Genesis
11 Nang panahong iyon, iisa lang ang wika at bokabularyo* ng buong lupa.* 2 Habang naglalakbay ang mga tao pasilangan, natuklasan nila ang isang kapatagan sa lupain ng Sinar,+ at tumira sila roon. 3 Pagkatapos, sinabi nila sa isa’t isa: “Halikayo! Gumawa tayo ng mga laryo* at lutuin ang mga iyon sa apoy.” Kaya gumamit sila ng laryo sa halip na bato at ng bitumen bilang argamasa.* 4 At sinabi nila: “Halikayo! Magtayo tayo ng isang lunsod para sa ating sarili at ng isang tore na aabot sa langit ang taluktok at gawin nating tanyag ang ating pangalan, para hindi tayo mangalat sa ibabaw ng buong lupa.”+
5 Pagkatapos, bumaba si Jehova para tingnan ang lunsod at ang tore na itinayo ng mga anak ng tao. 6 At sinabi ni Jehova: “Sila ay iisang bayan na may iisang wika,+ at ito ang ginawa nila. Ngayon, anumang bagay na maiisip nilang gawin ay magagawa nila. 7 Halika!* Bumaba tayo+ roon at guluhin natin ang wika nila para hindi nila maintindihan ang wika ng isa’t isa.” 8 Kaya mula roon ay pinangalat sila ni Jehova sa ibabaw ng buong lupa,+ at nang maglaon ay itinigil nila ang pagtatayo ng lunsod. 9 Iyan ang dahilan kung bakit tinawag itong Babel,*+ dahil doon ay ginulo ni Jehova ang wika ng buong lupa, at mula roon ay pinangalat sila ni Jehova sa ibabaw ng buong lupa.
10 Ito ang kasaysayan ni Sem.+
Si Sem ay 100 taóng gulang nang maging anak niya si Arpacsad+ dalawang taon pagkatapos ng Baha. 11 Nang maisilang ang anak niyang si Arpacsad, nabuhay pa si Sem nang 500 taon. At nagkaroon siya ng iba pang anak na lalaki at babae.+
12 Si Arpacsad ay 35 taóng gulang nang maging anak niya si Shela.+ 13 Nang maisilang ang anak niyang si Shela, nabuhay pa si Arpacsad nang 403 taon. At nagkaroon siya ng iba pang anak na lalaki at babae.
14 Si Shela ay 30 taóng gulang nang maging anak niya si Eber.+ 15 Nang maisilang ang anak niyang si Eber, nabuhay pa si Shela nang 403 taon. At nagkaroon siya ng iba pang anak na lalaki at babae.
16 Si Eber ay 34 na taóng gulang nang maging anak niya si Peleg.+ 17 Nang maisilang ang anak niyang si Peleg, nabuhay pa si Eber nang 430 taon. At nagkaroon siya ng iba pang anak na lalaki at babae.
18 Si Peleg ay 30 taóng gulang nang maging anak niya si Reu.+ 19 Nang maisilang ang anak niyang si Reu, nabuhay pa si Peleg nang 209 na taon. At nagkaroon siya ng iba pang anak na lalaki at babae.
20 Si Reu ay 32 taóng gulang nang maging anak niya si Serug. 21 Nang maisilang ang anak niyang si Serug, nabuhay pa si Reu nang 207 taon. At nagkaroon siya ng iba pang anak na lalaki at babae.
22 Si Serug ay 30 taóng gulang nang maging anak niya si Nahor. 23 Nang maisilang ang anak niyang si Nahor, nabuhay pa si Serug nang 200 taon. At nagkaroon siya ng iba pang anak na lalaki at babae.
24 Si Nahor ay 29 na taóng gulang nang maging anak niya si Tera.+ 25 Nang maisilang ang anak niyang si Tera, nabuhay pa si Nahor nang 119 na taon. At nagkaroon siya ng iba pang anak na lalaki at babae.
26 Nang si Tera ay 70 taóng gulang na, nagkaroon siya ng mga anak. Sila ay sina Abram,+ Nahor,+ at Haran.
27 Ito ang kasaysayan ni Tera.
Naging anak ni Tera sina Abram, Nahor, at Haran; at naging anak ni Haran si Lot.+ 28 Buháy pa si Tera nang mamatay ang anak niyang si Haran sa lupain kung saan ito ipinanganak, sa Ur+ ng mga Caldeo.+ 29 Nag-asawa sina Abram at Nahor. Ang pangalan ng asawa ni Abram ay Sarai,+ at ang pangalan ng asawa ni Nahor ay Milca,+ na anak ni Haran, ang ama nina Milca at Isca. 30 At si Sarai ay baog;+ wala siyang anak.
31 Pagkatapos, isinama ni Tera palabas ng Ur ng mga Caldeo ang anak niyang si Abram, ang apo niyang si Lot,+ na anak ni Haran, at ang manugang niyang si Sarai, na asawa ni Abram na kaniyang anak. Sumama sila sa kaniya papunta sa Canaan.+ Nang maglaon, nakarating sila sa Haran+ at tumira doon. 32 Nabuhay si Tera nang 205 taon, at namatay siya sa Haran.