Ikalawang Cronica
34 Walong taóng gulang si Josias+ nang maging hari, at namahala siya nang 31 taon sa Jerusalem.+ 2 Ginawa niya ang tama sa paningin ni Jehova at lumakad siya sa mga daan ng ninuno niyang si David, at hindi siya lumihis sa kanan o sa kaliwa.
3 Nang ika-8 taon ng paghahari niya, noong bata pa siya, sinimulan niyang hanapin ang Diyos ng ninuno niyang si David.+ At noong ika-12 taon, sinimulan niyang linisin ang Juda at Jerusalem;+ inalis niya ang matataas na lugar+ at ang mga sagradong poste,* inukit na imahen,+ at metal na estatuwa. 4 Bukod diyan, giniba nila sa harap niya ang mga altar ng mga Baal, at pinutol niya ang mga patungan ng insenso na nasa ibabaw ng mga ito. Pinagdurog-durog din niya ang mga sagradong poste,* inukit na imahen, at metal na estatuwa at pinulbos ang mga ito at isinaboy sa ibabaw ng libingan ng mga dating naghahandog sa mga iyon.+ 5 At sinunog niya ang buto ng mga saserdote sa ibabaw ng mga altar ng mga ito.+ Sa gayon, nalinis niya ang Juda at ang Jerusalem.
6 At sa mga lunsod ng Manases, Efraim,+ Simeon, at hanggang sa Neptali, sa mga wasak na lugar sa palibot ng mga ito, 7 giniba niya ang mga altar at pinagdurog-durog at pinulbos ang mga sagradong poste* at inukit na imahen;+ at pinutol niya ang lahat ng patungan ng insenso sa buong lupain ng Israel.+ Pagkatapos, bumalik siya sa Jerusalem.
8 Noong ika-18 taon ng paghahari niya, nang malinis na niya ang lupain at ang templo,* isinugo niya ang anak ni Azalias na si Sapan,+ ang pinuno ng lunsod na si Maaseias, at ang tagapagtala na si Joa na anak ni Joahaz para kumpunihin ang bahay ni Jehova na kaniyang Diyos.+ 9 Pinuntahan nila ang mataas na saserdoteng si Hilkias at ibinigay sa kaniya ang perang dinala sa bahay ng Diyos, na kinolekta ng mga Levita na nagbabantay sa pinto mula sa Manases, Efraim, at sa lahat ng iba pa sa Israel,+ pati sa Juda, Benjamin, at sa mga nakatira sa Jerusalem. 10 Pagkatapos, ibinigay nila ito sa mga inatasang mangasiwa sa gawain sa bahay ni Jehova. Ginamit naman ito ng mga manggagawa sa bahay ni Jehova para ayusin at kumpunihin ang bahay. 11 Ibinigay nila ito sa mga bihasang manggagawa at sa mga tagapagtayo para ipambili ng mga batong tinabas at mga kahoy na gagamiting pansuporta at para lagyan ng mga biga ang mga bahay na hinayaang masira ng mga hari ng Juda.+
12 Nagtrabaho nang tapat ang mga lalaki.+ Inatasang mangasiwa sa kanila ang mga Levitang sina Jahat at Obadias na mga Merarita,+ at sina Zacarias at Mesulam na mga Kohatita.+ At ang mga Levita, na lahat ay mahuhusay na manunugtog,+ 13 ang nangangasiwa sa karaniwang mga manggagawa* at sa lahat ng gumagawa ng iba’t ibang paglilingkod; at ang ilan sa mga Levita ay mga kalihim, opisyal, at bantay ng pintuang-daan.+
14 Habang inilalabas nila ang perang dinala sa bahay ni Jehova,+ nakita ng saserdoteng si Hilkias ang aklat ng Kautusan ni Jehova+ na ibinigay sa pamamagitan* ni Moises.+ 15 Kaya sinabi ni Hilkias sa kalihim na si Sapan: “Nakita ko sa bahay ni Jehova ang aklat ng Kautusan.” At ibinigay ni Hilkias kay Sapan ang aklat. 16 Pagkatapos, dinala ni Sapan sa hari ang aklat at sinabi: “Ginagawa ng mga lingkod mo ang lahat ng iniatas sa kanila. 17 Kinuha nila ang perang nasa bahay ni Jehova, at ibinigay nila iyon sa mga inatasan at sa mga manggagawa.” 18 Sinabi rin ng kalihim na si Sapan sa hari: “May aklat na ibinigay sa akin ang saserdoteng si Hilkias.”+ At binasa iyon ni Sapan sa harap ng hari.+
19 Nang marinig ng hari ang sinasabi sa Kautusan, pinunit niya ang damit niya.+ 20 Pagkatapos, inutusan ng hari si Hilkias, si Ahikam+ na anak ni Sapan, si Abdon na anak ni Mikas, ang kalihim na si Sapan, at ang lingkod ng hari na si Asaias: 21 “Sumangguni kayo kay Jehova alang-alang sa akin at alang-alang sa mga natira sa Israel at sa Juda tungkol sa mga sinasabi sa aklat na ito na natagpuan; matindi ang galit na ibubuhos sa atin ni Jehova dahil hindi sinunod ng mga ninuno natin ang salita ni Jehova; hindi nila ginawa ang lahat ng nakasulat sa aklat na ito.”+
22 Kaya si Hilkias, kasama ang mga isinugo ng hari, ay pumunta sa propetisang+ si Hulda. Siya ay asawa ng tagapag-ingat ng bihisan na si Salum na anak ni Tikva na anak ni Harhas. Nakatira si Hulda sa Ikalawang Distrito ng Jerusalem; at nakipag-usap sila sa kaniya roon.+ 23 Sinabi niya sa kanila: “Ito ang sinabi ni Jehova na Diyos ng Israel, ‘Sabihin ninyo sa lalaking nagsugo sa inyo: 24 “Ito ang sinabi ni Jehova, ‘Magdadala ako ng kapahamakan sa lugar na ito at sa mga nakatira dito,+ ang lahat ng sumpang nakasulat sa aklat+ na binasa nila sa harap ng hari ng Juda. 25 Dahil iniwan nila ako+ at nagsusunog sila ng mga handog sa ibang mga diyos para galitin ako+ sa pamamagitan ng lahat ng gawa ng kanilang kamay, ibubuhos ko ang galit ko sa lugar na ito at hindi ito mapapawi.’”+ 26 Pero ito ang sasabihin ninyo sa hari ng Juda na nagsugo sa inyo para sumangguni kay Jehova, “Ito ang sinabi ni Jehova na Diyos ng Israel tungkol sa mga salitang narinig mo:+ 27 ‘Dahil maamo ka* at nagpakumbaba ka sa harap ng Diyos nang marinig mo ang sinabi niya tungkol sa lugar na ito at sa mga nakatira dito at nagpakumbaba ka sa harap ko at pinunit mo ang damit mo at umiyak ka sa harap ko, pinakinggan din kita,+ ang sabi ni Jehova. 28 Kaya hindi mo makikita ang lahat ng kapahamakang pasasapitin ko sa lugar na ito at sa mga nakatira dito. Mamamatay ka* at ihihigang payapa sa libingan mo.’”’”+
Pagkatapos, iniulat nila sa hari ang sinabi ng propetisa. 29 Kaya ipinatawag ng hari ang lahat ng matatandang lalaki ng Juda at Jerusalem.+ 30 Pagkatapos, pumunta ang hari sa bahay ni Jehova kasama ang lahat ng lalaki ng Juda, ang mga nakatira sa Jerusalem, ang mga saserdote, ang mga Levita—ang lahat ng tao, ang nakabababa at ang nakatataas. Binasa niya sa kanila ang lahat ng nakasulat sa aklat ng tipan na nakita sa bahay ni Jehova.+ 31 Nanatiling nakatayo ang hari, at nakipagtipan siya*+ kay Jehova na susundin niya si Jehova at tutuparin ang Kaniyang mga utos, paalaala, at tuntunin nang kaniyang buong puso at buong kaluluwa+ sa pamamagitan ng pagsunod sa tipan na nakasulat sa aklat na ito.+ 32 Bukod diyan, hinikayat niya ang lahat ng nasa Jerusalem at Benjamin na sundin ang tipan. At sumunod ang mga taga-Jerusalem sa tipan ng Diyos, ang Diyos ng kanilang mga ninuno.+ 33 Pagkatapos, inalis ni Josias ang lahat ng kasuklam-suklam na bagay* sa lahat ng lupain ng mga Israelita,+ at inudyukan niya ang lahat sa Israel na maglingkod kay Jehova na kanilang Diyos. Sa buong buhay niya,* hindi sila lumihis sa pagsunod kay Jehova na Diyos ng kanilang mga ninuno.