Ikalawang Cronica
11 Pagbalik ni Rehoboam sa Jerusalem, tinipon niya agad ang sambahayan ng Juda at ng Benjamin,+ 180,000 sinanay na* mandirigma, para makipaglaban sa Israel at ibalik ang kaharian kay Rehoboam.+ 2 Pagkatapos, dumating kay Semaias na lingkod ng tunay na Diyos ang mensaheng ito ni Jehova:+ 3 “Sabihin mo kay Rehoboam na anak ni Solomon na hari ng Juda at sa buong Israel sa Juda at Benjamin, 4 ‘Ito ang sinabi ni Jehova: “Huwag kayong makipaglaban sa mga kapatid ninyo. Bumalik kayo sa inyo-inyong bahay, dahil ako ang nagmaniobra ng bagay na ito.”’”+ Kaya sinunod nila si Jehova at umuwi at hindi sila nakipaglaban kay Jeroboam.
5 Tumira si Rehoboam sa Jerusalem at nagtayo ng mga napapaderang* lunsod sa Juda. 6 Kaya pinatibay niya ang Betlehem,+ Etam, Tekoa,+ 7 Bet-zur, Soco,+ Adulam,+ 8 Gat,+ Maresa, Zip,+ 9 Adoraim, Lakis,+ Azeka,+ 10 Zora, Aijalon,+ at Hebron,+ mga napapaderang lunsod sa Juda at Benjamin. 11 Pinatibay rin niya ang mga tanggulan at naglagay siya ng mga kumandante sa mga iyon at binigyan ang mga iyon ng suplay ng pagkain, langis, at alak, 12 at nagbigay siya sa lahat ng lunsod ng malalaking kalasag at mga sibat; pinatibay niya nang husto ang mga iyon. Nanatiling kaniya ang Juda at Benjamin.
13 At ang mga saserdote at ang mga Levita na nasa buong Israel ay kumampi sa kaniya at lumabas mula sa lahat ng teritoryo nila. 14 Iniwan ng mga Levita ang kanilang mga pastulan at pag-aari+ at pumunta sa Juda at Jerusalem dahil inalis sila ni Jeroboam at ng mga anak nito sa paglilingkod bilang mga saserdote kay Jehova.+ 15 Pagkatapos, nag-atas si Jeroboam ng sarili niyang mga saserdote para sa matataas na lugar,+ para sa tulad-kambing na mga demonyo,*+ at para sa mga guya* na ginawa niya.+ 16 At ang mga kabilang sa lahat ng tribo ng Israel na determinadong hanapin si Jehova na Diyos ng Israel ay sumunod sa kanila* sa Jerusalem para maghain kay Jehova na Diyos ng kanilang mga ninuno.+ 17 Sa loob ng tatlong taon, pinatatag nila ang kaharian ng Juda at sinuportahan si Rehoboam na anak ni Solomon, dahil lumakad sila sa daan ni David at ni Solomon sa loob ng tatlong taon.
18 Pagkatapos, kinuha ni Rehoboam bilang asawa si Mahalat na anak nina Jerimot at Abihail. Si Jerimot ay anak ni David, at si Abihail naman ay anak ni Eliab+ na anak ni Jesse. 19 Nang maglaon, nagkaanak sila ng mga lalaki: sina Jeus, Semarias, at Zaham. 20 Pinakasalan din niya si Maaca na apo ni Absalom.+ Naging anak nila sina Abias,+ Atai, Ziza, at Selomit. 21 Mahal na mahal ni Rehoboam si Maaca na apo ni Absalom, higit sa lahat ng iba pa niyang asawa at pangalawahing asawa;+ mayroon siyang 18 asawa at 60 pangalawahing asawa, at nagkaroon siya ng 28 anak na lalaki at 60 anak na babae. 22 Kaya inatasan ni Rehoboam si Abias na anak ni Maaca bilang ulo at pinuno ng mga kapatid niya, dahil gusto niya itong gawing hari. 23 Pero kumilos siya nang may katalinuhan* nang ipadala* niya ang ilan sa mga anak niya sa lahat ng rehiyon ng Juda at Benjamin, sa lahat ng napapaderang lunsod,+ at bigyan sila ng saganang paglalaan at maraming asawa.