EDAD
Ang panahong ikinabuhay ng isa, kadalasa’y binibilang sa pamamagitan ng mga taon, mga buwan, at mga araw. Sa idyomang Hebreo, sinasabi na ang isang tao ay “anak ng” partikular na dami ng taon upang ilarawan ang kaniyang pisikal na edad. Kaya sa literal, si Jose ay sinasabing namatay bilang “anak ng isang daan at sampung taon,” samakatuwid nga, “sa edad na isang daan at sampung taon.” (Gen 50:26) Ang edad ay maaari ring tumukoy sa pagiging may edad na. Ang salitang Hebreo na sehv o seh·vahʹ (edad; katandaan) ay nagmula sa isang salitang-ugat na nangangahulugang “maging ubanin” at isinasalin din bilang “ulong may uban.” (1Sa 12:2; Kaw 20:29) Ang ilang salitang Hebreo na may kinalaman sa katandaan at pagtanda ay hinalaw sa pangngalang za·qanʹ, nangangahulugang “balbas.” (Lev 19:27) Ang salitang Griego naman na he·li·kiʹa ay pangunahing tumutukoy sa “haba ng buhay” o “gulang” ng isang indibiduwal ngunit maaari ring tumukoy sa “pisikal na paglaki” o laki ng isang tao. (Mat 6:27; Ju 9:21; Luc 2:52; 19:3) Lumilitaw rin sa Griegong Kasulatan ang geʹras (“katandaan”; Luc 1:36), pre·sbyʹtes (“lalaking matanda na”; Flm 9), at pre·sbyʹtis (‘matandang babae’; Tit 2:3). Ang dalawang huling nabanggit na mga salita ay nauugnay sa pre·sbyʹte·ros, nangangahulugang “matandang lalaki; matanda.”—Tingnan ang MATANDANG LALAKI.
Sa ilalim ng Kautusan, nagiging kuwalipikado ang mga lalaki para sa paglilingkod militar sa edad na 20 taon. (Bil 1:3) Malamang, ang taong bulag mula pa nang kapanganakan nito na binigyan ni Jesus ng paningin ay di-kukulangin sa 20 taóng gulang, yamang sinabi ng kaniyang mga magulang sa mga nagtatanong sa kanila: “Tanungin ninyo siya. Nasa hustong gulang na siya. Dapat siyang magsalita para sa kaniyang sarili.” (Ju 9:21, 23) Tinukoy naman si Sara bilang ‘lampas na sa takdang gulang’ ng pag-aanak, yamang noon ay mga 90 taóng gulang na siya.—Heb 11:11.
May ibinigay na takdang gulang kung kailan magiging kuwalipikado ang isa para sa paglilingkod sa templo at takdang gulang kung kailan naman magtatapos ang katungkulang paglilingkod. Sinasabi ng ilan na may pagkakasalungatan ang mga pananalita sa Bilang 4:3, 30, 31 at 8:24-26, yamang binabanggit sa naunang mga teksto na ang edad ng pagpasok sa Levitikong paglilingkod ay 30 taóng gulang at sa pangalawang teksto naman ay 25 taóng gulang. Gayunman, waring dalawang kategorya ng paglilingkod ang tinutukoy rito. Kaya naman inihaharap ng ilang impormasyong rabiniko ang pangmalas na sa edad na 25, ang isang Levita ay dinadala sa paglilingkod sa tabernakulo ngunit upang gumanap lamang ng mas magagaan na atas, at pagkatapos, pagsapit niya sa hustong edad na 30, binibigyan na siya ng mas mabibigat na atas. Itinatawag-pansin nila na ang mga pagtukoy sa “gawain” at sa ‘mabigat na paglilingkod at paglilingkod na pagdadala ng mga pasan’ na binanggit sa Bilang 4:3, 47 ay wala sa Bilang 8:24, kung saan ang takdang gulang ay 25. Iminumungkahi pa ng iba na yaong mga naglilingkod mula sa edad na 30 taon pataas ang bumubuhat sa tabernakulo at sa mga kasangkapan nito kapag inililipat ito, samantalang yaong mga naglilingkod mula sa edad na 25 hanggang 30 ay naglilingkod lamang kapag itinatayo ang tabernakulo at habang nakapirme ito sa isang lugar ng kampamento. Yaong mga nagsasabi na ibinibigay lamang ang mas mabibigat na atas doon sa mga sumapit na sa edad 30 ay nangangatuwiran na sa edad na iyon, malamang na nakamit na ng isa ang higit na lakas, pagkamaygulang ng isip, at matinong pagpapasiya. Sa Griegong Septuagint, ang edad na ibinigay ay 25, kapuwa sa Bilang 4:3 at 8:24. Nang maglaon, noong mga araw ni David, ibinaba sa 20 taon ang takdang gulang ng pagpasok sa paglilingkod sa tabernakulo, na nang bandang huli ay hinalinhan ng paglilingkod sa templo.—1Cr 23:24-32; ihambing din ang Ezr 3:8.
Kung tungkol sa pagreretiro sa katungkulang paglilingkod, nagaganap ito kapag ang mga Levita ay sumapit na sa edad na 50. Ipinahihiwatig ng pananalita sa Bilang 8:25, 26 na sa ganitong edad, ang mga Levita ay maaari pa ring kusang-loob na tumulong sa mga kuwalipikado pang gumanap ng iniatas na mga tungkulin, ngunit sila mismo ay hindi na bibigyan ng espesipikong atas ni pananagutan pa nila na gampanan iyon. Iminumungkahi na ang takdang gulang ng pagreretiro sa Levitikong paglilingkod ay ibinigay hindi lamang bilang konsiderasyon sa kanilang edad kundi upang huwag dumami nang husto ang mga gumaganap sa gayong mga katungkulan. Ang takdang gulang na ito para sa mga Levita ay hindi kapit sa Aaronikong mataas na saserdote, yamang ang mataas na saserdote ay naglilingkod sa banal na katungkulan niya hanggang sa kaniyang kamatayan hangga’t kaya niya. (Bil 35:25) Ang unang mataas na saserdote ng Israel na si Aaron ay pinili ukol sa paglilingkod noong mahigit na siyang 80 taóng gulang at naglingkod nang halos 40 taon.—Exo 7:7; Bil 33:39.
Ang Griegong “Aion.” Ang “edad” ay maaari ring tumukoy sa isang yugto ng panahon sa kasaysayan ng tao, mayroon man itong pinetsahang mga hangganan o wala. Malimit itong gamitin bilang salin ng salitang Griego na ai·onʹ (pangmaramihan, ai·oʹnes). Ipinakikita ng mga leksikograpo sa wikang Griego na ang salitang ito ay nangangahulugang “yugto ng panahon na may malinaw na mga hangganan, ‘epoch,’ edad,” at gayundin, “buong buhay, buhay,” o “edad, salinlahi o henerasyon.” Yamang ang isang epoch, o edad, ay maaaring magsimula at matapos o maaaring magpatuloy magpakailanman, makatuwiran lamang na ang ai·onʹ ay maaaring tumukoy sa isang yugto ng panahon na walang katapusan, bagaman may pasimula. Kaya naman, gaya ng iniulat sa Marcos 3:29, sinabi ni Jesus na ang namumusong laban sa banal na espiritu ay nagkakasala ng “walang-hanggang [namamalagi, walang-katapusan, walang-wakas na] kasalanan,” o kasalanang hindi kailanman kakanselahin. Isang katulad na pananalita ang ginamit may kinalaman sa walang-bungang puno ng igos, kung saan ang “magpakailanman” sa wikang Griego ay literal na nangangahulugang “hanggang [para] sa edad.” (Mat 21:19) Tungkol kay Jesus, nangako ang anghel na “siya ay mamamahala bilang hari sa sambahayan ni Jacob magpakailanman [sa literal, hanggang sa mga edad].”—Luc 1:33; tingnan ang PANAHONG WALANG TAKDA.
Gayunman, ang ai·onʹ ay maaari ring tumukoy nang mas partikular sa di-nagbabagong kalagayan ng mga bagay-bagay o sa kasalukuyang kalakaran ng mga bagay-bagay o sa mga katangian na pagkakakilanlan ng isang espesipikong yugto ng panahon, epoch, o edad sa halip na sa mismong panahon lamang. Gaya ng sabi ni R. C. Trench sa Synonyms of the New Testament (London, 1961, p. 203): “Palibhasa’y nagpapahiwatig ng panahon, sa kasalukuyan ay tumutukoy ito sa lahat ng bagay na umiiral sa sanlibutan sa ilalim ng mga kalagayan ng panahon; . . . at gayundin, sa mas etikal na pangmalas, sa landas at agos ng mga pangyayari sa sanlibutang ito.”—Tingnan ang SANLIBUTAN; SISTEMA NG MGA BAGAY, MGA.