na akong mamatay. Kaya magpakatatag ka+ at magpakalalaki.+ 3 Tuparin mo ang obligasyon mo kay Jehova na iyong Diyos sa pamamagitan ng paglakad sa kaniyang mga daan at pagsunod sa kaniyang mga batas, mga utos, mga kahatulan, at mga paalaala gaya ng nakasulat sa Kautusan ni Moises;+ sa gayon, magtatagumpay ka* anuman ang gawin mo at saan ka man magpunta. 4 At tutuparin ni Jehova ang ipinangako niya tungkol sa akin: ‘Kung magiging palaisip ang mga anak mo sa pamumuhay nila at lalakad sila nang tapat sa daan ko nang kanilang buong puso at kaluluwa,+ sa angkan mo manggagaling ang lahat ng uupo sa trono ng Israel.’+
5 “Alam na alam mo rin ang ginawa sa akin ni Joab na anak ni Zeruias, ang ginawa niya sa dalawang pinuno ng mga hukbo ng Israel—kay Abner+ na anak ni Ner at kay Amasa+ na anak ni Jeter. Pinatay niya sila+ sa panahon ng kapayapaan, at binahiran niya ng dugo ng digmaan ang sinturon niya sa balakang at ang mga sandalyas niya sa paa. 6 Magpakarunong ka at huwag mo siyang hayaang mabuhay nang matagal at mamatay sa katandaan.*+
7 “Pero magpakita ka ng tapat na pag-ibig sa mga anak ni Barzilai+ na Gileadita, at isama mo sila sa mga kakain sa iyong mesa, dahil sa ganoong paraan nila ako sinuportahan+ nang tumakas ako mula sa kapatid mong si Absalom.+
8 “Nakatira sa malapit si Simei na anak ni Gera na Benjaminita mula sa Bahurim. Nagbitaw siya sa akin ng malupit na sumpa+ noong papunta ako sa Mahanaim;+ pero nang salubungin niya ako sa Jordan, nangako ako sa kaniya sa ngalan ni Jehova, ‘Hindi kita papatayin sa pamamagitan ng espada.’+ 9 Ngayon ay huwag mo siyang hayaang di-napaparusahan,+ dahil matalino kang tao at alam mo ang dapat gawin sa kaniya; huwag mo siyang hayaang mabuhay nang matagal at mamatay sa katandaan.”*+
10 At namatay* si David at inilibing sa Lunsod ni David.+ 11 Naghari si David sa Israel nang 40 taon. Naghari siya nang 7 taon sa Hebron+ at 33 taon naman sa Jerusalem.+
12 Pagkatapos, umupo si Solomon sa trono ng ama niyang si David, at unti-unting tumatag ang paghahari niya.+
13 Isang araw, si Adonias na anak ni Hagit ay pumunta kay Bat-sheba, na ina ni Solomon. Nagtanong si Bat-sheba: “Kapayapaan ba ang sadya mo?” Sumagot ito: “Kapayapaan.” 14 Sinabi pa nito: “May sasabihin ako sa iyo.” Sinabi ni Bat-sheba: “Sige, sabihin mo.” 15 Nagpatuloy ito: “Alam na alam mo na mapapasaakin sana ang trono, at inaasahan ng buong Israel na magiging hari ako;+ pero naging mailap sa akin ang trono at napunta sa kapatid ko, dahil iyon ang gusto ni Jehova.+ 16 Pero may isa lang akong gustong hilingin sa iyo. Huwag mo akong tanggihan.” Sinabi ni Bat-sheba: “Sige, sabihin mo.” 17 Sinabi nito: “Pakisuyo, hilingin mo kay Haring Solomon—dahil hindi ka niya tatanggihan—na ibigay sa akin si Abisag+ na Sunamita bilang asawa.” 18 Sumagot si Bat-sheba: “Sige! Sasabihin ko iyan sa hari.”
19 Kaya pumunta si Bat-sheba kay Haring Solomon para sabihin ang hinihiling ni Adonias. Agad na tumayo ang hari para salubungin ito at yumukod siya rito. Pagkatapos, umupo siya sa kaniyang trono at nagpalagay ng isang trono para sa ina ng hari, para makaupo ito sa kaniyang kanan. 20 Sinabi ni Bat-sheba: “May maliit na kahilingan ako sa iyo. Huwag mo akong tanggihan.” Kaya sinabi ng hari sa kaniya: “Sabihin mo, aking ina; hindi kita tatanggihan.” 21 Sinabi niya: “Ibigay mo sana sa kapatid mong si Adonias si Abisag na Sunamita bilang asawa.” 22 Sumagot si Haring Solomon sa kaniyang ina: “Bakit mo hinihiling si Abisag na Sunamita para kay Adonias? Hilingin mo na rin para sa kaniya ang trono,+ dahil nakatatanda ko siyang kapatid,+ at sinusuportahan siya ng saserdoteng si Abiatar at ni Joab+ na anak ni Zeruias.”+
23 Pagkatapos, sumumpa si Haring Solomon sa ngalan ni Jehova: “Bigyan nawa ako ng Diyos ng mabigat na parusa kung hindi mamatay si Adonias dahil sa hiniling niyang ito. 24 At ngayon, isinusumpa ko, kung paanong buháy si Jehova, na nagpaupo sa akin sa trono ng ama kong si David at nagpatatag ng pamamahala ko+ at nagtatag ng isang sambahayan* para sa akin,+ gaya ng ipinangako niya—sa araw na ito ay papatayin si Adonias.”+ 25 Isinugo agad ni Haring Solomon si Benaias+ na anak ni Jehoiada. Pinabagsak ni Benaias si Adonias, at namatay ito.
26 Sinabi ng hari sa saserdoteng si Abiatar:+ “Pumunta ka sa lupain mo sa Anatot!+ Dapat kang mamatay, pero hindi kita papatayin sa araw na ito, dahil dinala mo ang Kaban ng Kataas-taasang Panginoong Jehova sa harap ng ama kong si David,+ at sinamahan mo ang ama ko sa lahat ng hirap na pinagdaanan niya.”+ 27 Kaya inalis ni Solomon si Abiatar sa paglilingkod bilang saserdote ni Jehova, para tuparin ang sinabi ni Jehova laban sa sambahayan ni Eli+ sa Shilo.+
28 Nang makarating ang balita kay Joab—na hindi sumuporta kay Absalom+ pero sumuporta kay Adonias+—tumakas si Joab papunta sa tolda ni Jehova+ at humawak nang mahigpit sa mga sungay ng altar. 29 Iniulat kay Haring Solomon: “Tumakas si Joab papunta sa tolda ni Jehova, at nandoon siya sa tabi ng altar.” Kaya isinugo ni Solomon si Benaias na anak ni Jehoiada at sinabi rito: “Pabagsakin mo siya!” 30 Kaya pumunta si Benaias sa tolda ni Jehova at sinabi rito: “Ito ang sinabi ng hari, ‘Lumabas ka!’” Pero sinabi nito: “Hindi! Dito ako mamamatay.” Bumalik si Benaias sa hari at sinabi rito kung ano ang isinagot ni Joab. 31 Sinabi ng hari sa kaniya: “Gawin mo kung ano ang sinabi niya; pabagsakin mo siya at ilibing at alisin mo sa akin at sa sambahayan ng aking ama ang dugo na pinadanak ni Joab nang walang makatuwirang dahilan.+ 32 Pagbabayarin siya ni Jehova sa dugong pinadanak niya, dahil lingid sa kaalaman ng ama kong si David, pinatay niya sa pamamagitan ng espada ang dalawang lalaki na mas matuwid at mas mabuti kaysa sa kaniya: si Abner+ na anak ni Ner, ang pinuno ng hukbo ng Israel,+ at si Amasa+ na anak ni Jeter, ang pinuno ng hukbo ng Juda.+ 33 Mananagot sa kamatayan nila si Joab at ang mga inapo niya magpakailanman;+ pero kay David, sa mga inapo niya, sa sambahayan niya, at sa kaharian* niya ay magkaroon nawa ng kapayapaan mula kay Jehova magpakailanman.” 34 Kaya umalis si Benaias na anak ni Jehoiada at pinatay si Joab, at inilibing ito sa sarili nitong bahay sa ilang. 35 Pagkatapos, inatasan ng hari si Benaias+ na anak ni Jehoiada bilang pinuno ng hukbo kapalit nito, at ang saserdoteng si Zadok+ naman ang ipinalit ng hari kay Abiatar.
36 Pagkatapos, ipinatawag ng hari si Simei+ at sinabi rito: “Magtayo ka ng bahay sa Jerusalem at doon ka tumira; huwag kang aalis doon para pumunta sa ibang lugar. 37 Sa araw na umalis ka at tumawid sa Lambak ng Kidron,+ tiyak na mamamatay ka. Ikaw ang may kasalanan sa sarili mong kamatayan.” 38 Sinabi ni Simei sa hari: “Makatuwiran po ang sinabi ninyo. Gagawin ng inyong lingkod ang sinabi ng panginoon kong hari.” Kaya nanatili si Simei sa Jerusalem nang maraming araw.
39 Pero sa pagtatapos ng tatlong taon, dalawang alipin ni Simei ang tumakas papunta kay Akis+ na anak ni Maaca na hari ng Gat. Nang iulat kay Simei: “Nasa Gat ang mga alipin mo,” 40 inihanda agad ni Simei ang asno niya at pumunta siya kay Akis sa Gat para hanapin ang mga alipin niya. Pagbalik ni Simei mula sa Gat kasama ang mga alipin niya, 41 iniulat kay Solomon: “Lumabas si Simei sa Jerusalem at nagpunta sa Gat, at nakabalik na siya.” 42 Kaya ipinatawag ng hari si Simei at sinabi rito: “Hindi ba pinanumpa kita sa ngalan ni Jehova at binigyan ng babala: ‘Sa araw na umalis ka sa lugar na ito at magpunta sa ibang lugar, tiyak na mamamatay ka’? At hindi ba sinabi mo, ‘Makatuwiran ang sinabi mo; susunod ako’?+ 43 Bakit hindi mo tinupad ang isinumpa mo kay Jehova at ang iniutos ko sa iyo?” 44 Sinabi ngayon ng hari kay Simei: “Alam na alam mo ang lahat ng kasamaang ginawa mo sa ama kong si David,+ at pagbabayarin ka ni Jehova sa mga ginawa mo.+ 45 Pero pagpapalain si Haring Solomon,+ at ang trono ni David ay magiging matatag sa harap ni Jehova magpakailanman.” 46 Pagkatapos, inutusan ng hari si Benaias na anak ni Jehoiada. Pinabagsak ni Benaias si Simei, at namatay ito.+
Kaya ang kaharian ay naging matatag sa kamay ni Solomon.+