Ezekiel
21 Dumating ulit sa akin ang salita ni Jehova: 2 “Anak ng tao, humarap ka sa Jerusalem, at ihayag mo ang mensahe laban sa mga banal na lugar, at humula ka laban sa lupain ng Israel. 3 Sabihin mo sa lupain ng Israel, ‘Ito ang sinabi ni Jehova: “Kikilos ako laban sa iyo, at huhugutin ko ang espada ko sa lalagyan nito+ at lilipulin ko ang matuwid at ang masama sa gitna mo. 4 Dahil lilipulin ko ang matuwid at ang masama sa gitna mo, huhugutin ko ang espada ko at gagamitin ito laban sa lahat ng tao,* mula timog hanggang hilaga. 5 Malalaman ng lahat ng tao na ako mismong si Jehova ang humugot ng aking espada sa lalagyan nito. Hindi na ito ibabalik pa.”’+
6 “At ikaw, anak ng tao, magbuntonghininga ka habang nanginginig,* oo, magbuntonghininga ka* sa harap nila.+ 7 At kung sabihin nila sa iyo, ‘Bakit ka nagbubuntonghininga?’ sabihin mo, ‘Dahil sa isang ulat.’ Dahil tiyak na magkakatotoo iyon, at manlalambot sa takot ang bawat puso at lalaylay ang bawat kamay at panghihinaan ng loob ang bawat isa at tutulo ang tubig sa bawat tuhod.*+ ‘Tiyak na magkakatotoo iyon—mangyayari iyon,’ ang sabi ng Kataas-taasang Panginoong Jehova.”
8 Dumating ulit sa akin ang salita ni Jehova: 9 “Anak ng tao, humula ka, at sabihin mo, ‘Ito ang sinabi ni Jehova: “Sabihin mo, ‘Isang espada! Pinatalas ang isang espada+ at pinakintab. 10 Pinatalas ito para makapatay ng marami; pinakintab ito para kumislap na gaya ng kidlat.’”’”
“Hindi ba dapat tayong magsaya?”
“‘Hahamakin ba nito* ang setro ng sarili kong anak,+ gaya ng ginagawa nito sa bawat puno?
11 “‘Ibinigay iyon para pakintabin at iwasiwas. Ang espadang ito ay pinatalas at pinakintab para ibigay sa kamay ng tagapuksa.+
12 “‘Sumigaw ka at humagulgol,+ anak ng tao, dahil gagamitin ito laban sa aking bayan; laban ito sa lahat ng pinuno ng Israel.+ Mamamatay sila sa espada kasama ng bayan ko. Kaya paluin mo ang iyong hita sa pagdadalamhati. 13 Dahil nagsagawa ng isang pagsusuri,+ at ano ang mangyayari kung hahamakin ng espada ang setro? Hindi na ito iiral,’*+ ang sabi ng Kataas-taasang Panginoong Jehova.
14 “At ikaw, anak ng tao, humula ka at pumalakpak at sabihin mo nang tatlong beses, ‘Isang espada!’ Iyon ang espada na pumapatay, isang espada na maraming napatay, ang espada na lumiligid sa kanila.+ 15 Manlalambot sa takot ang puso nila,+ at marami ang mamamatay sa mga pintuang-daan ng kanilang lunsod; papatay ako gamit ang espada. Oo, kumikislap itong gaya ng kidlat at pinakintab para sa pagpatay! 16 Tumaga ka sa kanan! Tumaga ka sa kaliwa! Pumunta ka saanman nakaharap ang iyong talim! 17 At papalakpak din ako at pahuhupain ang galit ko.+ Ako mismong si Jehova ang nagsalita.”
18 Dumating ulit sa akin ang salita ni Jehova: 19 “Ikaw, anak ng tao, gumuhit ka ng dalawang daan na puwedeng puntahan ng espada ng hari ng Babilonya. Magmumula sa iisang lupain ang dalawang daang iyon na papunta sa dalawang lunsod, at dapat kang maglagay ng tanda* sa sangandaan nito. 20 Lagyan mo ng tanda ang bawat daan para sa espada: ang isang daan ay papunta sa Raba+ ng mga Ammonita at ang isa pa ay papunta sa napapaderang Jerusalem+ sa Juda. 21 Dahil ang hari ng Babilonya ay tumigil para manghula sa sangandaan, kung saan naghiwalay ang dalawang daan. Inalog niya ang mga palaso. Sumangguni siya sa mga idolo* niya; tumingin siya sa atay. 22 Jerusalem ang napili ng kanang kamay niya batay sa panghuhula, para doon maglagay ng panggiba, magpadala ng utos na pumatay, magbigay ng hudyat para sa pakikipagdigma, maglagay ng panggiba sa mga pintuang-daan, gumawa ng rampang pangubkob, at magtayo ng pader na pangubkob.+ 23 Pero para sa kanila,* na nakipagsumpaan sa mga ito,*+ mali ang sagot sa panghuhula. Pero maaalaala niya ang kasalanan nila at bibihagin niya sila.+
24 “Kaya ito ang sinabi ng Kataas-taasang Panginoong Jehova: ‘Ikaw ang dahilan kaya naalaala ang kasalanan mo; inilantad mo ang pagsuway mo at kitang-kita sa lahat ng iyong pagkilos ang mga kasalanan mo. Kaya ngayong naalaala ka, sapilitan kang bibihagin.’*
25 “O ikaw na nasugatan nang malubha, ang napakasamang pinuno ng Israel,+ dumating na ang araw mo, ang oras ng paglalapat ng parusa na tatapos sa iyo. 26 Ito ang sinabi ng Kataas-taasang* Panginoong Jehova: ‘Hubarin mo ang turbante, at alisin mo ang korona.+ Hindi na ito magiging gaya ng dati.+ Itaas mo ang mababa,+ at ibaba mo ang mataas.+ 27 Kagibaan, kagibaan, gagawin ko iyon na isang kagibaan. At walang sinumang magmamay-ari doon hanggang sa dumating ang isa na may legal na karapatan,+ at ibibigay ko iyon sa kaniya.’+
28 “At ikaw, anak ng tao, humula ka at sabihin mo, ‘Ito ang sinabi ng Kataas-taasang Panginoong Jehova tungkol sa mga Ammonita at sa kanilang pang-iinsulto.’ Sabihin mo, ‘Isang espada! Isang espada ang hinugot para pumatay; pinakintab ito para lumipol at kumislap gaya ng kidlat. 29 Sa kabila ng di-totoong mga pangitain at hula tungkol sa iyo, ibubunton ka rin kasama ng mga napatay,* ang napakasamang mga tao na napuksa nang dumating ang oras ng pangwakas na parusa para sa kanila. 30 Ibalik mo ang espada sa lalagyan nito. Hahatulan kita sa lugar kung saan ka ginawa, sa lupaing pinagmulan mo. 31 Ibubuhos ko sa iyo ang galit ko. Bubugahan kita ng apoy ng poot ko, at ibibigay kita sa kamay ng brutal na mga tao na sanay sa pagwasak.+ 32 Magiging panggatong ka sa apoy;+ dadanak ang dugo mo sa lupain, at hindi ka na maaalaala, dahil ako mismong si Jehova ang nagsalita.’”