Mga Bilang
16 At nagkampi-kampi si Kora+ na anak ni Izhar,+ na anak ni Kohat,+ na anak ni Levi,+ at ang mga mula sa tribo ni Ruben+ na sina Datan at Abiram na mga anak ni Eliab+ at si On na anak ni Peleth. 2 Nagkampi-kampi sila laban kay Moises, kasama ang 250 lalaking Israelita, na mga pinuno ng bayan, mga pinili sa kongregasyon, mga prominenteng lalaki. 3 Kaya sama-sama nilang pinuntahan+ sina Moises at Aaron at sinabi: “Sobra na kayo! Banal ang buong bayan,+ lahat sila, at nasa gitna nila si Jehova.+ Kaya bakit ninyo itinataas ang sarili ninyo sa kongregasyon ni Jehova?”
4 Nang marinig iyon ni Moises, agad siyang sumubsob sa lupa. 5 Pagkatapos, sinabi niya kay Kora at sa lahat ng tagasuporta nito: “Bukas ng umaga, ipaaalam ni Jehova kung sino ang sa kaniya+ at kung sino ang banal at kung sino ang dapat lumapit sa kaniya,+ at ang pipiliin niya+ ang lalapit sa kaniya. 6 Gawin ninyo ito: Ikaw, Kora, at lahat ng tagasuporta mo,+ kumuha kayo ng mga lalagyan ng baga,*+ 7 at lagyan ninyo ang mga iyon ng baga* at insenso sa harap ni Jehova bukas, at ang taong pipiliin ni Jehova,+ siya ang banal. Sumosobra na kayong mga anak ni Levi!”+
8 Sinabi pa ni Moises kay Kora: “Makinig kayo, pakiusap, kayong mga anak ni Levi. 9 Maliit na bagay lang ba sa inyo na ibinukod kayo ng Diyos ng Israel mula sa bayang Israel+ at pinayagan kayong lumapit sa kaniya para maglingkod sa tabernakulo ni Jehova at sa mga Israelita,+ 10 at na inilapit ka niya sa kaniya, pati ang lahat ng kapatid mo na mga anak ni Levi? Tatangkain din ba ninyong kunin ang pagkasaserdote?+ 11 Dahil diyan, si Jehova ang kinakalaban mo at ng lahat ng kasama mong tagasuporta. Kung si Aaron lang, sino ba siya para magbulong-bulungan kayo laban sa kaniya?”+
12 Pagkatapos, ipinatawag ni Moises ang mga anak ni Eliab na sina Datan at Abiram,+ pero sinabi nila: “Hindi kami pupunta! 13 Hindi pa ba sapat sa iyo na inilabas mo kami sa isang lupaing inaagusan ng gatas at pulot-pukyutan para patayin sa ilang?+ Gusto mo rin ba kaming pagharian? 14 Ang totoo, hindi mo naman kami dinala sa anumang lupaing inaagusan ng gatas at pulot-pukyutan+ o binigyan man ng bukid at ubasan bilang mana. Bubulagin mo ba ang mga lalaking iyon para sumunod sa iyo?* Hindi kami pupunta!”
15 Kaya galit na galit si Moises, at sinabi niya kay Jehova: “Huwag mong tatanggapin ang kanilang handog na mga butil. Wala akong kinuha sa kanila kahit isang asno; hindi ko rin pininsala ang kahit isa sa kanila.”+
16 At sinabi ni Moises kay Kora: “Humarap ka kay Jehova bukas kasama ang lahat ng tagasuporta mo, ikaw, sila, at si Aaron. 17 Kunin ng bawat isa ang kaniyang lalagyan ng baga* at lagyan ito ng insenso, at dalhin ng bawat isa ang kaniyang lalagyan ng baga* sa harap ni Jehova, 250 lalagyan ng baga,* at sasama ka sa kanila, pati si Aaron, na dala ang inyong lalagyan ng baga.”* 18 Kaya kinuha ng bawat isa sa kanila ang kaniyang lalagyan ng baga* at nilagyan iyon ng baga* at insenso, at tumayo sila sa pasukan ng tolda ng pagpupulong kasama nina Moises at Aaron. 19 Nang matipon na ni Kora sa pasukan ng tolda ng pagpupulong ang mga tagasuporta niya,+ nakita ng buong bayan ang kaluwalhatian ni Jehova.+
20 At sinabi ni Jehova kina Moises at Aaron: 21 “Humiwalay kayo sa grupong ito para malipol ko sila sa isang iglap.”+ 22 Kaya sumubsob sila sa lupa, at sinabi nila: “O Diyos, ang Diyos na nagbibigay ng buhay* sa lahat ng tao,+ magagalit ka ba sa buong bayan dahil lang sa kasalanan ng isang tao?”+
23 Kaya sinabi ni Jehova kay Moises: 24 “Sabihin mo sa bayan, ‘Lumayo kayo sa mga tolda nina Kora, Datan, at Abiram!’”+
25 At tumayo si Moises at pumunta kina Datan at Abiram, at sumama sa kaniya ang matatandang lalaki+ ng Israel. 26 Sinabi niya sa bayan: “Pakisuyo, lumayo kayo sa tolda ng napakasamang mga lalaking ito, at huwag ninyong hipuin ang anumang pag-aari nila para hindi kayo madamay sa lahat ng kasalanan nila at mamatay.” 27 Agad silang lumayo sa tolda nina Kora, Datan, at Abiram, at lumabas sina Datan at Abiram at tumayo sa pasukan ng tolda nila kasama ang kani-kanilang asawa, mga anak na lalaki, at maliliit na anak.
28 Pagkatapos, sinabi ni Moises: “Sa ganito ninyo malalaman na isinugo ako ni Jehova para gawin ang lahat ng bagay na ito at hindi ito mula sa sarili kong puso:* 29 Kung ang mga taong ito ay mamatay sa karaniwang paraan gaya ng lahat ng tao at ang parusa sa kanila ay gaya ng sa buong sangkatauhan, hindi ako isinugo ni Jehova.+ 30 Pero kung may gawing kakaiba si Jehova at bumuka ang* lupa at lamunin sila at lahat ng pag-aari nila at bumaba silang buháy sa Libingan,* malalaman ninyong ang mga taong ito ay nakitungo kay Jehova nang walang galang.”
31 Pagkasabi niya nito, nabiyak ang lupang tinutuntungan nila.+ 32 At bumuka ang lupa at nilamon sila, pati ang mga sambahayan nila at sambahayan ni Kora+ at lahat ng pag-aari nila. 33 Kaya sila at ang buong sambahayan nila ay bumabang buháy sa Libingan,* at tinakpan sila ng lupa, kaya nalipol sila sa gitna ng kongregasyon.+ 34 Nagtakbuhan sa takot ang lahat ng Israelita nang marinig ang hiyawan ng mga ito, at sinabi nila: “Baka lamunin kami ng lupa!” 35 At nagpadala ng apoy si Jehova+ at tinupok ang 250 lalaking naghahandog ng insenso.+
36 At sinabi ni Jehova kay Moises: 37 “Sabihin mo kay Eleazar na anak ni Aaron na saserdote na kunin ang mga lalagyan ng baga*+ mula sa apoy, dahil banal ang mga iyon. Sabihin mo rin sa kaniya na ikalat sa malayo ang mga baga. 38 Ang mga lalagyan ng baga* ng mga lalaking nagkasala at namatay dahil dito* ay gagawing maninipis na laminang metal na ibabalot sa altar,+ dahil iniharap nila ang mga iyon kay Jehova at naging banal ang mga iyon. Ang mga iyon ay magsisilbing tanda sa mga Israelita.”+ 39 Kaya kinuha ni Eleazar na saserdote ang tansong mga lalagyan ng baga* na iniharap ng mga taong nasunog at pinitpit ang mga iyon para ibalot sa altar, 40 gaya ng sinabi sa kaniya ni Jehova sa pamamagitan ni Moises. Isa itong paalaala sa mga Israelita na ang sinumang* hindi supling ni Aaron ay hindi puwedeng lumapit para magpausok ng insenso sa harap ni Jehova+ at na hindi dapat tularan si Kora at ang mga tagasuporta nito.+
41 Kinabukasan, nagsimulang magbulong-bulungan ang buong bayan ng Israel laban kina Moises at Aaron,+ at sinabi nila: “Kayong dalawa, pinatay ninyo ang mga lingkod* ni Jehova.” 42 Nang magsama-sama ang bayan laban kina Moises at Aaron, tumingin sila sa tolda ng pagpupulong, at nakita nilang tinakpan iyon ng ulap, at lumitaw ang kaluwalhatian ni Jehova.+
43 Pumunta sina Moises at Aaron sa harap ng tolda ng pagpupulong,+ 44 at sinabi ni Jehova kay Moises: 45 “Lumayo kayo sa kapulungang ito para malipol ko sila sa isang iglap.”+ Kaya sumubsob sila sa lupa.+ 46 At sinabi ni Moises kay Aaron: “Kunin mo ang lalagyan ng baga* at lagyan mo ng baga* mula sa altar+ at ng insenso, at pumunta ka agad sa kapulungan at magbayad-sala para sa kanila,+ dahil lumalagablab ang galit ni Jehova. Nagsimula na ang salot!” 47 Kinuha iyon agad ni Aaron, gaya ng sinabi ni Moises, at tumakbo siya sa gitna ng kongregasyon, at nagsimula na nga ang salot sa bayan. Kaya inilagay niya ang insenso sa lalagyan ng baga* at nagsimulang magbayad-sala para sa bayan. 48 Nanatili siyang nakatayo sa pagitan ng mga patay at mga buháy, at nang maglaon ay huminto ang salot. 49 Ang namatay sa salot ay 14,700, bukod pa sa mga namatay dahil kay Kora. 50 Nang tumigil ang salot, bumalik na si Aaron kay Moises sa pasukan ng tolda ng pagpupulong.