Levitico
1 At tinawag ni Jehova si Moises at sinabi sa kaniya mula sa tolda ng pagpupulong:+ 2 “Sabihin mo sa mga Israelita, ‘Kung ang sinuman sa inyo ay maghahandog kay Jehova ng alagang hayop, ang handog ay dapat na manggaling sa bakahan o sa kawan.+
3 “‘Kung handog na sinusunog ang ihahandog niya at kinuha niya ito sa bakahan, dapat siyang magdala ng malusog na toro.*+ Kusang-loob+ niya itong dadalhin sa harap ni Jehova sa pasukan ng tolda ng pagpupulong. 4 Ipapatong niya ang kamay niya sa ulo ng handog na sinusunog, at tatanggapin ito bilang pambayad sa kasalanan niya.
5 “‘Pagkatapos, papatayin ang batang toro sa harap ni Jehova; ang dugo ay ihahandog ng mga anak ni Aaron, na mga saserdote,+ at iwiwisik nila ang dugo sa lahat ng panig ng altar,+ na nasa pasukan ng tolda ng pagpupulong. 6 Ang handog na sinusunog ay dapat balatan at pagputol-putulin.+ 7 Ang mga anak ni Aaron, na mga saserdote, ay maglalagay ng mga baga sa ibabaw ng altar,+ at aayusin nila ang kahoy sa ibabaw ng mga baga. 8 Ang pinagputol-putol na piraso ng handog, kasama ang ulo at taba,* ay aayusin+ ng mga anak ni Aaron, na mga saserdote, sa ibabaw ng altar, sa ibabaw ng kahoy na nakapatong sa mga baga. 9 Huhugasan sa tubig ang mga bituka at binti nito, at ang lahat ng iyon ay susunugin ng saserdote para pumailanlang mula sa altar ang usok nito bilang handog na sinusunog, isang handog na pinaraan sa apoy, isang nakagiginhawang amoy para kay Jehova.+
10 “‘Kung ang iaalay niya bilang handog na sinusunog ay galing sa kawan,+ mula sa mga batang tupa o mga kambing, dapat siyang maghandog ng isang malusog na lalaki.+ 11 Papatayin iyon sa hilagang bahagi ng altar sa harap ni Jehova, at iwiwisik ng mga anak ni Aaron, na mga saserdote, ang dugo nito sa lahat ng panig ng altar.+ 12 Pagpuputol-putulin niya ito; at ang mga piraso nito, kasama ang ulo at taba,* ay aayusin ng saserdote sa ibabaw ng altar, sa ibabaw ng kahoy na nakapatong sa mga baga. 13 Huhugasan niya sa tubig ang mga bituka at binti nito, at ang lahat ng iyon ay ihahandog ng saserdote at susunugin para pumailanlang mula sa altar ang usok. Iyon ay handog na sinusunog, isang handog na pinaraan sa apoy, isang nakagiginhawang amoy para kay Jehova.
14 “‘Pero kung maghahandog siya ng ibon bilang handog na sinusunog para kay Jehova, kukuha siya ng handog mula sa mga batubato o inakáy ng kalapati.+ 15 Dadalhin iyon ng saserdote sa altar at gigilitan sa leeg, at susunugin niya iyon para pumailanlang mula sa altar ang usok, pero ang dugo nito ay dapat patuluing mabuti sa gilid ng altar. 16 Aalisin niya ang laman-loob* at mga balahibo nito at itatapon ang mga iyon sa tabi ng altar, sa silangang bahagi, kung saan inilalagay ang abo.*+ 17 Bibiyakin niya ito sa gitna, sa pagitan ng mga pakpak nito, pero hindi niya ito paghihiwalayin. At susunugin iyon ng saserdote sa ibabaw ng altar, sa ibabaw ng kahoy na nakapatong sa mga baga, para pumailanlang ang usok. Iyon ay handog na sinusunog, isang handog na pinaraan sa apoy, isang nakagiginhawang amoy para kay Jehova.