Unang Cronica
13 Sumangguni si David sa mga pinuno ng libo-libo at ng daan-daan at sa bawat lider.+ 2 Pagkatapos, sinabi ni David sa buong kongregasyon ng Israel: “Kung mabuti sa tingin ninyo at kalugod-lugod kay Jehova na ating Diyos, magpadala tayo ng mensahe sa iba pa nating kapatid sa lahat ng rehiyon ng Israel at sa mga saserdote at mga Levita sa mga lunsod nila+ na may mga pastulan para papuntahin sila rito at makiisa sa atin. 3 At ibalik natin ang Kaban+ ng ating Diyos.” Dahil napabayaan nila ito noong panahon ni Saul.+ 4 Sumang-ayon ang lahat na gawin iyon, dahil sa tingin ng buong bayan, iyon ang tama. 5 Kaya tinipon ni David ang buong Israel, mula sa ilog* ng Ehipto hanggang sa Lebo-hamat,*+ para kunin ang Kaban ng tunay na Diyos mula sa Kiriat-jearim.+
6 Si David at ang buong Israel ay pumunta sa Baala,+ sa Kiriat-jearim, na sakop ng Juda, para kunin doon ang Kaban ng tunay na Diyos na si Jehova, na nakaupo sa trono sa ibabaw* ng mga kerubin,+ na sa harap nito ay tinatawag ang pangalan niya. 7 Pero isinakay nila ang Kaban ng tunay na Diyos sa isang bagong karwahe+ at dinala iyon mula sa bahay ni Abinadab, at sina Uzah at Ahio ang gumagabay sa karwahe.+ 8 Si David at ang buong Israel ay masayang-masayang nagdiwang sa harap ng tunay na Diyos, habang umaawit at nagpapatugtog ng mga alpa at iba pang instrumentong de-kuwerdas, mga tamburin,+ mga simbalo,*+ at mga trumpeta.+ 9 Pero nang makarating sila sa giikan ni Kidon,* biglang iniunat ni Uzah ang kamay niya at hinawakan ang Kaban, dahil muntik na itong maitumba ng mga baka. 10 Dahil dito, lumagablab ang galit ni Jehova kay Uzah, at pinabagsak niya ito dahil sinunggaban nito ang Kaban,+ at namatay ito roon sa harap ng Diyos.+ 11 Pero nagalit* si David dahil sumiklab ang galit ni Jehova kay Uzah; at ang lugar na iyon ay tinatawag na Perez-uzah* hanggang ngayon.
12 Kaya natakot si David sa tunay na Diyos nang araw na iyon at nagsabi: “Paano ko dadalhin sa lugar ko ang Kaban ng tunay na Diyos?”+ 13 Hindi dinala ni David ang Kaban sa lugar niya sa Lunsod ni David. Sa halip, ipinadala niya iyon sa bahay ni Obed-edom na Giteo. 14 Ang Kaban ng tunay na Diyos ay nasa sambahayan ni Obed-edom; nanatili ito sa bahay niya nang tatlong buwan, at patuloy na pinagpala ni Jehova ang sambahayan ni Obed-edom at ang lahat ng pag-aari niya.+