Mga Bilang
4 At kinausap ni Jehova sina Moises at Aaron: 2 “Dapat magsagawa ng sensus sa mga anak ni Kohat+ mula sa mga anak ni Levi, ayon sa pamilya at angkan nila, 3 sa lahat ng 30+ hanggang 50 taóng gulang+ na kasama sa grupong inatasang maglingkod sa tolda ng pagpupulong.+
4 “Ito ang gawain ng mga anak ni Kohat sa tolda ng pagpupulong.+ Ito ay kabanal-banalang bagay: 5 Kapag aalis ang kampo, papasok si Aaron at ang mga anak niya at ibababa ang kurtinang pantabing+ at ipantatakip ito sa kaban+ ng Patotoo. 6 Lalagyan nila ito ng isang pantakip na yari sa balat ng poka* at papatungan ng asul na tela, at ilalagay nila ang mga pingga* na pambuhat nito.+
7 “Maglalagay rin sila ng asul na tela sa ibabaw ng mesa ng tinapay na pantanghal,+ at ilalagay nila sa ibabaw nito ang mga pinggan, mga kopa, mga mangkok, at mga pitsel ng handog na inumin;+ dapat manatili sa ibabaw nito ang tinapay na regular na inihahandog.+ 8 Tatakpan nila ang mga iyon ng matingkad-na-pulang tela at papatungan ng pantakip na yari sa balat ng poka, at ilalagay nila sa mesa ang mga pingga na pambuhat+ nito. 9 At kukuha sila ng asul na tela at tatakpan ang kandelero,+ pati ang mga ilawan nito,+ mga pang-ipit ng mitsa* nito,+ mga lalagyan ng baga* nito, at lahat ng lalagyan ng langis para sa mga ilawan. 10 Babalutin nila ito at lahat ng kagamitan nito ng pantakip na yari sa balat ng poka at ilalagay sa isang kahoy na pambuhat. 11 At tatakpan nila ng asul na tela ang gintong altar+ at papatungan ito ng pantakip na yari sa balat ng poka, at ilalagay nila ang mga pingga nito.+ 12 Pagkatapos, kukunin nila ang lahat ng kagamitan+ sa paglilingkod na regular nilang ginagamit sa paglilingkod sa banal na lugar, at ilalagay nila ang mga iyon sa isang asul na tela, babalutin ng pantakip na yari sa balat ng poka, at ilalagay sa isang kahoy na pambuhat.
13 “Dapat nilang alisan ng abo* ang altar+ at takpan ito ng purpurang lana. 14 Ilalagay nila sa ibabaw nito ang lahat ng kagamitan nito na ginagamit kapag naglilingkod sila sa altar: ang mga lalagyan ng baga,* mga tinidor, mga pala, at mga mangkok, lahat ng kagamitan ng altar;+ at lalagyan nila ito ng pantakip na yari sa balat ng poka at ilalagay ang mga pingga na pambuhat nito.+
15 “Kapag aalis ang kampo, dapat matapos ni Aaron at ng mga anak niya ang paglalagay ng pantakip sa banal na lugar+ at sa lahat ng kagamitan nito. At papasok ang mga anak ni Kohat para buhatin ang mga iyon,+ pero hindi nila puwedeng hipuin ang banal na lugar dahil mamamatay sila.+ Ito ang mga pananagutan* ng mga anak ni Kohat may kaugnayan sa tolda ng pagpupulong.
16 “Si Eleazar+ na anak ni Aaron na saserdote ang inatasang mangasiwa sa langis ng mga ilawan,+ mabangong insenso,+ araw-araw na paghahain ng handog na mga butil, at langis para sa pag-aatas.+ Siya ang nangangasiwa sa buong tabernakulo at sa lahat ng naroon, pati na sa banal na lugar at mga kagamitan nito.”
17 Sinabi pa ni Jehova kina Moises at Aaron: 18 “Huwag ninyong hayaang mapuksa ang mga inapo ni Kohat+ na mula sa tribo ni Levi. 19 Sa halip, gawin ninyo ito para sa kanila nang manatili silang buháy at hindi mamatay dahil sa paglapit sa mga kabanal-banalang bagay.+ Papasok si Aaron at ang mga anak niya at iaatas ang gawain ng bawat isa at kung ano ang bubuhatin nito. 20 Kapag pumasok ang mga Kohatita, hindi nila dapat makita ang mga banal na bagay kahit sandali lang, dahil mamamatay sila.”+
21 At sinabi ni Jehova kay Moises: 22 “Dapat magsagawa ng sensus sa mga anak ni Gerson,+ ayon sa angkan at pamilya nila. 23 Irerehistro mo ang lahat ng 30 hanggang 50 taóng gulang na kasama sa grupong inatasang maglingkod sa tolda ng pagpupulong. 24 Ito ang nakaatas na asikasuhin at buhatin ng mga pamilya ng mga Gersonita:+ 25 Bubuhatin nila ang mga telang pantolda ng tabernakulo,+ ang tolda ng pagpupulong, ang pantakip nito at pantakip na yari sa balat ng poka na nasa ibabaw nito,+ ang pantabing* sa pasukan ng tolda ng pagpupulong,+ 26 ang nakasabit na tabing ng looban,+ ang pantabing* sa pasukan ng looban+ na kinaroroonan ng tabernakulo at altar, ang mga panaling pantolda nito at lahat ng kagamitan nito, at ang lahat ng bagay na ginagamit sa paglilingkod dito. Ito ang atas nila. 27 Lahat ng gawain at pasan ng mga Gersonita+ ay dapat pangasiwaan ni Aaron at ng mga anak niya; iaatas ninyo sa kanila ang lahat ng bubuhatin nila bilang pananagutan nila. 28 Ito ang gawain ng mga pamilya ng mga Gersonita may kaugnayan sa tolda ng pagpupulong,+ at ang mga gawain nila ay pangangasiwaan ni Itamar+ na anak ni Aaron na saserdote.
29 “Irerehistro mo ang mga anak ni Merari+ ayon sa pamilya at angkan nila. 30 Irerehistro mo ang mga mula 30 hanggang 50 taóng gulang, ang lahat ng kasama sa grupong inatasang maglingkod sa tolda ng pagpupulong. 31 Ito ang pananagutan nilang buhatin+ may kaugnayan sa paglilingkod nila sa tolda ng pagpupulong: ang mga hamba+ ng tabernakulo at ang mga barakilan,*+ mga haligi,+ at may-butas na mga patungan ng mga ito;+ 32 ang mga haligi+ na nakapalibot sa looban at ang may-butas na mga patungan,+ mga tulos na pantolda,+ at mga panaling pantolda ng mga ito, pati na ang lahat ng kagamitan ng mga ito at lahat ng gawaing may kaugnayan sa mga ito. Iaatas mo sa bawat isa sa kanila kung anong kagamitan ang pananagutan nilang buhatin. 33 Sa ganitong paraan maglilingkod sa tolda ng pagpupulong ang mga pamilya ng mga anak ni Merari,+ sa pangangasiwa ni Itamar na anak ni Aaron na saserdote.”+
34 At inirehistro nina Moises at Aaron at ng mga pinuno+ ng bayan ang mga Kohatita+ ayon sa pamilya at angkan ng mga ito, 35 lahat ng 30 hanggang 50 taóng gulang na kasama sa grupong inatasang maglingkod sa tolda ng pagpupulong.+ 36 Ang lahat ng nairehistro ayon sa pamilya ng mga ito ay 2,750.+ 37 Ito ang mga nairehistro mula sa mga pamilya ng mga Kohatita, lahat ng naglilingkod sa tolda ng pagpupulong. Sila ay inirehistro nina Moises at Aaron ayon sa utos ni Jehova sa pamamagitan ni Moises.+
38 Ang mga anak ni Gerson+ ay inirehistro ayon sa pamilya at angkan nila, 39 lahat ng 30 hanggang 50 taóng gulang na kasama sa grupong inatasang maglingkod sa tolda ng pagpupulong. 40 Ang lahat ng nairehistro ayon sa pamilya at angkan nila ay 2,630.+ 41 Ganito inirehistro ang mga pamilya ng mga anak ni Gerson, lahat ng naglilingkod sa tolda ng pagpupulong. Sila ay inirehistro nina Moises at Aaron ayon sa utos ni Jehova.+
42 Ang mga anak ni Merari ay inirehistro ayon sa pamilya at angkan nila, 43 lahat ng 30 hanggang 50 taóng gulang na kasama sa grupong inatasang maglingkod sa tolda ng pagpupulong.+ 44 Ang lahat ng nairehistro ayon sa pamilya nila ay 3,200.+ 45 Ganito inirehistro ang mga pamilya ng mga anak ni Merari, na inirehistro nina Moises at Aaron ayon sa utos ni Jehova sa pamamagitan ni Moises.+
46 Inirehistro nina Moises at Aaron at ng mga pinuno ng Israel ang lahat ng Levitang ito ayon sa pamilya at angkan ng mga ito; 47 ang mga ito ay mula 30 hanggang 50 taóng gulang, at inatasan ang lahat na maglingkod at magbuhat ng pasan may kaugnayan sa tolda ng pagpupulong.+ 48 Ang lahat ng nairehistro ay 8,580.+ 49 Sila ay inirehistro ayon sa utos ni Jehova sa pamamagitan ni Moises, bawat isa ayon sa kani-kaniyang nakaatas na gawain at pasan; inirehistro sila gaya ng iniutos ni Jehova kay Moises.