Mga Hukom
10 Pagkatapos ni Abimelec, si Tola mula sa tribo ni Isacar ang naging tagapagligtas ng Israel.+ Siya ay anak ni Pua, na anak ni Dodo; at nakatira siya sa Samir sa mabundok na rehiyon ng Efraim. 2 Naghukom siya sa Israel nang 23 taon. Nang maglaon, namatay siya at inilibing sa Samir.
3 Pagkatapos niya, si Jair na Gileadita ang naging hukom sa Israel sa loob ng 22 taon. 4 Mayroon siyang 30 anak na sumasakay sa 30 asno, at mayroon silang 30 lunsod, na tinatawag pa rin ngayong Havot-jair;+ ang mga iyon ay nasa lupain ng Gilead. 5 Pagkatapos, namatay si Jair at inilibing sa Kamon.
6 Muling ginawa ng mga Israelita ang masama sa paningin ni Jehova,+ at nagsimula silang maglingkod sa mga Baal,+ sa mga imahen ni Astoret, sa mga diyos ng Aram,* sa mga diyos ng Sidon, sa mga diyos ng Moab,+ sa mga diyos ng mga Ammonita,+ at sa mga diyos ng mga Filisteo.+ Iniwan nila si Jehova at hindi sila naglingkod sa kaniya. 7 Kaya lumagablab ang galit ni Jehova laban sa Israel, at ibinigay* niya sila sa kamay ng mga Filisteo at ng mga Ammonita.+ 8 Pinahirapan at pinagmalupitan ng mga ito ang mga Israelita nang taóng iyon—sa loob ng 18 taon, pinagmalupitan ng mga ito ang lahat ng Israelita na nasa silangan ng Jordan sa dating lupain ng mga Amorita sa Gilead. 9 Tumatawid din ang mga Ammonita sa Jordan para makipaglaban sa Juda at sa Benjamin at sa sambahayan ng Efraim; kaya hirap na hirap ang Israel. 10 Nang maglaon, humingi ng tulong kay Jehova ang mga Israelita+ at nagsabi: “Nagkasala kami sa iyo, dahil iniwan namin ang aming Diyos at naglingkod kami sa mga Baal.”+
11 Pero sinabi ni Jehova sa mga Israelita: “Hindi ba iniligtas ko kayo mula sa Ehipto+ at mula sa mga Amorita,+ sa mga Ammonita, sa mga Filisteo,+ 12 sa mga Sidonio, sa Amalek, at sa Midian nang pahirapan nila kayo? Nang dumaing kayo sa akin, iniligtas ko kayo mula sa kamay nila. 13 Pero iniwan ninyo ako at naglingkod kayo sa ibang mga diyos.+ Kaya hindi ko na kayo muling ililigtas.+ 14 Lumapit kayo sa mga diyos na pinili ninyo at sa kanila kayo humingi ng tulong.+ Sila ang magligtas sa inyo sa panahon ng kagipitan.”+ 15 Pero sinabi ng mga Israelita kay Jehova: “Nagkasala kami. Gawin mo sa amin kung ano ang mabuti sa paningin mo. Pero pakisuyo, iligtas mo kami sa araw na ito.” 16 At inalis nila ang mga diyos ng mga banyaga at naglingkod sila kay Jehova,+ kaya hindi na niya natiis ang pagdurusa ng Israel.+
17 Nang maglaon, nagsama-sama ang mga Ammonita+ para makipagdigma at nagkampo sila sa Gilead. Kaya ang mga Israelita ay nagsama-sama at nagkampo sa Mizpa. 18 Ang bayan at ang matataas na opisyal ng Gilead ay nag-usap-usap: “Sino ang mangunguna sa pakikipaglaban sa mga Ammonita?+ Siya ang magiging pinuno ng lahat ng taga-Gilead.”