REHOBOAM
[Palawakin (Paluwangin) ang Bayan].
Anak ni Solomon sa kaniyang Ammonitang asawa na si Naama. Hinalinhan niya ang kaniyang ama sa trono noong 997 B.C.E. sa edad na 41 at naghari sa loob ng 17 taon. (1Ha 14:21; 1Cr 3:10; 2Cr 9:31) Natatangi si Rehoboam sa pagiging huling hari ng nagkakaisang monarkiya, kahit sandaling panahon lamang, at pagkatapos ay unang tagapamahala ng timugang dalawang-tribong kaharian ng Juda at Benjamin, sapagkat di-nagtagal matapos siyang koronahan ng buong Israel sa Sikem bilang hari, nahati ang nagkakaisang kaharian nina David at Solomon. Inalis ng sampung tribo ang kanilang suporta kay Rehoboam at ginawang kanilang hari si Jeroboam, gaya nga ng inihula ni Jehova sa pamamagitan ng propetang si Ahias.—1Ha 11:29-31; 12:1; 2Cr 10:1.
Naganap ang paghihiwalay na ito pagkatapos na makiusap ang isang delegasyon ng bayan, na si Jeroboam ang naging tagapagsalita, na alisin ni Rehoboam ang ilan sa mapaniil na patakaran na iniatang sa kanila ni Solomon. Maingat na pinag-isipan ni Rehoboam ang bagay na ito. Una ay sumangguni siya sa matatandang lalaki, na nagpayo sa kaniya na pakinggan ang daing ng bayan at bawasan ang mga pasanin ng mga ito, sa gayon ay patutunayan niyang isa siyang marunong na hari, isa na mamahalin ng kaniyang bayan. Ngunit tinanggihan ni Rehoboam ang may-gulang na payong ito at hiningi ang payo ng mga kabataang lalaki na lumaking kasama niya. Sinabi nila sa hari na, sa diwa, dapat niyang gawing mas malapad pa sa mga balakang ng kaniyang ama ang kaniyang kalingkingan, anupat daragdagan ang pasaning pamatok ng mga iyon at parurusahan ang mga iyon sa pamamagitan ng mga hagupit sa halip na mga hampas lamang.—1Ha 12:2-15; 2Cr 10:3-15; 13:6, 7.
Dahil sa mapagmataas at mapang-aping saloobing ito ni Rehoboam, lubusang lumayo ang loob ng karamihan sa bayan. Ang tanging mga tribo na patuloy na sumuporta sa sambahayan ni David ay ang Juda at Benjamin, samantalang ang mga saserdote at mga Levita ng dalawang kaharian, gayundin ang nakapangalat na mga indibiduwal sa sampung tribo, ay nagbigay rin ng suporta.—1Ha 12:16, 17; 2Cr 10:16, 17; 11:13, 14, 16.
Pagkatapos nito, nang si Haring Rehoboam at si Adoram (Hadoram), na namamahala sa mga tinawag para sa puwersahang pagtatrabaho, ay pumasok sa teritoryo ng mga naghahangad ng kasarinlan, pinagbabato si Adoram hanggang sa mamatay ngunit ang hari ay nakatakas. (1Ha 12:18; 2Cr 10:18) Nang magkagayon ay pinisan ni Rehoboam ang isang hukbo ng 180,000 katao mula sa Juda at Benjamin, anupat determinado na sapilitan niyang susupilin ang sampung tribo. Ngunit sa pamamagitan ng propetang si Semaias ay pinagbawalan sila ni Jehova na makipaglaban sa kanilang mga kapatid, yamang ang Diyos mismo ang nagtalaga na mahati ang kaharian. Bagaman dahil dito ay naiwasan ang tahasang pagdidigmaan sa larangan ng pakikipagbaka, nagpatuloy ang pagkakapootan sa pagitan ng dalawang paksiyon sa lahat ng mga araw ni Rehoboam.—1Ha 12:19-24; 15:6; 2Cr 10:19; 11:1-4.
Sa loob ng ilang panahon ay talagang maingat na lumakad si Rehoboam sa mga kautusan ni Jehova, at noong maagang bahagi ng kaniyang paghahari ay nagtayo siya at nagpatibay ng maraming lunsod, na ang ilan ay pinag-imbakan niya ng mga panustos na pagkain. (2Cr 11:5-12, 17) Gayunman, nang ang kaniyang pagkahari ay maitatag nang matibay, iniwan niya ang pagsamba kay Jehova at pinangunahan ang Juda sa pagsasagawa ng karima-rimarim na pagsamba sa sekso, marahil ay dahil sa impluwensiyang Ammonita mula sa pamilya ng kaniyang ina. (1Ha 14:22-24; 2Cr 12:1) Ito naman ang pumukaw ng galit ni Jehova, at bilang kapahayagan nito ay ibinangon niya ang hari ng Ehipto, si Sisak, na kasama ng mga kaalyado nito ay dumaluhong sa lupain at bumihag ng maraming lunsod sa Juda noong ikalimang taon ng paghahari ni Rehoboam. Kung hindi nagpakumbaba si Rehoboam at ang kaniyang mga prinsipe bilang pagsisisi, maging ang Jerusalem ay hindi sana nakaligtas. Magkagayunman, ang mga kayamanan ng templo at ng bahay ng hari, kasama ang mga gintong kalasag na ginawa ni Solomon, ay kinuha ni Sisak bilang kaniyang samsam. Nang magkagayon ay pinalitan ni Rehoboam ang mga kalasag na ito ng mga kalasag na tanso.—1Ha 14:25-28; 2Cr 12:2-12.
Noong nabubuhay siya, nagkaroon si Rehoboam ng 18 asawa, kabilang si Mahalat na apo ni David, at si Maaca na apo ng anak ni David na si Absalom. Si Maaca ang kaniyang paboritong asawa at ang ina ni Abias (Abiam), isa sa kaniyang 28 anak na lalaki at maliwanag na tagapagmana ng trono. Kabilang sa iba pang mga miyembro ng pamilya ni Rehoboam ang kaniyang 60 babae at 60 anak na babae.—2Cr 11:18-22.
Bago ang kaniyang kamatayan sa edad na 58, at ang pagluklok ni Abias sa trono noong 980 B.C.E., namahagi si Rehoboam ng maraming kaloob sa iba pa niyang mga anak na lalaki, ipinapalagay na upang hadlangan ang anumang paghihimagsik laban kay Abias pagkamatay niya. (1Ha 14:31; 2Cr 11:23; 12:16) Sa kabuuan, angkop na mabubuod ang buhay ni Rehoboam sa pananalitang ito: “Gumawa siya ng masama, sapagkat hindi niya lubusang pinagtibay ang kaniyang puso upang hanapin si Jehova.”—2Cr 12:14.