Mga Hukom
16 Minsan, nagpunta si Samson sa Gaza at nakakita roon ng isang babaeng bayaran, at pumasok siya sa bahay nito. 2 May nagsabi sa mga Gazita: “Nandito si Samson.” Kaya pinalibutan nila siya at magdamag na inabangan sa pintuang-daan ng lunsod. Nanatili silang tahimik nang buong gabi. Iniisip nila: “Kapag lumiwanag na, saka namin siya papatayin.”
3 Pero hanggang hatinggabi lang nanatiling nakahiga si Samson. Pagkatapos ay bumangon siya at hinawakan ang mga pinto ng pintuang-daan ng lunsod at ang dalawang posteng panggilid at binaklas ang mga iyon kasama ang trangka. Pinasan niya iyon at dinala sa tuktok ng bundok na nasa tapat ng Hebron.
4 Pagkatapos nito, umibig siya sa isang babaeng nagngangalang Delaila+ na nakatira sa Lambak* ng Sorek. 5 Ang mga pinuno ng mga Filisteo ay pumunta sa kaniya at nagsabi: “Linlangin* mo siya,+ at alamin mo kung ano ang nagbibigay sa kaniya ng pambihirang lakas at kung paano namin siya matatalo, maigagapos, at mabibihag. Bawat isa sa amin ay magbibigay sa iyo ng 1,100 pirasong pilak.”
6 Kaya sinabi ni Delaila kay Samson: “Pakisuyo, sabihin mo sa akin kung saan nanggagaling ang iyong pambihirang lakas at kung ano ang puwedeng gamitin para maigapos ka at mabihag.” 7 Sinabi sa kaniya ni Samson: “Kung tatalian nila ako ng pitong panghilagpos ng pana* na hindi pa napatutuyo, magiging kasinghina ako ng pangkaraniwang tao.” 8 Kaya dinalhan siya ng mga pinuno ng mga Filisteo ng pitong panghilagpos ng pana* na hindi pa napatutuyo, at tinalian niya si Samson ng mga iyon. 9 Samantala, may mga lalaki sa isa pang kuwarto na nakahandang sumalakay. Sumigaw si Delaila: “Nandiyan na ang mga Filisteo, Samson!” At nilagot niya ang mga panghilagpos ng pana, na parang sinulid lang ng lino* na naputol nang madampi sa apoy.+ Hindi nabunyag ang lihim ng lakas niya.
10 At sinabi ni Delaila kay Samson: “Niloko mo ako, nagsinungaling ka sa akin. Sige na, sabihin mo na sa akin kung ano ang maipantatali sa iyo.” 11 Kaya sinabi ni Samson sa kaniya: “Kung tatalian nila ako ng mga bagong lubid na hindi pa nagagamit, magiging kasinghina ako ng pangkaraniwang tao.” 12 Kaya kumuha si Delaila ng mga bagong lubid at itinali sa kaniya ang mga iyon at sumigaw siya: “Nandiyan na ang mga Filisteo, Samson!” (Samantala, may mga lalaki sa isa pang kuwarto na nakahandang sumalakay.) Kaya nilagot niya ang mga ito sa bisig niya na parang sinulid.+
13 Pagkatapos, sinabi ni Delaila kay Samson: “Niloloko mo pa rin ako at nagsinungaling ka sa akin.+ Sabihin mo sa akin kung ano ang maipantatali sa iyo.” Sinabi ni Samson sa kaniya: “Kung ititirintas mo ang pitong tirintas ng buhok ko na may kasamang sinulid mula sa habihan, manghihina ako.” 14 Kaya hinigpitan ni Delaila ang mga tirintas sa pamamagitan ng patpat* at sumigaw siya: “Nandiyan na ang mga Filisteo, Samson!” Kaya gumising ito at binunot ang patpat at ang sinulid.
15 Sinabi ni Delaila kay Samson: “Paano mo nasasabing ‘Mahal kita’+ kung hindi naman sa akin ang puso mo? Tatlong beses mo na akong niloloko at hindi mo sinasabi sa akin kung saan nanggagaling ang iyong pambihirang lakas.”+ 16 Dahil araw-araw na nangungulit at namimilit si Delaila, hindi na ito natagalan ni Samson.+ 17 Kaya bandang huli, sinabi na rin niya ang lahat: “Hindi pa ako napuputulan ng buhok sa ulo dahil isa akong Nazareo ng Diyos mula nang ipanganak ako.*+ Kung puputulan ako ng buhok, mawawala ang lakas ko at magiging kasinghina ako ng pangkaraniwang tao.”
18 Nang makita ni Delaila na sinabi na ni Samson ang lahat, ipinasabi niya sa mga pinuno ng mga Filisteo:+ “Pumunta kayo rito ngayon, dahil sinabi na niya sa akin ang lahat.” Kaya pinuntahan siya ng mga pinuno ng mga Filisteo dala ang pera. 19 Pinatulog niya si Samson sa kandungan niya; tinawag niya ang isang lalaki at ipinaputol ang pitong tirintas ng buhok nito. Pagkatapos, nasa mga kamay na ni Delaila si Samson, dahil unti-unti nang nawawala ang lakas nito. 20 Ngayon ay sumigaw siya: “Nandiyan na ang mga Filisteo, Samson!” Gumising ito at nagsabi: “Makakawala ako gaya ng dati.”+ Pero hindi niya alam na iniwan na siya ni Jehova. 21 Kaya sinunggaban siya ng mga Filisteo at dinukit ang mga mata niya. Dinala nila siya sa Gaza at iginapos ng dalawang kadenang tanso, at siya ay naging tagagiling ng butil sa bilangguan. 22 Pero ang buhok niya sa ulo ay nagsimulang humaba mula nang putulan ito.+
23 Ang mga pinuno ng mga Filisteo ay nagtipon-tipon para mag-alay ng maraming handog sa diyos nilang si Dagon+ at para magdiwang, dahil sinasabi nila: “Ibinigay ng ating diyos sa ating kamay ang kaaway nating si Samson!” 24 Nang makita siya ng mga tao, pinuri nila ang diyos nila at sinabi: “Ibinigay ng diyos natin sa ating kamay ang ating kaaway, ang sumira ng lupain natin+ at pumatay ng napakarami sa atin.”+
25 Dahil masayang-masaya sila, sinabi nila: “Tawagin si Samson para may mapagkatuwaan tayo.” Kaya tinawag nila si Samson mula sa bilangguan para gawin siyang katatawanan; pinatayo nila siya sa pagitan ng mga haligi. 26 Pagkatapos, sinabi ni Samson sa batang humahawak sa kamay niya: “Pahawakin mo ako sa mga haligi na sumusuporta sa bahay para makasandig ako sa mga iyon.” 27 (Ang bahay noon ay punô ng mga lalaki at babae. Ang lahat ng pinuno ng mga Filisteo ay naroon, at sa bubungan ay may mga 3,000 lalaki at babae na nanonood habang ginagawang katuwaan si Samson.)
28 Tumawag ngayon si Samson+ kay Jehova: “Kataas-taasang Panginoong Jehova, pakisuyo, alalahanin mo ako, at palakasin mo ako,+ pakisuyo, kahit ngayon lang, O aking Diyos, at hayaan mong maipaghiganti ko sa mga Filisteo ang isa sa mga mata ko.”+
29 At itinukod ni Samson ang kanan at kaliwang kamay niya sa dalawang panggitnang haligi na sumusuporta sa bahay. 30 Sumigaw si Samson: “Hayaan mo akong* mamatay kasama ng mga Filisteo!” Pagkatapos, itinulak niya ang mga haligi nang buong lakas, at bumagsak ang bahay sa mga pinuno at sa lahat ng naroon.+ Kaya mas marami siyang napatay nang mamatay siya kaysa noong nabubuhay siya.+
31 Nagpunta roon ang mga kapatid niya at ang buong pamilya ng kaniyang ama para kunin siya. Inilibing nila siya sa pagitan ng Zora+ at Estaol sa libingan ng ama niyang si Manoa.+ Naging hukom siya ng Israel sa loob ng 20 taon.+