Ikalawang Cronica
35 Nagdaos si Josias ng isang Paskuwa+ para kay Jehova sa Jerusalem, at pinatay nila ang hain para sa Paskuwa+ noong ika-14 na araw ng unang buwan.+ 2 Inatasan niya ang mga saserdote sa kanilang mga tungkulin at pinatibay silang gampanan ang mga atas nila sa bahay ni Jehova.+ 3 Pagkatapos, sinabi niya sa mga Levita, na mga tagapagturo sa buong Israel+ at mga banal para kay Jehova: “Ilagay ninyo ang banal na Kaban sa bahay na itinayo ni Solomon na anak ni David na hari ng Israel;+ hindi na ninyo iyon bubuhatin sa mga balikat ninyo.+ Maglingkod kayo ngayon kay Jehova na inyong Diyos at sa bayan niyang Israel. 4 At maghanda kayo para sa paglilingkod ayon sa inyong mga angkan at ayon sa inyong mga pangkat, kaayon ng isinulat ni Haring David+ ng Israel at ng anak niyang si Solomon.+ 5 Tumayo kayo sa banal na lugar nang nakapangkat ayon sa mga angkan ng bayan,* na mga kapatid ninyo; bawat pangkat ay dapat na may isang grupo mula sa angkan ng mga Levita. 6 Patayin ninyo ang hain para sa Paskuwa+ at pabanalin ang inyong sarili at maghanda kayo para sa inyong mga kapatid nang masunod ninyo ang sinabi ni Jehova sa pamamagitan ni Moises.”
7 Nag-abuloy si Josias sa bayan ng mga kawan, mga lalaking kordero* at mga batang kambing na lalaki, para ihandog sa Paskuwa para sa lahat ng naroon. Lahat ng iyon ay 30,000, at nag-abuloy rin siya ng 3,000 baka. Mula ito sa mga pag-aari ng hari.+ 8 Nagbigay rin ang kaniyang matataas na opisyal ng kusang-loob na handog para sa bayan, sa mga saserdote, at sa mga Levita. Sina Hilkias,+ Zacarias, at Jehiel, ang mga pinuno sa bahay ng tunay na Diyos, ay nagbigay sa mga saserdote ng 2,600 hain para sa Paskuwa at 300 baka. 9 Si Conanias at ang mga kapatid niyang sina Semaias at Netanel, pati sina Hasabias, Jeiel, at Jozabad, na mga pinuno ng mga Levita, ay nag-abuloy sa mga Levita ng 5,000 hain para sa Paskuwa at 500 baka.
10 Natapos ang mga paghahanda, at tumayo ang mga saserdote sa mga puwesto nila at ang mga Levita ayon sa pangkat nila,+ gaya ng iniutos ng hari. 11 Pinatay nila ang mga hain para sa Paskuwa,+ at iwinisik ng mga saserdote ang dugo na tinanggap ng mga ito mula sa kanila,+ habang binabalatan ng mga Levita ang mga hayop.+ 12 Pagkatapos, inihanda nila ang mga handog na sinusunog para ipamahagi sa bayan, na nakapangkat ayon sa angkan, para maihandog kay Jehova ang mga iyon ayon sa nakasulat sa aklat ni Moises; at ganoon din ang ginawa nila sa mga baka. 13 Niluto* nila ang hain para sa Paskuwa sa ibabaw ng apoy ayon sa kaugalian;+ at niluto nila ang mga banal na handog sa mga kaldero, kawali, at iba pang lutuan. Pagkaluto, dinala nila ito agad sa mga tao. 14 Pagkatapos, naghanda sila para sa kanilang sarili at para sa mga saserdote, dahil ang mga saserdote, ang mga inapo ni Aaron, ay naghahandog ng mga haing sinusunog at ng mga taba hanggang gabi, kaya ang mga Levita ang naghanda para sa sarili nila at para sa mga saserdote, ang mga inapo ni Aaron.
15 At ang mga mang-aawit, na mga anak ni Asap,+ ay nasa mga puwesto nila ayon sa utos ni David,+ ni Asap,+ ni Heman, at ng lingkod ng hari na si Jedutun+ na nakakakita ng pangitain; at ang mga bantay ay nasa iba’t ibang pintuang-daan.+ Hindi na nila kinailangang iwan ang atas nila, dahil ang mga kapatid nilang Levita ang naghanda para sa kanila. 16 Kaya natapos nila sa araw na iyon ang lahat ng ipinahahanda ni Jehova para sa pagdiriwang ng Paskuwa+ at para sa pag-aalay ng mga handog na sinusunog sa altar ni Jehova, ayon sa utos ni Haring Josias.+
17 Ang mga Israelita na naroon ay nagdiwang ng Paskuwa nang panahong iyon at ng Kapistahan ng Tinapay na Walang Pampaalsa sa loob ng pitong araw.+ 18 Hindi pa kailanman naipagdiwang nang ganoon ang Paskuwa sa Israel mula nang panahon ng propetang si Samuel; hindi pa rin kailanman naipagdiwang ng ibang hari ng Israel ang Paskuwa na gaya ng ginawa ni Josias,+ ng mga saserdote, ng mga Levita, ng buong Juda at Israel na naroon, at ng mga taga-Jerusalem. 19 Ipinagdiwang ang Paskuwang ito noong ika-18 taon ng paghahari ni Josias.
20 Pagkatapos ng lahat ng ito, nang maayos na ni Josias ang templo,* pumunta si Haring Neco+ ng Ehipto sa Carkemis sa tabi ng Eufrates para makipagdigma. At hinarap siya ni Josias.+ 21 Kaya nagsugo siya ng mga mensahero para sabihin kay Josias: “Ano ang kinalaman mo rito, hari ng Juda? Hindi ako pumunta rito para makipaglaban sa iyo ngayon; sa ibang sambahayan ako makikipaglaban, at sinabi ng Diyos na kailangan kong magmadali. Para sa ikabubuti mo, huwag mong labanan ang Diyos, na sumasaakin; mapapahamak ka lang.” 22 Pero ayaw umatras ni Josias; hindi siya nakinig sa sinabi ni Neco, na nagmula sa bibig ng Diyos, at nagbalatkayo siya+ para labanan ito. Kaya pumunta siya sa Kapatagan ng Megido+ at nakipagdigma.
23 At natamaan ng mga mamamanà si Haring Josias, kaya sinabi ng hari sa mga lingkod niya: “Ilayo ninyo ako rito. Malubha ang sugat ko.” 24 Kaya kinuha siya ng mga lingkod niya sa karwahe at inilipat sa kaniyang ikalawang karwaheng pandigma at dinala sa Jerusalem. At namatay siya at inilibing sa libingan ng mga ninuno niya,+ at nagdalamhati ang buong Juda at Jerusalem para kay Josias. 25 Umawit si Jeremias+ ng awit ng pagdadalamhati para kay Josias. Hanggang ngayon, patuloy na inaawit ng lahat ng lalaki at babaeng mang-aawit+ ang awit ng pagdadalamhati tungkol kay Josias; at naging kaugalian* sa Israel na awitin ang mga iyon, at nakasulat ang mga iyon sa aklat ng mga awit ng pagdadalamhati.
26 Ang iba pang nangyari kay Josias at ang ipinakita niyang tapat na pag-ibig, na kaayon ng nakasulat sa Kautusan ni Jehova, 27 at ang mga ginawa niya, mula sa umpisa hanggang sa katapusan, ay nakasulat sa Aklat ng mga Hari ng Israel at ng Juda.+