ANGHEL
Ang Hebreong mal·ʼakhʹ at ang Griegong agʹge·los ay kapuwa literal na nangangahulugang “mensahero.” Mula sa unang aklat ng Bibliya hanggang sa huling aklat nito, ang mga salitang ito ay lumilitaw nang halos 400 beses. Kapag mga espiritung mensahero ang tinutukoy, isinasalin ang mga salitang ito bilang “mga anghel,” ngunit kapag mga tao ang malinaw na tinutukoy, isinasalin naman ito bilang “mga mensahero.” (Gen 16:7; 32:3; San 2:25; Apo 22:8; tingnan ang MENSAHERO.) Gayunman, sa lubhang makasagisag na aklat ng Apocalipsis, ang ilang pagbanggit sa ‘mga anghel’ ay maaaring tumutukoy sa mga tao.—Apo 2:1, 8, 12, 18; 3:1, 7, 14.
Kung minsan, ang mga anghel ay tinatawag na mga espiritu; ang mga espiritu ay di-nakikita at makapangyarihan. Kaya naman mababasa natin: “Isang espiritu ang lumabas at tumayo sa harap ni Jehova”; “Hindi ba silang lahat ay mga espiritung ukol sa pangmadlang paglilingkod?” (1Ha 22:21; Heb 1:14) Palibhasa’y may di-nakikita at espirituwal na mga katawan, ang tirahan nila ay “sa langit.” (Mar 12:25; 1Co 15:44, 50) Tinatawag din silang “mga anak ng tunay na Diyos,” “mga bituing pang-umaga,” at “laksa-laksang banal” (o “mga banal”).—Job 1:6; 2:1; 38:7; Deu 33:2.
Palibhasa’y mga nilalang na hindi nag-aasawa at hindi nagkakaanak ng kauri nila, ang mga anghel ay isa-isang nilalang ni Jehova sa pamamagitan ng kaniyang panganay na Anak, “ang pasimula ng paglalang ng Diyos.” (Mat 22:30; Apo 3:14) “Sa pamamagitan niya [ng panganay na Anak na ito, ang Salita] ang lahat ng iba pang bagay ay nilalang sa langit . . . ang mga bagay na di-nakikita . . . Gayundin, siya ay una pa sa lahat ng iba pang bagay at sa pamamagitan niya ang lahat ng iba pang bagay ay pinairal.” (Col 1:15-17; Ju 1:1-3) Nilalang ang mga anghel matagal na panahon na bago pa nilikha ang tao, sapagkat noong ‘itatag ang lupa,’ “magkakasamang humiyaw nang may kagalakan ang mga bituing pang-umaga, at . . . sumigaw sa pagpuri ang lahat ng mga anak ng Diyos.”—Job 38:4-7.
Kung tungkol sa bilang ng mga anghelikong hukbo sa langit, sinabi ni Daniel na nakakita siya ng “isang libong libu-libo na patuloy na naglilingkod sa [Diyos], at sampung libong tigsasampung libo na patuloy na nakatayo sa mismong harap niya.”—Dan 7:10; Heb 12:22; Jud 14.
Kaayusan at Ranggo. Gaya sa nakikitang mga nilalang, mayroon ding kaayusan at ranggo sa di-nakikitang dako sa gitna ng mga anghel. Ang pangunahing anghel, kapuwa sa kapangyarihan at awtoridad, ay si Miguel, ang arkanghel. (Dan 10:13, 21; 12:1; Jud 9; Apo 12:7; tingnan ang ARKANGHEL; MIGUEL Blg. 1.) Dahil sa kaniyang pagiging nakatataas at dahil tinatawag siyang “ang dakilang prinsipe na nakatayo alang-alang sa mga anak ng . . . bayan [ng Diyos],” ipinapalagay na siya ang anghel na umakay sa Israel noong naglalakbay sila sa ilang. (Exo 23:20-23) Nariyan din ang mga serapin na may napakataas na ranggo kung tungkol sa mga pribilehiyo at karangalan. (Isa 6:2, 6; tingnan ang SERAPIN.) Mas malimit namang banggitin sa Kasulatan (mga 90 beses) ang mga kerubin, at batay sa paglalarawan sa kanilang mga tungkulin at mga pananagutan, maliwanag na may pantanging posisyon din sila sa gitna ng mga anghel. (Gen 3:24; Eze 10:1-22; tingnan ang KERUBIN.) Pagkatapos, nariyan ang malaking kalipunan ng mga anghelikong mensahero na nagsisilbing tagapaghatid ng impormasyon sa pagitan ng Diyos at ng tao. Ngunit ang gawain nila ay hindi lamang basta maghatid ng mensahe. Bilang mga kinatawan ng Kataas-taasang Diyos, naglilingkod sila bilang responsableng mga tagatupad ng layunin ng Diyos, iyon man ay pagsasanggalang at pagliligtas sa bayan ng Diyos o pagpuksa sa mga balakyot.—Gen 19:1-26.
Personalidad. Maaaring itanggi ng ilan na ang mga anghel ay may kani-kaniyang personalidad, anupat sinasabing ang mga ito ay di-personang mga puwersa ng enerhiya na ipinadadala upang maisagawa ang kalooban ng Diyos, ngunit hindi ganito ang itinuturo ng Bibliya. Ang pantanging mga pangalan ay nagpapahiwatig ng pagiging indibiduwal. Ang puntong ito ay sapat na pinatutunayan ng pagkakabanggit sa pangalan ng dalawa sa kanila, Miguel at Gabriel. (Dan 12:1; Luc 1:26) Ang hindi pagbanggit sa pangalan ng iba pang mga anghel ay nagsilbing pananggalang upang hindi pag-ukulan ng di-nararapat na karangalan at pagsamba ang mga nilalang na ito. Isinusugo noon ng Diyos ang mga anghel bilang mga kinatawan upang kumilos ukol sa kaniyang pangalan, at hindi ukol sa kanilang sariling pangalan. Kaya naman nang itanong ni Jacob sa isang anghel kung ano ang pangalan nito, tumanggi ang anghel na ibigay iyon. (Gen 32:29) Nang tanungin din ni Josue ang anghel na lumapit sa kaniya kung sino ito, tumugon lamang ito na siya ang “prinsipe ng hukbo ni Jehova.” (Jos 5:14) Nang itanong naman ng mga magulang ni Samson sa isang anghel kung ano ang pangalan niya, hindi ito ibinigay ng anghel, anupat sinabi niya: “Bakit mo pa itinatanong ang pangalan ko, gayong ito ay kamangha-mangha?” (Huk 13:17, 18) Tinangka ng apostol na si Juan na sumamba sa mga anghel ngunit makalawang ulit siyang pinagsabihan: “Mag-ingat ka! Huwag mong gawin iyan! . . . Sambahin mo ang Diyos.”—Apo 19:10; 22:8, 9.
Bilang mga indibiduwal na may personalidad, taglay ng mga anghel ang kakayahang makipagtalastasan sa isa’t isa (1Co 13:1), ang kakayahang magsalita ng iba’t ibang wika ng mga tao (Bil 22:32-35; Dan 4:23; Gaw 10:3-7), at ang kakayahang mag-isip na magagamit nila upang luwalhatiin at purihin si Jehova (Aw 148:2; Luc 2:13). Totoo na walang kasarian ang mga anghel, sapagkat gayon ang pagkakagawa sa kanila ni Jehova at hindi dahil sila’y mga puwersang di-persona. Karaniwan nang inilalarawan ang mga anghel bilang mga lalaki, at kapag nagkakatawang-tao sila, iyon ay laging sa anyong lalaki, sapagkat ang Diyos at ang kaniyang Anak ay tinutukoy bilang mga lalaki. Gayunman, nang may mga anghel na nagkatawang-tao upang magpakasasa sa sekso noong mga araw ni Noe, pinalayas sila mula sa makalangit na mga korte ni Jehova. Ipinakikita ng pangyayaring iyon na ang mga anghel ay mga indibiduwal, sapagkat tulad ng mga tao, sila rin ay may kalayaang magpasiya, anupat may kakayahang gumawa ng personal na pagpili sa pagitan ng tama at mali. (Gen 6:2, 4; 2Pe 2:4) Kaayon ng kanilang personal na pagpili, pulu-pulutong na mga anghel ang sumama kay Satanas sa kaniyang paghihimagsik.—Apo 12:7-9; Mat 25:41.
Mga Kapangyarihan at Pribilehiyo. Yamang nilalang ng Diyos ang tao na “mas mababa nang kaunti kaysa sa mga anghel” (Heb 2:7), nangangahulugan ito na ang mental na kakayahan ng mga anghel ay nakahihigit kaysa sa taglay ng tao. Nakahihigit din sa tao ang kanilang kapangyarihan. “Pagpalain ninyo si Jehova, O ninyong mga anghel niya, makapangyarihan sa kalakasan, na tumutupad ng kaniyang salita.” Natanghal ang kaalaman at kapangyarihan ng mga anghel nang dalawang anghel ang magpasapit ng maapoy na kapuksaan sa Sodoma at Gomorra. Isang anghel lamang ang pumatay sa 185,000 sa hukbong Asiryano.—Aw 103:20; Gen 19:13, 24; 2Ha 19:35.
Ang mga anghel ay may kakayahan ding maglakbay nang pagkabilis-bilis, anupat lampas pa sa mga limitasyon ng pisikal na daigdig. Kaya nga noong nananalangin si Daniel, isang anghel ang isinugo ng Diyos bilang sagot sa kaniyang panalangin, at dumating ang anghel pagkaraan lamang ng ilang saglit, bago pa man niya matapos ang panalangin.—Dan 9:20-23.
Ngunit sa kabila ng kanilang nakahihigit na mental at espirituwal na mga kapangyarihan, may mga limitasyon din ang mga anghel. Sinabi ni Jesus na hindi nila alam ang “araw at oras” ng paglipol sa sistemang ito ng mga bagay. (Mat 24:36) Interesadung-interesado sila sa katuparan ng mga layunin ni Jehova, ngunit may mga bagay na hindi nila nauunawaan. (1Pe 1:12) Nagsasaya sila kapag nagsisisi ang isang makasalanan, at pinanonood nila ang “pandulaang panoorin” na itinatanghal ng mga Kristiyano sa entablado ng pangmadlang gawain dito sa lupa. Pinagmamasdan din nila ang wastong halimbawa ng mga babaing Kristiyano na naglalagay ng tanda ng awtoridad sa kanilang mga ulo.—Luc 15:10; 1Co 4:9; 11:10; tingnan ang IMORTALIDAD (Pagkakalooban ng Imortalidad ang mga Tagapagmana ng Kaharian).
Bilang mga lingkod ni Jehova, ang mga anghel ay pinagkalooban ng maraming pribilehiyo sa loob ng nakalipas na di-mabilang na panahon. Naglingkod ang mga anghel alang-alang kina Abraham, Jacob, Moises, Josue, Isaias, Daniel, Zacarias, Pedro, Pablo, Juan, at sa marami pang iba. (Gen 22:11; 31:11; Jos 5:14, 15; Isa 6:6, 7; Dan 6:22; Zac 1:9; Gaw 5:19, 20; 7:35; 12:7, 8; 27:23, 24; Apo 1:1) Nakatulong ang kanilang mga mensahe sa pagsulat ng Bibliya. Sa lahat ng mga aklat ng Bibliya, sa Apocalipsis pinakamadalas banggitin ang mga anghel. Di-mabilang na mga anghel ang nakita sa palibot ng maringal na trono ni Jehova; pito ang humihip sa pitong trumpeta at pito naman ang nagbuhos ng pitong mangkok ng galit ng Diyos; isang anghel na lumilipad sa kalagitnaan ng langit ang may “walang-hanggang mabuting balita”; ngunit iba naman ang naghayag, “Ang Babilonyang Dakila ay bumagsak na.”—Apo 5:11; 7:11; 8:6; 14:6, 8; 16:1.
Pagsuporta kay Kristo at sa mga tagasunod. Mula sa pasimula hanggang sa katapusan, matamang sinubaybayan ng mga banal na anghel ng Diyos ang buhay ni Jesus sa lupa. Ipinatalastas nila ang paglilihi sa kaniya at ang kaniyang kapanganakan, at pinaglingkuran nila siya pagkaraan ng kaniyang 40-araw na pag-aayuno. Isang anghel ang nagpalakas sa kaniya nang manalangin siya sa Getsemani noong huling gabi ng kaniyang buhay bilang tao. Nang dumating ang mga mang-uumog upang arestuhin siya, maaari sana siyang humingi ng mahigit sa 12 hukbo ng mga anghel kung ninais lamang niya. Mga anghel din ang nagpatalastas ng kaniyang pagkabuhay-muli at may mga anghel na naroroon nang umakyat siya sa langit.—Mat 4:11; 26:53; 28:5-7; Luc 1:30, 31; 2:10, 11; 22:43; Gaw 1:10, 11.
Pagkatapos nito, patuloy pa ring naglingkod ang mga espiritung mensahero ng Diyos sa kaniyang mga lingkod sa lupa, gaya nga ng ipinangako ni Jesus: “Tiyakin na hindi ninyo hinahamak ang isa sa maliliit na ito; sapagkat sinasabi ko sa inyo na laging nakikita ng kanilang mga anghel sa langit ang mukha ng aking Ama na nasa langit.” (Mat 18:10) “Hindi ba silang lahat ay mga espiritung ukol sa pangmadlang paglilingkod, na isinugo upang maglingkod doon sa mga magmamana ng kaligtasan?” (Heb 1:14) Sa ngayon, hindi na nagpapakita ang makapangyarihang mga anghel na ito para sa kapakanan ng mga lingkod ni Jehova sa lupa, gaya noong iligtas nila ang mga apostol mula sa bilangguan. Gayunpaman, tinitiyak sa mga lingkod ng Diyos na mayroon pa ring laging-nakasubaybay at di-nakikitang mga hukbo na nagsasanggalang sa kanila, na kasintunay niyaong mga pumalibot sa propetang si Eliseo at sa kaniyang lingkod. “Magbibigay siya ng utos sa kaniyang sariling mga anghel may kinalaman sa iyo, upang bantayan ka sa lahat ng iyong mga lakad.” Oo, “ang anghel ni Jehova ay nagkakampo sa buong palibot niyaong mga may takot sa kaniya, at inililigtas niya sila.”—Aw 91:11; 34:7; Gaw 5:19; 2Ha 6:15-17.
Ang mga anghel ay inilalarawan ding kasama ni Jesu-Kristo kapag dumating siya para sa paghatol, kung kailan ibubukod niya “ang trigo” mula sa “mga panirang-damo” at “ang mga tupa” mula sa “mga kambing.” Sumama ang mga anghel kay Miguel sa kaniyang pakikipagdigma sa dragon at sa mga demonyo noong isilang ang Kaharian ng Diyos sa langit. Susuportahan din nila ang Hari ng mga hari sa pakikipaglaban sa digmaan ng dakilang araw ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat.—Mat 13:41; 25:31-33; Apo 12:7-10; 19:14-16.