Mga Hukom
18 Walang hari noon sa Israel.+ At naghahanap noon ang tribo ng mga Danita+ ng lupaing matitirhan nila bilang mana, dahil hanggang sa araw na iyon, kumpara sa ibang tribo ng Israel, hindi pa nila lubusang natatanggap ang mana nila.+
2 Nagsugo ang mga Danita mula sa kanilang tribo ng limang lalaki, may-kakayahang mga lalaki mula sa Zora at Estaol,+ para mag-espiya sa lupain at galugarin iyon. Sinabi nila sa mga lalaki: “Galugarin ninyo ang lupain.” Pagdating nila sa mabundok na rehiyon ng Efraim, sa bahay ni Mikas,+ nagpalipas sila roon ng gabi. 3 Habang naroon sila malapit sa bahay ni Mikas, nakilala nila ang boses* ng kabataang lalaki na Levita, kaya pinuntahan nila siya at tinanong: “Sino ang nagdala sa iyo rito? Ano ang ginagawa mo sa lugar na ito? Bakit nandito ka?” 4 Ikinuwento niya sa kanila ang mga ginawa ni Mikas para sa kaniya. Sinabi pa niya: “Inupahan niya ako para maglingkod bilang saserdote niya.”+ 5 Pagkatapos ay sinabi nila sa kaniya: “Pakisuyo, itanong mo sa Diyos kung magiging matagumpay ang paglalakbay namin.” 6 Sinabi sa kanila ng saserdote: “Lumakad kayong payapa. Sumasainyo si Jehova sa paglalakbay ninyo.”
7 Kaya nagpatuloy sa paglalakbay ang limang lalaki at nakarating sa Lais.+ Nakita nila na ang mga tao roon ay namumuhay nang hindi umaasa sa iba, gaya rin ng mga Sidonio. Tahimik at panatag sila,+ at walang malupit na mananakop sa lupain na lumiligalig sa kanila. Malayo sila sa mga Sidonio, at wala silang pakikipag-ugnayan sa iba.
8 Pagbalik nila sa kanilang mga kapatid sa Zora at Estaol,+ sinabi ng mga ito sa kanila: “Kumusta?” 9 Sumagot sila: “Napakaganda ng lupain, kaya salakayin natin sila. Bakit kayo nag-aatubili? Lumusob na tayo para sakupin ang lupain. 10 Pagdating ninyo roon, makikita ninyo ang isang bayang panatag,+ at maluwang ang lupain. Ibinigay na iyon ng Diyos sa inyong kamay, isang lupaing sagana sa lahat ng bagay.”+
11 Pagkatapos, 600 mandirigma mula sa tribo ng mga Danita ang umalis sa Zora at Estaol.+ 12 Naglakbay sila at nagkampo malapit sa Kiriat-jearim+ sa Juda. Kaya ang lugar na iyon na nasa kanluran ng Kiriat-jearim ay tinatawag na Mahane-dan*+ hanggang sa araw na ito. 13 Mula roon ay nagpatuloy sila sa paglalakbay hanggang sa mabundok na rehiyon ng Efraim, at nakarating sila sa bahay ni Mikas.+
14 Pagkatapos, ang limang lalaking nag-espiya sa lupain ng Lais+ ay nagsabi sa kanilang mga kapatid: “Alam ba ninyo na sa mga bahay na ito ay may isang epod,* mga rebultong terapim,* isang inukit na imahen, at isang metal na estatuwa?+ Bahala na kayo kung ano ang gusto ninyong gawin.” 15 Kaya pumunta sila sa bahay ng kabataang Levita+ sa bahay ni Mikas at kinumusta ito. 16 Samantala, ang 600 mandirigma ng Dan+ ay nakatayo sa pasukan ng pintuang-daan. 17 Ang limang lalaki na nag-espiya sa lupain+ ay pumasok para kunin ang inukit na imahen, ang epod,+ ang mga rebultong terapim,*+ at ang metal na imahen.+ (Nakatayo ang saserdote+ sa pasukan ng pintuang-daan kasama ang 600 mandirigma.) 18 Pumasok sila sa bahay ni Mikas at kinuha ang inukit na imahen, ang epod, ang mga rebultong terapim,* at ang metal na imahen. Sinabi sa kanila ng saserdote: “Ano ang ginagawa ninyo?” 19 Pero sinabi nila sa kaniya: “Tumahimik ka. Huwag ka nang magsalita,* at sumama ka sa amin. Gagawin ka naming tagapayo* at saserdote. Ano ba ang mas maganda—ang maging saserdote para sa sambahayan ng iisang tao+ o ang maging saserdote ng isang tribo at angkan sa Israel?”+ 20 Kaya natuwa ang saserdote, at kinuha niya ang epod, ang mga rebultong terapim,* at ang inukit na imahen,+ at sumama siya sa kanila.
21 At nagpatuloy sila sa paglalakbay. Inilagay nila sa unahan ang mga bata, mga alagang hayop, at mahahalagang bagay. 22 Nang malayo-layo na ang mga Danita mula sa bahay ni Mikas, nagsama-sama ang mga lalaking nakatira malapit sa bahay ni Mikas at hinabol sila ng mga ito hanggang sa maabutan sila. 23 Nang sumigaw ang mga ito sa mga Danita, humarap sila at sinabi kay Mikas: “Ano ang problema? Bakit nagsama-sama kayo?” 24 Kaya sinabi niya: “Kinuha ninyo ang mga diyos na ginawa ko, at isinama pa ninyo ang saserdote. Wala kayong itinira sa akin. Pagkatapos, tatanungin ninyo ako, ‘Ano ang problema mo?’” 25 Sumagot ang mga Danita: “Huwag mo kaming sigawan kung ayaw mong salakayin kayo ng mga galit na lalaki at mamatay ka at ang sambahayan mo.” 26 At nagpatuloy sa paglalakbay ang mga Danita; nakita ni Mikas na mas malakas sila kaysa sa kaniya, kaya bumalik siya pauwi.
27 Matapos nilang kunin ang ginawa ni Mikas, pati na ang saserdote niya, nagpunta sila sa Lais,+ kung saan ang mga tao ay tahimik at panatag.+ Pinabagsak nila ang mga ito sa pamamagitan ng espada at sinunog ang lunsod. 28 Walang nakapagligtas dito, dahil malayo ito sa Sidon, at walang pakikipag-ugnayan sa iba ang mga tagarito, at iyon ay nasa lambak* na pag-aari ng Bet-rehob.+ Pagkatapos ay muli nilang itinayo ang lunsod at nanirahan sila roon. 29 At tinawag nilang Dan+ ang lunsod ayon sa pangalan ng kanilang amang si Dan, na anak ni Israel.+ Pero Lais ang dating pangalan ng lunsod.+ 30 Pagkatapos ay inilagay roon ng mga Danita ang inukit na imahen,+ at si Jonatan,+ na anak ni Gersom+ na anak ni Moises, at ang kaniyang mga anak ay naging mga saserdote ng tribo ng mga Danita hanggang sa araw na ipatapon ang mga tagaroon. 31 Inilagay nila roon ang inukit na imahen na ginawa ni Mikas, at nanatili iyon doon sa buong panahon na ang bahay ng tunay na Diyos ay nasa Shilo.+