Mga Hukom
21 Ang mga lalaki ng Israel ay sumumpa ng ganito sa Mizpa:+ “Walang isa man sa atin ang magbibigay ng anak niyang babae para mapangasawa ng isang Benjaminita.”+ 2 Pagkatapos, ang bayan ay pumunta sa Bethel+ at umupo roon sa harap ng tunay na Diyos hanggang gabi, at umiiyak sila nang malakas. 3 Sinasabi nila: “O Jehova na Diyos ng Israel, bakit nangyari ito sa Israel? Bakit isang tribo ang mawawala ngayon sa Israel?” 4 At kinabukasan, gumising nang maaga ang bayan at nagtayo roon ng altar para maghain ng mga handog na sinusunog at mga handog na pansalo-salo.+
5 Pagkatapos, sinabi ng mga Israelita: “Sino sa mga tribo ng Israel ang hindi nakipagtipon para humarap kay Jehova?” dahil isinumpa nila na sinumang hindi humarap kay Jehova sa Mizpa ay papatayin. 6 At ang mga Israelita ay nalungkot sa nangyari sa Benjamin na kapatid nila. Sinabi nila: “Ngayon, ang Israel ay nabawasan ng isang tribo. 7 Paano natin mabibigyan ng mga asawang babae ang mga natira, gayong sumumpa tayo sa ngalan ni Jehova+ na hindi natin ibibigay ang sinuman sa mga anak nating babae para mapangasawa nila?”+
8 Itinanong nila: “Sino sa mga tribo ng Israel ang hindi humarap kay Jehova sa Mizpa?”+ At nalaman nilang walang sinuman mula sa Jabes-gilead ang nagpunta sa kampo kung saan nagtipon ang kapulungan. 9 Dahil nang bilangin nila ang mga Israelita, walang isa man mula sa Jabes-gilead ang naroon. 10 Kaya isinugo ng kapulungan ang 12,000 sa pinakamahuhusay na mandirigma. Inutusan nila ang mga ito: “Pumunta kayo sa Jabes-gilead at patayin ninyo ang mga nakatira doon, kahit ang mga babae at maliliit na bata.+ 11 Ito ang gagawin ninyo: Papatayin ninyo ang bawat lalaki, pati na ang bawat babae na nakipagtalik na sa lalaki.” 12 Nakakita sila sa Jabes-gilead ng 400 babaeng birhen, na hindi pa nakipagtalik sa lalaki. Kaya dinala nila ang mga ito sa kampo sa Shilo,+ na nasa lupain ng Canaan.
13 Pagkatapos, ang buong kapulungan ay nagpadala ng mensahe sa mga Benjaminita na nasa bundok ng Rimon+ at nag-alok sa mga ito ng kapayapaan. 14 Kaya bumalik ang Benjamin nang pagkakataong iyon. Ibinigay nila sa mga ito ang mga babaeng pinanatili nilang buháy sa Jabes-gilead,+ pero kulang pa ang mga babae para sa mga ito. 15 At nalungkot ang bayan sa nangyari sa Benjamin+ dahil gumawa si Jehova ng agwat sa pagitan ng mga tribo ng Israel. 16 Sinabi ng matatandang lalaki ng kapulungan: “Ano ang gagawin natin para mabigyan ng asawang babae ang natitirang mga lalaki? Nalipol na ang lahat ng babae sa Benjamin.” 17 Sumagot sila: “Dapat na manatili sa mga nakaligtas sa Benjamin ang mana nila, para walang tribong maglaho sa Israel. 18 Pero hindi natin puwedeng ibigay ang mga anak nating babae para mapangasawa nila, dahil sumumpa ang bayang Israel: ‘Sumpain ang magbibigay ng asawa sa Benjamin.’”+
19 Pagkatapos, sinabi nila: “Teka, taon-taon ay may kapistahan para kay Jehova sa Shilo,+ na nasa hilaga ng Bethel at silangan ng lansangang-bayan na paahon mula sa Bethel papuntang Sikem at nasa timog ng Lebona.” 20 Kaya inutusan nila ang mga lalaki ng Benjamin: “Pumunta kayo sa mga ubasan at magtago roon. 21 At kapag nakita ninyong lumabas ang mga babae* ng Shilo at sumali sa paikot na mga sayaw, lumabas kayo mula sa mga ubasan at tumangay ng isang mapapangasawa mula sa mga babae ng Shilo, at bumalik kayo sa lupain ng Benjamin. 22 At kapag ang kanilang mga ama o kapatid na lalaki ay magharap ng reklamo laban sa amin, sasabihin namin sa kanila, ‘Maging mabait kayo sa kanila alang-alang sa amin, dahil hindi kami makapagbibigay sa kanila ng asawang babae sa pamamagitan ng digmaan,+ at hindi naman kayo makapagbibigay sa kanila ng mapapangasawa nang hindi nagkakasala.’”+
23 Kaya ganoon ang ginawa ng mga lalaki ng Benjamin. Bawat isa sa kanila ay tumangay ng mapapangasawa mula sa mga babaeng nagsasayaw. Pagkatapos, bumalik sila sa kanilang mana at muling itinayo ang kanilang mga lunsod+ at tumira doon.
24 At ang mga Israelita naman ay naghiwa-hiwalay na, ang bawat isa papunta sa kani-kaniyang tribo at pamilya, at umalis sila roon, ang bawat isa papunta sa kani-kaniyang mana.
25 Noong panahong iyon, walang hari sa Israel.+ Ginagawa ng bawat isa kung ano ang inaakala niyang tama.