Exodo
23 “Huwag kang magkakalat* ng ulat na di-totoo.+ Huwag kang tetestigo nang may kasinungalingan para tulungan ang isang masamang tao.+ 2 Huwag kang susunod sa karamihan sa paggawa ng masama, at huwag kang magbibigay ng patotoo na salungat sa katarungan para lang pumanig sa karamihan.* 3 Dapat kang maging patas sa usapin ng isang mahirap.+
4 “Kung makita mong pagala-gala ang toro o asno ng iyong kaaway, dapat mo itong ibalik sa kaniya.+ 5 Kung makita mo ang asno ng sinumang may galit sa iyo na nadaganan ng mabigat na pasan nito, huwag mo itong iiwan. Dapat mo siyang tulungan na alisin ang pasan ng hayop.+
6 “Huwag mong babaluktutin ang hatol sa kaso* ng taong mahirap.+
7 “Lumayo ka sa maling akusasyon,* at huwag mong patayin ang walang-sala at ang matuwid, dahil hindi ko ipahahayag na matuwid ang masama.*+
8 “Huwag kang tatanggap ng suhol, dahil ang suhol ay bumubulag sa mga taong malinaw ang paningin at pumipilipit sa pananalita ng mga taong matuwid.+
9 “Huwag mong pahihirapan ang dayuhang naninirahang kasama ninyo. Alam ninyo ang pakiramdam* ng isang dayuhan, dahil nanirahan din kayo bilang dayuhan sa Ehipto.+
10 “Sa loob ng anim na taon ay hahasikan mo ng binhi ang lupain mo at titipunin ang bunga nito.+ 11 Pero sa ikapitong taon, hahayaan mo itong di-nabubungkal at di-natatamnan, at ang mahihirap sa iyong bayan ay kakain mula roon, at ang matitira nila ay kakainin ng maiilap na hayop sa parang. Gayon ang gagawin mo sa iyong ubasan at taniman ng olibo.
12 “Anim na araw kang magtatrabaho; pero sa ikapitong araw ay hihinto ka para makapagpahinga ang iyong toro at asno at maginhawahan ang anak ng iyong aliping babae at ang dayuhang naninirahang kasama ninyo.+
13 “Dapat ninyong sunding mabuti ang lahat ng sinabi ko sa inyo,+ at huwag ninyong babanggitin ang pangalan ng ibang mga diyos; ang mga ito ay hindi dapat lumabas sa inyong bibig.+
14 “Tatlong beses sa isang taon ay magdiriwang ka ng kapistahan para sa akin.+ 15 Ipagdiriwang mo ang Kapistahan ng Tinapay na Walang Pampaalsa.+ Pitong araw kang kakain ng tinapay na walang pampaalsa, gaya ng iniutos ko sa iyo, sa itinakdang panahon sa buwan ng Abib,*+ dahil noon ka lumabas sa Ehipto. Hindi puwedeng humarap sa akin ang sinumang walang dala.+ 16 Kailangan mo ring ipagdiwang ang Kapistahan ng Pag-aani* ng mga unang hinog na bunga ng iyong pagtatrabaho, ng paghahasik mo sa bukid;+ at ang Kapistahan ng Pagtitipon ng Ani* sa pagtatapos ng taon, kung kailan tinitipon mo mula sa bukid ang mga bunga ng iyong pagtatrabaho.+ 17 Tatlong beses sa isang taon, ang lahat ng lalaki ay haharap sa tunay na Panginoon, si Jehova.+
18 “Ang dugo ng hain para sa akin ay huwag mong ihahandog kasama ng anumang may pampaalsa. At ang mga haing taba na inihahandog sa aking mga kapistahan ay huwag mong hahayaang matira hanggang kinaumagahan.
19 “Dadalhin mo sa bahay ni Jehova na iyong Diyos ang pinakamainam sa mga unang hinog na bunga ng iyong lupa.+
“Huwag mong pakukuluan ang batang kambing sa gatas ng ina nito.+
20 “Magsusugo ako ng isang anghel sa unahan mo+ para ingatan ka sa daan at para dalhin ka sa lugar na inihanda ko.+ 21 Bigyang-pansin mo siya at sundin ang tinig niya. Huwag kang magrebelde sa kaniya, dahil hindi niya patatawarin ang mga kasalanan mo,+ dahil nasa kaniya ang pangalan ko. 22 Pero kung susundin mong mabuti ang tinig niya at gagawin ang lahat ng sinasabi ko, magiging kaaway ko ang mga kaaway mo at lalabanan ko ang mga lumalaban sa iyo. 23 Dahil ang anghel ko ay pupuwesto sa unahan mo at dadalhin ka niya sa mga Amorita, Hiteo, Perizita, Canaanita, Hivita, at Jebusita, at lilipulin ko sila.+ 24 Huwag kang yuyukod sa mga diyos nila o mahihikayat na maglingkod sa mga ito, at huwag mong gagayahin ang mga ginagawa nila.+ Sa halip, dapat mong wasakin ang mga iyon at gibain ang mga sagradong haligi nila.+ 25 Dapat kayong maglingkod sa Diyos ninyong si Jehova,+ at pagpapalain niya kayo ng tinapay at tubig.+ Aalisin ko ang sakit sa gitna ninyo.+ 26 Ang mga babae sa inyong lupain ay hindi makukunan o magiging baog,+ at pahahabain ko ang buhay ninyo.*
27 “Bago pa kayo dumating, mababalitaan na nila ang tungkol sa akin at matatakot sila,+ at lilituhin ko ang lahat ng bayan na lumalaban sa inyo, at ang lahat ng kaaway ninyo ay magtatakbuhan palayo* sa inyo dahil sa akin.+ 28 Pahihinain ko ang loob nila,*+ at dahil dito ay aalis sa harap mo ang mga Hivita, Canaanita, at Hiteo.+ 29 Hindi ko sila palalayasin sa harap mo sa loob ng isang taon, para hindi maging tiwangwang ang lupain at hindi dumami ang mababangis na hayop sa parang.+ 30 Unti-unti ko silang palalayasin sa harap ninyo, hanggang sa dumami kayo at maging pag-aari na ninyo ang lupain.+
31 “Itatakda ko ang inyong hangganan mula sa Dagat na Pula hanggang sa dagat ng mga Filisteo at mula sa ilang hanggang sa Ilog;*+ dahil ibibigay ko sa kamay ninyo ang mga naninirahan sa lupain, at palalayasin ninyo sila sa harap ninyo.+ 32 Huwag kayong makikipagtipan sa kanila o sa mga diyos nila.+ 33 Hindi sila dapat manirahan sa inyong lupain, para hindi nila kayo mahikayat na magkasala sa akin. Kung maglilingkod kayo sa mga diyos nila, tiyak na magiging bitag ito sa inyo.”+