Ikalawang Samuel
8 Makalipas ang ilang panahon, nakipaglaban si David sa mga Filisteo+ at tinalo ang mga ito,+ at kinuha ni David ang Meteg-amma mula sa kamay ng mga Filisteo.
2 Tinalo niya ang mga Moabita.+ Pinahiga niya sila sa lupa at sinukat ng pisi. Ang mga nasaklaw ng dalawang sukat ng pisi ay pinatay, at ang mga nasaklaw ng isang sukat ng pisi ay pinanatiling buháy.+ Ang mga Moabita ay naging mga lingkod ni David at nagdala sila ng tributo.*+
3 Tinalo ni David ang hari ng Zoba+ na si Hadadezer na anak ni Rehob nang papunta ito sa Ilog Eufrates+ para muling sakupin iyon. 4 Nakabihag si David mula sa kaniya ng 1,700 mangangabayo at 20,000 sundalo. Pagkatapos, pinutulan ni David ng litid sa binti ang lahat ng kabayong+ pangkarwahe maliban sa 100.
5 Nang dumating ang mga Siryano ng Damasco+ para tulungan si Haring Hadadezer ng Zoba, pinabagsak ni David ang 22,000 sa mga Siryano.+ 6 Pagkatapos, nagtayo si David ng mga himpilan ng mga sundalo sa Sirya ng Damasco, at ang mga Siryano ay naging mga lingkod ni David at nagdala sila ng tributo. Pinagtatagumpay* ni Jehova si David saanman ito pumunta.+ 7 Bukod diyan, kinuha ni David mula sa mga lingkod ni Hadadezer ang bilog na mga kalasag na yari sa ginto at dinala ang mga iyon sa Jerusalem.+ 8 Kumuha si Haring David ng napakaraming tanso mula sa Beta at Berotai, na mga lunsod ni Hadadezer.
9 Narinig ni Haring Toi ng Hamat+ na tinalo ni David ang buong hukbo ni Hadadezer.+ 10 Kaya isinugo ni Toi kay Haring David ang anak niyang si Joram para kumustahin ito at batiin dahil nilabanan nito at tinalo si Hadadezer (dahil madalas makipagdigma si Hadadezer kay Toi). Nagdala si Joram ng mga kagamitang pilak, ginto, at tanso. 11 Inialay* ni Haring David ang mga ito kay Jehova, gaya ng ginawa niya sa mga pilak at gintong nakuha niya sa lahat ng bansang tinalo niya:+ 12 sa Sirya at Moab,+ sa mga Ammonita, Filisteo,+ at Amalekita,+ at sa nasamsam niya sa hari ng Zoba na si Hadadezer+ na anak ni Rehob. 13 Gumawa rin si David ng pangalan para sa sarili niya pagbalik niya matapos makapagpabagsak ng 18,000 Edomita sa Lambak ng Asin.+ 14 Nagtayo siya ng mga himpilan ng mga sundalo sa Edom. Nagtayo siya ng mga himpilan sa buong Edom, at ang lahat ng Edomita ay naging mga lingkod ni David.+ Pinagtatagumpay* ni Jehova si David saanman ito pumunta.+
15 Patuloy na naghari si David sa buong Israel,+ at ang mga ginagawa ni David para sa buong bayan niya ay makatarungan at matuwid.+ 16 Si Joab+ na anak ni Zeruias ang pinuno ng hukbo, at si Jehosapat+ na anak ni Ahilud ang tagapagtala. 17 Si Zadok+ na anak ni Ahitub at si Ahimelec na anak ni Abiatar ang mga saserdote, at si Seraias ang kalihim. 18 Si Benaias+ na anak ni Jehoiada ang pinuno ng mga Kereteo at Peleteo.+ At ang mga anak ni David ay naging mga punong opisyal.*